Kwentong Palengke

Posted by

Noong isang araw ay nautusan akong dumaan sa palengke ng aking misis. Nagpabili siya ng hilaw na papaya at dahon ng sili (meron dito paminsan-minsan), dahil magtitinola raw siya. Pinabili rin niya ako ng hinog na saging na saba, para makapag-turon daw kami. (Tulo na ba laway ninyo?)

Ngunit bago ninyo isipin na nagbitbit ako ng bayong, at lumakad ako sa maputik at basang palengke – hindi ganoon ang “palengke” na aking pinuntahan dito. Ibang-iba ito sa mga palengke na aking kinagisnan sa Pilipinas.

palengke

Naalala ko noong ako’y bata pa, maraming beses din naman akong sinasama ng aking nanay sa palengke doon sa amin, na nasa Galas. Dahil medyo malaki ‘yung aking tsinelas, pumipilantik ang putik sa aking binti kapag ako’y naglalakad sa putikan na kalsada ng palengke. Sari-sari ang mga paninda na aking natunghayan doon. Halu-halo din ang amoy na aking nasinghot sa palengke. At pag-uwi ko, ay amoy palengke na rin ako.

Nakikipisil-pisil din ako sa mga isdang tinitinda doon, at tuwang-tuwa na makitang pumapalag-palag pa ang mga ibang isda. Pero meron din namang mga bilasa na at may “sore eyes” pa. Magaling din makipag-baratan ang aking nanay sa pamimili. (Bakit ko ba hindi natutunang makipagtawaran?)

At kapag kami’y uuwi na, ibibili pa ako ng aking nanay ng “puffed rice”, o suman, o kaya ng sapin-sapin. Masaya na ako sa ganoon.

Pero ngayon dito sa Iowa, kakaibang palengke na ang aking binibilihan. Sa katunayan, ay sa isang Asian (Vietnamese) food store lang ako bumili ng mga gulay.  Naka-iskaparate sa malaking refrigerator ang mga gulay, at naka freezer naman ang mga isda. May mga paninda rin doon galing ng Pilipinas, tulad ng tuyo, balut, itlog na maalat, bagoong, patis, sardinas at iba pa.

Meron pa nga kaming Filipino store dito sa Des Moines. Ito ay nakapuwesto sa loob ng mall. Totoo, nasa loob ng mall! Buti na lang at hindi nag-aamoy bagoong ‘yung mall. Saan ka nakakita na sa katabing tindahan ay cellphones, sa katapat ay department store na nagtitinda ng Ralph Lauren, Coach, at Gucci, at sa katabing tindahan ang tinda ay patis at tuyo?

Meron ding mas malalaking food supermarket (Walmart, Hy-vee, Dahls) dito, at kung summer ay mayroon pang “farmer’s market”, kung saan ang mga naglalako ay nakapuwesto sa kalsada. Pero walang mga tindang gulay doon na kinagisnan nating mga Pilipino, gaya ng sitaw, bataw, patani, kundol, patola, upo’t kalabasa (napakanta na tuloy ako ng Bahay Kubo). Kaya suki pa rin kami ng Asian food stores.

farmers market in downtown Des Moines

Matapos kong mamalengke at ako’y nakauwi na, ay binigay ko na ang mga pinamili ko sa aking may-bahay. Nang makita niya ang aking pinamili ay pinagtawanan niya ako. Ang “dahon ng sili” na aking nadampot ay hindi dahon ng sili. Mukha raw itong dahon na ginagawang pang-nganga. Naging nganga ang aming tinola!

Buti na lang at may binili akong hopia na pasalubong. Ito na lang ang kinain ko.

(*photos from internet)

5 comments

  1. Wonderful story my friend. It makes us appreciate the simple joys in life. The last time I went home, I went with my mom at the wet market so many times. best ones were during Sundays. So much surprises. I even got to eat the “special bibinkas.”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s