Bawal Umihi Dito

Bawal Umihi Dito!

Iyan ang sigaw ng maraming pader sa Pilipinas. Kung ikaw ay maglalakad sa ating mga lansangan, ito ang tatambad sa iyo na nakasulat saan mang sulok ka tumingin. Marahil masasanghap mo rin ang mapanghing kalagayan ng ating mga siyudad.

Bakit nga ba kailangan pang isulat ang babalang ito? Hindi ba common sense naman na hindi tayo dapat umihi sa pader, o sa poste, o sa kalye? Sino bang magpapaskil ng “Pwedeng Umihi Dito.” Hindi ba dapat alam natin na ito’y labag sa batas? Pero tanong ng iba, against the law or against the wall?

Sa katunayan, karamihan ng mga munisipyo ay may ordinansa laban sa pag-ihi sa publiko. Maari kang kasuhan ng disorderly conduct o kaya’y indecent exposure pa, at maaring magmulta o makulong. Pero bakit pawang hindi ito ipinatutupad?

Man-urinating-beside-a-bawal-umihi-dito-sign-in-the-Philippines

(photo from internet)

Hindi sa ako’y nagmamalinis o hinuhusgahan ko ang mga gumagawa nito. Dahil minsan din akong umihi sa gulong ng kotse ng tatay ko, nang ako’y musmos pa. At saka noong panahon nang ako’y nasa kolehiyo, maraming mga lalaking estudyante ang “nagdidilig” ng halaman doon sa may grandstand ng UST bago magsimula ang aming ROTC, dahil hassle ang pumunta sa CR. Join na rin ako sa pagdidilig.

Ngunit ano nga ba ang dahilan kung bakit palasak sa Pilipinas ang pag-ihi sa pader?

1. Una sa lahat, dahil tayo ay nai-ihi.

Oo nga naman, hindi mo gagawin ito kung hindi ka nai-ihi. Pero hindi iyon ang gusto kong sabihin. Ang aking tinutukoy ay hindi kayang mapigilan ang pag-ihi.

Baka may enlarged prostate na si kuya? O kaya nama’y lasing? O baka naman may hyperactive bladder o balisawsaw si ate. (Totoo, hindi lang mga kalalakihan ang gumagawa nito.)

Pero Pinoy lang ba ang hindi makapigil ng kanilang ihi?

2. Dahil nais nating markahan ang ating territoryo.

Alam ba ninyo, na kapag inihian ng aso, o kaya’y isang hayop ang isang puwesto, kanyang ipinapaalam sa ibang aso, o ibang hayop, na ito’y kanyang territoryo?

Pero hindi yata ito angkop sa tao. Dahil kadalasan, hindi natin pag-aari ang pader na ating ini-ihian. Kaya naman maraming nauuwi sa away dahil sa pader ng kapitbahay tayo umiihi. At kung ika’y umihi habang nakadungaw ang ang may-ari, baka hindi lang sigaw, kundi itak ang abutin mo. Putol!

3. Dahil walang sapat na public toilet.

Hindi naman siguro makakaila, na kulang, o talagang wala, tayong sapat na pampublikong palikuran. Kung ika’y nai-ihi, kailangan mong pumunta sa loob ng mall o sa restaurant para umihi. At maaring may bayad pa ito, o pagkahaba-haba ng pila. O kaya nama’y sasabihan kang “para sa customer lang po ang toilet.”

Kaya walang ibang choice kundi pigilin hanggang sa maiihi sa salawal, o humanap na lang ng pader.

4. Hindi ipinapatupad ang batas laban dito.

Alam kong mas maraming malalaking problema ang ating bansa. Tulad ng trapik, o mabagal na ekonomiya, o corruption sa gobyerno. Kaya ba hindi na lang pinapansin ang batas laban sa pag-ihi sa publiko?

At sino ang magpapatupad nito? Ang may-ari ng pader? Mga baranggay tanod? Mga pulis? Mahina siguro ang “kotong” sa mahuhuli dito, hindi tulad sa nahuhuli sa batas trapiko.

