Pagmumuni-muni sa Himpapawid

Posted by

Nakatanaw ako sa bintana, habang tumatahak kami sa mga malabulak na alapaap. Isip ko ay lumilipad patungo sa isang lugar na matagal-tagal ko na ring nais balikan. Ako ay hinehele ng mga kantang sariling atin na aking pinakikinggan habang ako’y naglalakbay.

Tulad ng isang ibon, tao ri’y lumilipad.

Pangarap ang tanging nais, na marating at matupad.  (Tao, originally by Sampaguita)

Parang kailan lamang ay palaboy-laboy ako sa mga kalsada ng Maynila. Parang kahapon lamang ay kasa-kasama ko ang aking mga barkadang kinalakihan. Parang kailan lang ay mag-kakakuntsaba kami sa aming mga batang kalokohan.

Ngunit nang kami ay magkagulang na, kailangan nang salubungin ang mga hamon sa buhay. Namulat sa mundong malupit ang atas, at mabangis ang kumpetisyon. May mga panibagong mga resposibilidad na sa amin ay ipinabalikat. Kailangan itong tuwangin at harapin.

Dapat ka bang mangibang bayan?

Dito ba’y walang kang mapaglagyan?

Bakit pa iiwanan ang lupang tinubuan, dito ka natuto ng iyong mga kalokohan.

Baka akala mo’y ganun lamang ang mabuhay sa ibang bayan.  (Pinay, originally by Florante)

Matagal-tagal ko ring pinagtuos-tuos ang mga katagang iyan ni Florante. Ngunit dahil na rin sa mahigpit na pangangailangan, at sa mga pangarap na nais habulin, ay napagdesisyunang makipagsapalaran sa ibang bayan.

Magkahalong saya at lungkot ang aking nadama sa aking pag-alis. Saya, dahil mararating ko ang kabilang ibayo ng dalampasigan ng mundo. Ngunit lungkot, dahil kailangang iwan ang mga pamilya’t kaibigan at ang lupa kong kinamulatan.

Ngunit ika’y maalala, sa mga kwento mong madrama.

At hindi malilimutan ang iyong mga kalokohan.

At ika’y pag-uusapan at pagtatawanan.

Ngunit mangungulila, sa iyong paglisan.  (Ang Buhay Nga Naman, Noel Cabangon)

Lumipas ang mga maraming taon ng paninirahan sa ibang bansa. Subalit kahit sa pagdaan ng mahabang panahon, lagi pa ring sumasamagi sa aking isipan ang lupang aking sinilangan. At sa pagkakataong katulad nito, ay hindi pa rin maiiwasan ang lungkot at kurot sa aking puso na maalala ang mga iniwang mga kamag-anak, kabarkada at bayan.

Kamusta na kaya ang aking sambayanan? Saan na kaya ang aking mga katoto’t mga kaibigan? Tutuong pinakupas na ng panahon ang aming pagbubuklod. Kupas na rin ang aming mga kwento at alaala. Nalimutan na rin kaya ng kahapon ang lahat ng aming mga pinagdaanan at pinagsamahan? Huwag naman sana.

Lumilipas ang panahon, kabiyak ng ating gunita.

Mga puno’t halaman, bakit kailangan lumisan?

Panapanahon ang pagkakataon, maibabalik ba ang kahapon. (Kanlungan, Noel Cabangon)

Kailan ko kaya makikita muli ang aking mga iniwang mahal sa buhay? Kailan ko kaya muli makakasama at muling makipagtawanan sa aking mga kaibigan? Kailan ko kaya muli masisilayan ang lupang Pilipinas? Kailan kaya ako magbabalik sa ating bansa?

Heto na ako. Nasa himpapawid. Lumilipad, lulan ng eroplano. Bumibyahe pabalik sa aming tahanan.

Huwag sanang hadlangan, ang aking nilalandas,

Sapagkat ako’y sabik sa aking sinilangan.

Bayan ko, nahan ka, ako ngayon’y nag-iisa,

Nais kong magbalik sa iyo, bayan ko.  (Pagbabalik, originally by Asin)

Sandaling oras na lamang ay matatapos na ang aking paglalakbay. Ilang oras na lang ay lalapag na ang aming eroplano. Sandali na lamang at muling tutungtong ang aking mga paa sa lupa. Tatapak na kaya akong muli sa aking lupang tinubuan?

O hindi! Hindi pa rin pala! Sapagkat tahanan pala sa Iowa ang destinasyon ng eroplanong aking sinasakyan.

Sana naman, sa susunod kong paglipad, Pilipinas na ang aking lalapagan.

*****

(*thoughts from 30,000 feet during our flight from Boston to Des Moines)

(**all songs are quoted from Noel Cabangon’s album, Biyahe)

6 comments

  1. doc, homesick? ang taas ng eroplano nyo ngunit ang lalim ng pagmumuni-muni! 🙂

    although i was also exposed to florante and sampaguita’s songs (blame my dad about it!), i like noel cabangon’s kanlungan. 🙂

  2. “Tutuong pinakupas na ng panahon ang aming pagbubuklod. Kupas na rin ang aming mga kwento at alaala. Nalimutan na rin kaya ng kahapon ang lahat ng aming mga pinagdaanan at pinagsamahan? Huwag naman sana.”

    ahaha, kwentong diaspora nga ire. hellow, dok! how’s spring in Iowa? 😉

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s