Isa sa kasiguraduhan sa musmos kong buhay noon, ay ang bitbit kong baon para sa tanghalian. Dahil may kalayuan ang aming paaralan mula sa aming bahay, kaya mula Grade 1 hanggang 4th year high school, ay kasama sa laman ng aking bag ay ang aking baon.
Nandiyan tumulo ang sabaw sa aking mga aklat, tumapon ang laman sa loob ng aking bag, o mamawis sa sobrang init, ngunit ang mahalaga ay mayroon akong pananghalian. Pati nga ang aking PE t-shirt, na nasa loob rin ng aking bag, ay nag-aamoy baon. (Pero hindi ko naman tinangkang kainin ang baon kong t-shirt.)
Naging iba’t ibang klase ang aking naging lunch box sa paglipas ng maraming taon. Mula plastic na parang tupperware, hanggang sa lata na gawa sa aluminum. Naging iba’t ibang kulay din ang mga ito, mula sa puti, asul, berde, pink (pink? ah…..eh…..sa utol kong babae pala yun!) at “stainless”. Minsan ay may “cartoon character” o “super hero” pa ang aking lunch box.
Naging sari-sari rin ang aking naging baon. Mula sa hotdog, fried chicken, tinolang manok, nilagang itlog, piniritong itlog, sarsiadong itlog, (buti na lang at hindi puro itlog ang naging grade ko!) tapa, bistek, corned beef, tinapa, daing na bangus, piniritong galunggong, paksiw na tilapia, pinakbet, adobong sitaw, eskabecheng talong, ginisang munggo, at siyempre kanin. (Hindi tanghalian kung walang kanin!)
Kapag may sabaw ang aking baon, ay binabalot pa ito sa plastic na supot ng aking nanay, at saka ilalagay sa lunch box, pero paminsan-minsa’y kumakatas pa rin. Tunay namang masarap ang pagkain kahit pa nakulob ng ilang oras sa loob ng lunchbox, huwag lang mapapanis.

(photo from here)
Naging iba’t iba rin ang mga lugar kung saan ako kumakain ng aking baon. Mula sa loob ng classroom, sa ilalim ng puno sa labas ng school building, sa bahay ng aking kaklaseng nakatira sa malapit sa aming eskwelahan, sa tabi ng basketball court ng school(tapos maglalaro na ng prisoner’s base pagkatapos kumain), o sa paligid-ligid na mga canteen.
Pero nang ako ay nasa high school na, ay naging regular at naging suki na ako doon sa “Quintos’ carinderia” na nasa tabi ng aming paaralan. Pinapayagan kaming kumain doon kahit may bitbit na baon, basta ba bibili lang kami ng softdrink o iba pang panghimagas.
Noong ako’y nasa elementarya pa ay hindi ko iniinda ang aking pagbi-bitbit ng baon. Ngunit noong ako’y nasa high school na ay para bang akin nang ikinahihiya ang pagdadala ng lunchbox.
Sa aking murang pananaw ay hindi “cool” ang may bitbit na baon. Bakit ba hindi na lang ako bigyan ng aking magulang ng perang pambili ng tanghalian sa mga canteen o karinderia, tulad ng iba kong mga kaklase? O bakit nga ba? Diyahe naman itong laging may nakasuksok na baon sa bag!
Subalit sa pagdaan ng maraming pang taon, nang aking sariwain ang mga nakaraan, ay aking naisip na mas malaki ang malasakit at sakripisyo ng aking mga magulang, lalo na ng aking nanay sa paghahanda ng aking baon.
Sa araw-araw na gawa ng Diyos na kami ay may pasok sa eskwela, ay walang pagod na inihahanda ng aking ina ang aking baon. At kahit minsa’y hindi ko siya kinarinigan ng reklamo sa pag-gawa nito. Totoo, hindi ko dapat ikahiya ang aking pagbi-bitbit ng baon, kundi dapat ko pang ipagmalaki ito, dahil ito’y tanda ng pagmamahal ng aking ina.
Dahil din sa pagdadala ko ng baon, ay nabuklod kami ng aking mga naging kaibigan. Apat kaming mag-kakabarkada noon ang laging magkakasamang kumakain na may bitbit na baon. Natagurian na nga kaming “Baon Boys.”
Ang mga kaibigan kong ito ay naging kasangga ko sa mahabang panahon at napalapit sa aking puso, at hindi ko ipagpapalit ang aming mga pinagsamahan, kahit pa sa isang linggong baon. (Kahit pa relyenong bangus o kare-kare, peks man!)

(photo from gogirlcafe.jennyo.net)
Noong 2009, matapos lumipas ang 25 taon, ay muli akong nakabalik sa aming paaralan para sa aming reunion. At kahit pinagwatak-watak kami ng tadhana (may nasa Amerika, Australia, at Pilipinas), at kahit pinakupas na kami ng panahon, ay muling nagkita-kita ang “Baon Boys.”
Nagbago na ang aming mga itsura. Tumanda, bumigat, naupos ang buhok. Nagbago na rin ang mga problema naming kinakaharap. Dati’y problema lang namin ay kung kasya ang aming pera na pambili ng softdrink doon sa Quintos’, nguni’t ngayon ay problema na namin ang pambaon ng aming mga anak at ipapabaon sa aming pamilya kung sakaling kami’y mawala na.
At kahit marami na ang nagbago, ang samahan ng aming pagkakaibigan ay hindi pa rin nagbago. Sayang nga lang at hindi na namin nabalikan ang dati naming paboritong hangout. Ito ay dahil wala na ang karinderia, at isang night-club na ang nakatirik sa lugar na iyon. (At hindi naman kami papayagan ng aming mga misis na pasukin ito.)
Oo nga pala, may isa pang malaking pinagbago — wala na kaming bitbit na baong lunchbox.
Yes, I remember the Baon Boys. And the picture I took of you guys. Those were the days. And how far we have all come since then. 🙂
Thank you for walking the memory lane with me.
Miyembro rin ako ng baon boys nung haiskul. Ang pagkakaiba lang natin ay talagang di ako napagbaon ng may sabaw. Tunay na pagmamahal ng mga magulang ang pag-prepare nila ng baon, maaga rin silang gumigising, dahil mga 6am ay aalis na ako ng bahay. At yun nga rin ang nangyari sa amin sa iskul…super bonding kami nung lahat na nagbabaon. Kami ang naging close na magkakaibigan hanggang ngayon…after 37 years. God Bless!
Mabuhay ang mga baon boys! (and girls.) Salamat sa iyong pagdalaw.
hello, PP… Maligayang Pasko sa iyo at sa mga mahal mo sa buhay. 🙂 regards sa iyong nanay na matiyagang naghanda ng iyong baon sa maraming taon. Cheers! 🙂