Kaya maliban na ikaw ay umihi sa poste kung saan nagtatago ‘yung pulis, malamang bale wala ito. Kaya hanggang sa paskil na “Bawal Umihi Dito” na lang, at ipinauubaya na sa pader na ipagtanggol nito ang sarili.

Pero mayroon na ngayong bagong hydrophobic paint na “pee-proof” daw. Kapag ipinahid ito sa pader, tumatalbog pabalik ang ihi sa sinumang salarin. Makakaganti na rin ang inaaping pader! Magkaroon kaya nito sa Pilipinas?

cq5dam.web.1280.1280

kaliwa – karaniwang pader; kanan – may “pee-proof” paint (image from internet)

5. Dahil walang galang at walang disiplina.

Siguro dito nauuwi ang lahat ng ito. Wala tayong disiplina sa ating sarili.

Walang disiplina sa batas trapiko. Walang disiplinang pumila sa linya. Walang disiplinang tumupad sa oras. Walang disiplina sa pagtatapon ng basura. Walang galang sa pag-aari. Walang galang sa ibang tao. Walang galang sa ating sarili.

Kung simpleng bagay gaya ng hindi pag-ihi sa pader ay hindi natin kayang disiplinahin ang ating sarili, paano pa kaya ang mas malalaking problema ng lipunan tulad ng pagnanakaw ng kaban ng bayan, corruption, at pagiging tapat sa isa’t-isa?

Kawawa naman ang ating bansa. Sabi pa naman sa ating pambansang awit “duyan ka nang magiting.” Pero siguro nga, kaya sinabing duyan, dahil laging nai-ihian.

Kaya sa susunod, kung may makita kang umiihi sa pader, magalang mo na lang silang paalalahanan. At kung ikaw ang iihi sa pader……”Humarap ka, duwag!”

Ayoko ng ROTC

Nuong ako’y nasa kolehiyo pa sa UST, ay gumugol din ako ng dalawang taon ng pagod, sakit ng katawan, at pagbibilad sa araw, para makapasa sa ROTC – Reserve Officers Training Corps (mandatory pa ito noon sa lahat ng kalalakihan sa kolehiyo). May saysay ba ang lahat ng paghihirap, pagpapawis sa init, at  pag-gastos ng maraming oras para makaraos sa ROTC?

Alam kong tinibag ng batas ang ROTC sa bansa noong 2001, at naging ‘optional’ na lang ito, matapos magbuwis ng buhay si Mark Chua, isang estudyante sa UST, matapos niyang isambulat ang katiwalian at baho ng sistema na nagpapatakbo ng ROTC sa UST. Ngunit noong nakaraang linggo lamang, ay may mga balita na gusto muling gawing mandatory ito sa curriculum ng lahat ng kolehiyo.

Kahit noong panahon pa namin ay garapalan na ang corruption (gaya ng inilantad ni Mark Chua) at alam ng lahat na nababayaran ang pagpasa sa ROTC. Hindi mo na kailangan magpakahirap bawat Linggo, magbayad ka lang, pasado ka na. Gusto ko rin sanang makaligtas sa hirap, ngunit hindi ako pinayagan ng tatay kong bayaran na lamang ang ROTC; sabi niya ay may matututunan din daw ako dito. Kaya?

Nag-uumpisa ang aming ROTC  ng sapilitang pagdalo sa misa (kahit hindi ako Katoliko) sa Grandstand ng UST ng alas-7 ng umaga. Bago mag-misa, marami sa mga kadete ang umiihi, este, nagdidilig sa mga halamanan doon (kasi walang pader). Hindi ko nga maisip bakit buhay pa rin yung mga halaman. Ang pagmimisa at pagdidilig ng halaman (minsan ko lang ginawa yun, peks man!) kaya ang natutunan ko sa ROTC?

img_3896

Matapos ang misa, ay simula na ng walang kamatayang pagtayo at pagbibilad sa araw. Sinisimulan ito ng inspeksyon ng uniporme. Gusto nila makintab ang buckle ng aming garrison belt at ng aming combat boots. Sobrang kintab na pwede ka nang manalamin dun. Hindi ko nga maintindahan kung bakit nila gustong makintab ang aming boots, eh maaalikabukan at mapuputikan din naman ito matapos lang ng ilang minuto sa kakamarcha. Pati gupit at ahit kailangan “prescribed cut” ng militar. Pagpapakintab kaya ng combat boots ang natutunan ko sa ROTC?

