Sumampid na Saranggola

Posted by

“Matayog ang lipad ng saranggola ni Pepe, matayog ang pangarap ng matandang bingi.” – Celeste Legaspi

Isa sa mga nakatutuwang alaala noong ako’y bata pa ay ang pagpapalipad ng saranggola. Kahit maging boka-boka man o guryon, ay gusto ko itong paliparin. Dahil sa sikip ng aming kalsada sa Sampaloc, at sa dami ng mga poste at linya ng kuryente ng Meralco, ay halos imposibleng magpalipad ng saranggola sa aming kalye. Kaya sa itaas ng bubong ng aming bahay ako nag-sasaranggola.

Minsan, sa aking pagpapalipad sa Maynila, ay lumarga ng malayo sa himpapawid ang aking saranggola. Tuwang-tuwa akong makitang matayog at matatag ang lipad nito. Ngunit biglang nag-iba ng direksiyon ang ihip ng hangin, at gumewang at umembang ito. Sa pagsisid at pag-bagsak nito, ito’y kumalawit sa antena ng TV na nasa bubong ng aming kapitbahay. Buti na lang at kasama ko ang aking tiyuhin* na mahusay magpalipad. Ibinigay ko sa kanya ang pisi, at sa magaling na pagdiskarte at pagmamani-obra niya, ay nakawalang muli ang aking saranggola. Ito’y mayabang na pumailanglang muli sa hangin.

Ngayon na ako’y hindi na bata (pero isip-bata pa rin?), ay nanatili pa rin ang hilig ko sa pag-sasarangola. Pinasa ko rin ang hilig kong ito sa aking mga anak.

saranggolang mababa ang lipad

Noong nakaraang araw, ay naging mainit at mahangin ang panahon dito sa amin sa Iowa. Kaya’t sinamantala namin ng aking mga anak na magpalipad ng saranggola. Maluwag-luwag ang aming bakuran, at walang mga poste at linya ng kuryente dahil nakabaon sa lupa ang mga kable ng kuryente at telepono dito sa aming lugar. Ngunit merong mga matataas na puno sa aming pook.

Madali naming napalipad ang aming saranggola dahil sa lakas ng hangin. Ngunit sa pabugso-bugsong ihip, ay maraming beses ring bumulusok sa pagbagsak ito. Pero patuloy pa rin namin itong pinalilipad at pinakakawalan upang maglagalag at sumayaw sa himpapawid. Nang malaon ay naging matayog na ang lipad nito. Subalit sa isang malaipo-ipong bugso ng hangin ay biglang humilagpos ito sa pagkakahawak ng aking anak. Tangay pati ang pisi, ay sumalipadpad at sumampid ito sa tuktok ng mataas na puno.

sumampid na saranggola

Tulad ng paglipad ng saranggola, ay ang paglipad ng ating mga pangarap. Minsan matayog at matatag. Minsan sumisisid at lumalagakpak. At minsan ay napapatid at sumasampid. Ngunit kahit mahulog o sumampid ang ating mga panukala at panaginip, hindi nanganahulugang dapat na nating itigil ang pagpapailanglang ng ating mga pangarap. Kundi ay patuloy pa rin natin itong paliparin – hanggang ito’y sumahimpapawid sa alapaap ng tagumpay.

Isa sa mga panaginip ko noong ako’y musmos na bata pa ay maging basketbolista. Pero hindi ako biniyayaan ng 6-footer na height. Subalit kahit nasampid man ang pangarap kong iyon, ay biniyayaan naman ako ng matalas na isip, at marami namang ibang mga pangarap ko ang lumipad. Sa kasalukuyan ay nag-kakasya na lang ako sa pag-lalaro ng basketbol sa aking driveway.

Hangang ngayon ay nakasampid pa rin sa puno ang aming saranggola. Kumukuya-kuyakoy at kumakaway-kaway sa ihip ng hangin. At para bang nagsasabi at nagpapaalala, na minsan ay naging matayog din ang kanyang naging lipad.

May panibagong saranggola na naman kaming papaliparin. Maaaring bukas……..kung hindi uulan.

*******

*(Post Note: Parang paglalayag ng saranggola, ang tiyuhin kong kasamang magpalipad noon, ay napadpad sa Canada, habang ako naman ay dito sa Amerika.)

One comment

  1. Natutuwa akong masdan ang pamangkin ko na enjoy na enjoy sa pagpapalipad ng saranggola. At least he experienced part of kamusmusang Pinoy na maaari niyang maibida sa mga kaibigan pagdating ng panahon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s