Alaala ng Norma

Posted by

Habang ako’y nakadungaw sa bintana at nakatunganga sa magandang tanawin sa harap ng aming bahay, ay hindi maiwasang magliwaliw ang aking pag-iisip……..

front yard

Mag-lilimang taon na rin pala ang nakalilipas nang kami’y lumipat sa aming kasalukuyang tahanan. Matapos ang 16 na taon dito sa Estados Unidos, at 12 beses na pagpapalit-palit ng tirahan (mula New Jersey, New York City, LA, Florida, at Iowa), ay dito sa bahay na ito ang pinaka-matagal na naming paninirahan.

Ito rin ang kauna-unahang bahay na masasabing sariling amin, matapos ang 11 taon ng pangungupahan. Ito ang unang tahanan na ang titulo ay naglalaman ng aking pangalan. Bagama’t mahal ko ang tahanang  ito, ito’y pangalawa lamang sa puso ko sa tahanang aking kinagisnan doon sa Norma.

Si Norma ay hindi isang babae. Ito ay pangalan ng kalye na aking kinalakihan sa Sampaloc, Manila. Dito itinirik ng aking mga magulang ang aming bahay, mula sa kanilang dugo at pawis. Sa bahay na iyon kung saan namulat ang aking mga mata sa mundong ito. Ang bahay na iyon ang naging saksi sa aking pagbabago; mula sa uhuging batang paslit hanggang sa maging paki-pakinabang na mamamayan ng lipunan (parang Panatang Makabayan ah).

Old Sampaloc, Manila

Puro matatamis ang aking alaala doon sa bahay namin sa Norma. At kung may mangilan-ngilan mang hindi masasayang alaala (gaya ng ako’y makomang, o ilang beses na mapingot ng aking nanay, o masinturon ng aking tatay), ay nasasapawan ito ng magagandang karanasan sa tahanang ito. Sa bahay ring ito idinaos ang aking simpleng kasal. Marahil iyon na ang mga huling yugto ng aking buhay sa bahay na ito.

Pagkalipas ng mga ilang taon mula ng aking lisanin ang Norma upang makipagsapalaran sa Amerika, sa isang masalimuot na kasaysayan at mga pangyayari, ay binenta ang tahanan naming iyon. Isang malungkot na bahagi ng buhay. Ngunit kailangang mangyari.

Nang ako ay magbalik-bayan nuong nakaraang taon, ay maraming lugar ang aking binalikan upang sariwain ang mga nakaraan. Ngunit hindi ko pinangahasang lumakad muli sa kalye ng Norma. Hindi ko maatim na matanaw lamang ang bahay na kumupkop sa aking kamusmusan, at hindi mapasok iyon, dahil sa iba na ang nagma-mayari nito. Hindi ko pa matanggap na iba na ang nakatira at nakadungaw sa mga bintana nito. Tawagin na ninyo itong sentimyento ng baliw, ngunit ito ang aking “tunay na nararamdaman” (kanta yata ng Boyfriends yun).

Sana balang araw, ay makabalik muli ako sa Norma. Marahil, ay magkalakas loob pa akong kumatok sa bahay na iyon kahit alam kong iba na ang naninirahan doon. At sinong makapagsasabi, baka ako’y papasukin pa.

Ang Norma ay alaala ng nakalipas. Ngunit ngayon, sa kasalukuyan kong tahanan dito sa Iowa, panibagong kabanata ang isusulat sa aking alaala; kasaysayan ng aking pamilya’t mga anak, at ng kanilang magiging mga anak.

4 comments

  1. Nawa’y sa susunod mong pagbalik sa Maynila, makakadalaw ka na sa bahay na iyong kinamulatan, na naging isang makahulugang bahagi ng iyong buhay. Dahil diyan naganap ang paghubog ng isip, damdamin, at pagkatao ng isang mabuting tao, na naging isang tapat at mapagmahal na anak, kapatid, asawa, ama, tiyo, at isang mapagmalasakit na manggagamot.

    Bagamat kinailangan mong lisanin ang lupain ng iyong kapanganakan, iyan na rin ay buhat ng pagkukulang ng gobyerno na hindi matulungang maiangat sa kahirapan ang karamihan ng kanyang mamayan, o maisaayos ang ekonomiya ng isang bansa na may napakalaking potensiyal upang umasenso.

    At kung ikaw ngayon ay naninirahan sa isang malayong bayan na tuwing Disyembre ay may niebe galing sa langit na dati-rati nakikita mo lamang sa loob ng repridyerador, panahon na lamang upang gumawa ng sariwang alaala para sa susunod na mga henerasyon.

    Saludo ako sa iyo at sa iyong maybahay, na sa inyong pagtayo ng tahanan sa ibang bansa, dala pa rin ninyo sa puso ang alaala ng kinagisnang Inang Bayan.

  2. nice one! i was reminded of the street on which i grew up. this is the kind of place that every now and then appears in our dreams…kahit san pa tayo mapadpad later on in life.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s