Ayoko ng ROTC

Posted by

Nuong ako’y nasa kolehiyo pa sa UST, ay gumugol din ako ng dalawang taon ng pagod, sakit ng katawan, at pagbibilad sa araw, para makapasa sa ROTC – Reserve Officers Training Corps (mandatory pa ito noon sa lahat ng kalalakihan sa kolehiyo). May saysay ba ang lahat ng paghihirap, pagpapawis sa init, at  pag-gastos ng maraming oras para makaraos sa ROTC?

Alam kong tinibag ng batas ang ROTC sa bansa noong 2001, at naging ‘optional’ na lang ito, matapos magbuwis ng buhay si Mark Chua, isang estudyante sa UST, matapos niyang isambulat ang katiwalian at baho ng sistema na nagpapatakbo ng ROTC sa UST. Ngunit noong nakaraang linggo lamang, ay may mga balita na gusto muling gawing mandatory ito sa curriculum ng lahat ng kolehiyo.

Kahit noong panahon pa namin ay garapalan na ang corruption (gaya ng inilantad ni Mark Chua) at alam ng lahat na nababayaran ang pagpasa sa ROTC. Hindi mo na kailangan magpakahirap bawat Linggo, magbayad ka lang, pasado ka na. Gusto ko rin sanang makaligtas sa hirap, ngunit hindi ako pinayagan ng tatay kong bayaran na lamang ang ROTC; sabi niya ay may matututunan din daw ako dito. Kaya?

Nag-uumpisa ang aming ROTC  ng sapilitang pagdalo sa misa (kahit hindi ako Katoliko) sa Grandstand ng UST ng alas-7 ng umaga. Bago mag-misa, marami sa mga kadete ang umiihi, este, nagdidilig sa mga halamanan doon (kasi walang pader). Hindi ko nga maisip bakit buhay pa rin yung mga halaman. Ang pagmimisa at pagdidilig ng halaman (minsan ko lang ginawa yun, peks man!) kaya ang natutunan ko sa ROTC?

img_3896

Matapos ang misa, ay simula na ng walang kamatayang pagtayo at pagbibilad sa araw. Sinisimulan ito ng inspeksyon ng uniporme. Gusto nila makintab ang buckle ng aming garrison belt at ng aming combat boots. Sobrang kintab na pwede ka nang manalamin dun. Hindi ko nga maintindahan kung bakit nila gustong makintab ang aming boots, eh maaalikabukan at mapuputikan din naman ito matapos lang ng ilang minuto sa kakamarcha. Pati gupit at ahit kailangan “prescribed cut” ng militar. Pagpapakintab kaya ng combat boots ang natutunan ko sa ROTC?

Hindi rin naman pagtayo at pagmamarcha lang sa init ang ginagawa namin. May paminsan-minsan din namang mga lectures tungkol sa mga pamamalakad at taktika ng military. Meron ding konting lecture sa self-defense (kahit ang alam ko lang na self-defense ay pagtakbo ng mabilis). Minsan din naman kaming humawak ng totoong baril (isang beses lang sa loob ng 2 taon!). Ito ay noong pumunta kami sa Fort Bonifacio at doon nakahawak, sumipat at nakapagpaputok ng M-16 (kahit 10 bala lang ang laan sa bawat isa). Mga taktikang militar kaya ang natutunan ko sa ROTC?

Meron din namang Medic Battalion ang aming ROTC. Mas ‘cool’ ang kanilang uniporme. May puti silang arm band at helmet na may pulang krus. May dala rin silang first aid kit na nakasukbit sa kanilang baywang. Kung may mahihilo o mahimatay, tatawagin ang mga medic. Sila ay dadalhin at pauupuin sa lilim at bibigyan ng bulak na may ammonia para singhutin. May mga kadete nga na nagkukunwaring nahihilo para lang makatiwalag at makaupo sa lilim. Bakit ko ba hindi sinubukan iyon? Kasi ayokong suminghot ng ammonia na aming ipinasisinghot sa mga palaka, na aming dina-dissect sa Zoology. Ang pagiging maabilidad ba ang natutunan ko sa ROTC?

IMG_2187.jpg

Pag-bandang alas-10 na, ay binibigyan kami ng 30 minutong break. Hindi rin naman pwedeng tumiwalag sa pormasyon, pero pinauupo naman kami sa damo. Tapos lalabas na ang “Refreshment Battalion”. Ito ay batalyon ng mga bading na nagtitinda ng sandwiches at softdrinks. Hindi ko alam kung bakit bading lang ang kinukuha sa batalyong ito. Buti pa sila hindi nakabilad sa init ng ilang oras. Minsan inisip ko na ring magpaka-bading para lang makaligtas sa init. (In this age of liberalism, equality and political correctness, I’m not saying I’m for or against gay, I’m just stating a fact.) Ang pagtanggap ba sa mga ‘gay’ ang aking natutunan sa ROTC?

Pag-malapit nang mag alas-dose ng tanghali, ay kaysa lang kinukuha ang attendance. Ito ay para walang umisip na tumakas. Hindi pare-pareho ang pag-kuha ng  attendance. Minsan ay mayroon na silang listahan at nilalagyan ng check kung ikaw ay present. Minsan pinapasulat kami sa papel ng aming mga pangalan at ito ay sina-submit (paiba-iba rin ang papel na ginagamit nila). Ito ay mga paraan para maiwasan ang pandaraya. Alas-dose impunto, kaysa lang kami pinauuwi. Ang pagiging tapat (sa kabila ng corruption) ba ang aking natutunan sa ROTC?

Pagkaraan nang mahigit 20 taon matapos kong pagdaanan ang ROTC, may kabuluhan kaya ito sa aking buhay ngayon? Aking aaminin, na tama ang aking tatay. Totoo na ako ay may natutunan duon. Dito ko natutunan ang disiplina sa sarili (na hindi nanggagaling sa ibang tao, kundi sa aking sarili mismo). Disiplina na gawin ang mga bagay kahit salungat sa aking kagustuhan, dahil ito ang tama at kinakailangan. Disiplina sa sarili, na gumabay sa aking buhay, at nagdala sa akin kung saan ako nakarating ngayon.

Ayoko ng ROTC. Nuon iyon.

7 comments

  1. very interesting narration. i did the same thing in hs, cmt ang tawag doon, `di ba? mabuti na lang at walang rotc para sa babae noong college!!!!!

  2. wew.. same here,ganyan din kme ngaun..medjo worst lng kau..^^ pro d same question remains here” May natutunan nga ba aq sa ROTC?” hmmm..

    1. first of all is discipline. tama ang writer natutunan nya ang discipline altho late na lang nya narealize. rotc is fun at isa itong adventure. sayang wala na ang afp rainbow rangers unit. for those who want to experience sana kung ano ang buhay ng isang ranger trainee bagay sana sa inyo ang sunday soldiers rainbow ranger.

      ito ang isa sa aming credo :

      “We live by the creed of humility. The simplicity that must characterize the true sons of our country. Ours is to strive humbly but with vigor and determination, to bring about all forces that will make our nation great, without thought of glory nor reward.”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s