Suwail sa Pamahiin: Ikalawang Yugto

Posted by

Mawalang galang na po ulit sa ating mga matatanda, ngunit muli akong mangangahas na suwayin ang mga nakagisnan kong pamahiin.

bathing and washing in the river (photo courtesy from Baliktanaw)

1. Magsabi na “Tabi-tabi po”, kapag lulusong sa ilog o tatahak ng gubat. Ito ay paghingi ng pahintulot sa mga engkanto at mga espiritu na nakatira doon, upang hindi ka nila saktan.

Alam kong maraming Pilipino ang naniniwala sa mga engkanto, ngunit mayroon din namang hindi naniniwala sa mga ito. Isa na ako dito.  Sa aking pananaw, ay mas mabuti kung sa mga buwaya at ahas ka  mag-ingat, kapag tumatawid ng ilog at gubat. Mabuti ring humingi ng pahintulot sa taong may-ari ng lupa kapag tatawid sa lugar na may nakapaskil na “No Trespassing”, lalo na’t may kasunod na babalang “Beware of the Dogs”.

2. Magsabi ng “Pwera usog” kapag bumabati sa mga sanggol o bata, o lawayan ang kanilang pusod, para hindi mo sila mausog.

Ang paniniwala sa usog ay unique sa ating mga Pilipino. Walang scientific o medical na batayan ang paniniwalang ito, kahit marami nang pagsasaliksik ang naisagawa tungkol dito. Para sa akin, mas makakasama pa ang paglalagay mo ng laway sa pusod ng sanggol kung hindi pa tuyo ang sugat: hindi usog, kundi rabies ang maari mong maibigay sa bata.

3. Ang maliit na burol ng langgam sa ilalim ng bahay ay isang palatandaan ng magandang suwerte.

Hindi ito totoo.  Sa katotohanan, ito ay maaring sanhi ng peste, lalo na kung ang mallit na burol ay pugad ng anay o iba pang nakakapinsalang insekto. Kaya tumawag ka na ng exterminator. (Hindi Terminator, exterminator!)

4. Huwag sumipol sa gabi; ito ay pag-iimbita ng masamang espiritu.

Hindi ako naniniwala dito.  Ang masama para sa akin ay sipulan ang isang babae, lalo na kung kasama niya ang maton na boyfriend niya. Tiyak na bugbog ang abot mo. Huwag mo ring sipulan ang mga lasing na nag-iinuman sa kanto, kung gusto mo pang mabuhay.

5. Kapag nakagat mo ang iyong dila, ito ay tanda na may nakaalala sa iyo.

Hindi ako bilib dito. Ang mas maiging payo ay ang paalala, lalo na sa mga tsismoso at tsismosa, na kagatin ang iyong dila kapag ikaw ay natutuksong magsalita ng masama o manglait ng iyong kapwa. Ito ay tanda ng mabuting pakikipag-kapwa.

6. Iunan mo ang iyong libro sa iyong pagtulog upang ikaw ay maging matalino at palatandain.

Walang katotohan ito. Magkaka-stiff neck ka lang, lalo na kung makapal-kapal at hard-bound yung libro na iyong iuunan. Maari pang mabasa lang ng laway mo ang iyong libro.  Mas epektibo kung iyong babasahin at pag-aaralan ng mahusay ang iyong aklat. Ito ang magpapatalino sa iyo.

7. Huwag turo nang turo kapag ikaw ay nasa parang o nasa gubat, at baka ikaw ay ma-nuno (sa punso).

Hindi rin po ako naniniwal sa mga nuno sa punso.  Ang mas magandang payo para sa akin, lalo na sa mga misis: Huwag turo nang turo kapag kayo ay nag-wi-window shopping sa Mall, at baka ikaw ay iwan ng iyong mister dahil sa pagka-“Bilmoko” mo. Mas masaklap pa ito sa nanuno!

nuno sa punso (image from Wikipilipinas)

Ipagpaumanhin po ninyo sana ang aking kapangahasan. At kung magalit man sa akin ang mga engkanto at nuno sa punso, malakas ang aking loob, dahil alam kong wala naman sila dito sa Iowa. Kaya?

2 comments

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s