Hindi rin naman pagtayo at pagmamarcha lang sa init ang ginagawa namin. May paminsan-minsan din namang mga lectures tungkol sa mga pamamalakad at taktika ng military. Meron ding konting lecture sa self-defense (kahit ang alam ko lang na self-defense ay pagtakbo ng mabilis). Minsan din naman kaming humawak ng totoong baril (isang beses lang sa loob ng 2 taon!). Ito ay noong pumunta kami sa Fort Bonifacio at doon nakahawak, sumipat at nakapagpaputok ng M-16 (kahit 10 bala lang ang laan sa bawat isa). Mga taktikang militar kaya ang natutunan ko sa ROTC?

Meron din namang Medic Battalion ang aming ROTC. Mas ‘cool’ ang kanilang uniporme. May puti silang arm band at helmet na may pulang krus. May dala rin silang first aid kit na nakasukbit sa kanilang baywang. Kung may mahihilo o mahimatay, tatawagin ang mga medic. Sila ay dadalhin at pauupuin sa lilim at bibigyan ng bulak na may ammonia para singhutin. May mga kadete nga na nagkukunwaring nahihilo para lang makatiwalag at makaupo sa lilim. Bakit ko ba hindi sinubukan iyon? Kasi ayokong suminghot ng ammonia na aming ipinasisinghot sa mga palaka, na aming dina-dissect sa Zoology. Ang pagiging maabilidad ba ang natutunan ko sa ROTC?

IMG_2187.jpg

Pag-bandang alas-10 na, ay binibigyan kami ng 30 minutong break. Hindi rin naman pwedeng tumiwalag sa pormasyon, pero pinauupo naman kami sa damo. Tapos lalabas na ang “Refreshment Battalion”. Ito ay batalyon ng mga bading na nagtitinda ng sandwiches at softdrinks. Hindi ko alam kung bakit bading lang ang kinukuha sa batalyong ito. Buti pa sila hindi nakabilad sa init ng ilang oras. Minsan inisip ko na ring magpaka-bading para lang makaligtas sa init. (In this age of liberalism, equality and political correctness, I’m not saying I’m for or against gay, I’m just stating a fact.) Ang pagtanggap ba sa mga ‘gay’ ang aking natutunan sa ROTC?

Pag-malapit nang mag alas-dose ng tanghali, ay kaysa lang kinukuha ang attendance. Ito ay para walang umisip na tumakas. Hindi pare-pareho ang pag-kuha ng  attendance. Minsan ay mayroon na silang listahan at nilalagyan ng check kung ikaw ay present. Minsan pinapasulat kami sa papel ng aming mga pangalan at ito ay sina-submit (paiba-iba rin ang papel na ginagamit nila). Ito ay mga paraan para maiwasan ang pandaraya. Alas-dose impunto, kaysa lang kami pinauuwi. Ang pagiging tapat (sa kabila ng corruption) ba ang aking natutunan sa ROTC?

Pagkaraan nang mahigit 20 taon matapos kong pagdaanan ang ROTC, may kabuluhan kaya ito sa aking buhay ngayon? Aking aaminin, na tama ang aking tatay. Totoo na ako ay may natutunan duon. Dito ko natutunan ang disiplina sa sarili (na hindi nanggagaling sa ibang tao, kundi sa aking sarili mismo). Disiplina na gawin ang mga bagay kahit salungat sa aking kagustuhan, dahil ito ang tama at kinakailangan. Disiplina sa sarili, na gumabay sa aking buhay, at nagdala sa akin kung saan ako nakarating ngayon.

Ayoko ng ROTC. Nuon iyon.