Awit ng Isang Alibughang Anak

Ako’y nakatanggap ng sulat noong makalawang linggo. Galing ito kay Uncle Sam. Sabi rito, ako raw ay inaanyayahan sa isang opisyal na interview o panayam.

Sa wakas! Hindi na ako pamangkin lang. Maari na rin akong maging anak. Ampon nga lang.

Matagal-tagal na rin naman akong naninirahan dito sa Amerika. Sa katunayan, dalawampu’t isang taon! Dalawampu’t isang taon ng pagiging dayuhan.

Naging masalimuot ang landas na aking tinahak para maging isang mamamayan. Iba’t ibang letra ng visa ang aking pinagdaanan. Nagsimula sa letrang B (tourist), naging J (exchange visitor), tapos naging O (non-immigrant with outstanding ability), hanggang naging H (non-immigrant worker), bago nabiyayaan ng green card (permanent resident). Mapalad pa rin kaysa ibang kababayan na ang visa ay TNT (tago nang tago).

At ngayon, iniimbitahan na nila ako para maging isang naturalisadong mamamayan (naturalized citizen). Sa madaling salita – maging ampong anak ni Uncle Sam.

Ito ay kung maipapasa ko ang aking interview.

Ito na ang huling hakbang sa pagiging citizen. Tapos na ang mga background check. Tapos na rin ang finger-printing. Interview na lang.

Madali lang naman daw ang interview. Maraming mga tanong ay personal. Maaring gusto lang nilang maniguro na ikaw ay mabuting tao, at magiging kapaki-pakinabang na mamamayan, at hindi palamunin lang at uubos ng buwis ng bayan.

Kasama sa interview ay ang pagsusulit sa salitang Ingles. Kailangan makapasa sa pagsasalita, pag-unawa, pagbabasa at pagsulat sa Ingles. Walang naman akong problema dito. Kahit Grade 1 na batang Pinoy kayang-kaya ito. Kahit ba Carabao English tayo, papasa pa rin.

Ngunit kasama rin sa interview ay mga tanong sibika (civic test). Ito ay mga tanong tungkol sa mga batas, mga prinsipyo, kasaysayan, heograpiya at samo’t saring kaalaman tungkol sa bansang Amerika. Dito ko kailangang mag-review.

May reviewer naman silang binibigay. Sinasaad dito ang mga 100 na katanungan na maaring itanong sa interview.

May mga tanong na madadali:

Tanong: Ano ang pinakamataas na batas ng bansa?

Sagot: constitution

Tanong: Sino ang tinaguriang Ama ng Amerika?

Sagot: George Washington

Mayroon namang mga tanong na medyo mahirap ngunit kailangan mong malaman:

Tanong: Kailan isinulat ang constitution?

Sagot: 1787

Tanong: Ano ang 13 na orihinal na estado ng Amerika?

Sagot: New Hampshire, Massachussetts, Rhode Island, Connecticut, New York, New Jersey, Pennsylvania, Delaware, Maryland, Virginia, North Carolina, South Carolina, Georgia

Noong isang araw, ako ay nag-review. Habang ako’y nag-aaral at nagpapaka-dalubhasa sa kasaysayan ng Amerika, ako nama’y hinaharana ng mga kantang Pilipino na aking kinamulatan, na tumutugtog sa aking CD player.

“Noong isilang ka sa mundong ito,

Laking tuwa ng magulang mo,

At ang kamay nila ang iyong ilaw.” (Anak by Freddie Aguilar)

Ako ba’y pinaparinggan ni Ka Freddie? Ampong anak ba kamo? O baka naman alibughang anak?

Para bang nasa gitna ako ng dalawang nag-uumpugang bato. Dalawang kulturang nagbabanggaan sa aking damdamin at isipan. Dalawang lahing nagbubuno sa aking pagmamahal. Dalawang bansang nag-aagawan sa aking katapatan.

Tapos nabasa ko sa aking reviewer ang tanong na ito:

Tanong: Ano ang isang pangako na kailangan mong gawin para maging mamamayan ng Estados Unidos?

Sagot: Talikuran ang katapatan sa ibang bansa.

Biglang bumigat ang aking damdamin. Parang may kumurot sa aking puso. Hindi ko alam kung sarili ko itong konsensiya, o ako’y pinaparamdaman ng mga multo ni Rizal at ni Bonifacio.

Sabay sumalang naman si Noel Cabangon* kasama ni Gloc-9 at kumanta ng “Manila” (originally sang by Hotdog) sa aking player.

“Maraming beses na kitang nilayasan,

Iniwanan at ibang pinuntahan,

Parang babaeng ang hirap talagang malimutan….”

Hindi na ako makapag-concentrate sa aking binabasa. Ang isipan ko’y nagsimula nang magliwaliw sa isang lugar na aking minahal at patuloy na minamahal.

traffic-jam

“Hinahanap-hanap kita Manila

Ang ingay mong kay sarap sa tenga

Mga jeepney mong nagliliparan

Mga babaeng naggagandahan….”

Ibinaba ko na ang aking reviewer. Ipinikit ang mga mata. At marahang sumabay sa pagkanta.

“Manila, Manila,

I keep coming back to Manila,

Simply no place like Manila,

Manila I’m coming home…..”

******

(*songs from the album “Tuloy ang Biyahe” by Noel Cabangon)

(**photo above is from philippineslifestyle.com)

Pagmumuni-muni sa Himpapawid

Nakatanaw ako sa bintana, habang tumatahak kami sa mga malabulak na alapaap. Isip ko ay lumilipad patungo sa isang lugar na matagal-tagal ko na ring nais balikan. Ako ay hinehele ng mga kantang sariling atin na aking pinakikinggan habang ako’y naglalakbay.

Tulad ng isang ibon, tao ri’y lumilipad.

Pangarap ang tanging nais, na marating at matupad.  (Tao, originally by Sampaguita)

Parang kailan lamang ay palaboy-laboy ako sa mga kalsada ng Maynila. Parang kahapon lamang ay kasa-kasama ko ang aking mga barkadang kinalakihan. Parang kailan lang ay mag-kakakuntsaba kami sa aming mga batang kalokohan.

Ngunit nang kami ay magkagulang na, kailangan nang salubungin ang mga hamon sa buhay. Namulat sa mundong malupit ang atas, at mabangis ang kumpetisyon. May mga panibagong mga resposibilidad na sa amin ay ipinabalikat. Kailangan itong tuwangin at harapin.

Dapat ka bang mangibang bayan?

Dito ba’y walang kang mapaglagyan?

Bakit pa iiwanan ang lupang tinubuan, dito ka natuto ng iyong mga kalokohan.

Baka akala mo’y ganun lamang ang mabuhay sa ibang bayan.  (Pinay, originally by Florante)

Matagal-tagal ko ring pinagtuos-tuos ang mga katagang iyan ni Florante. Ngunit dahil na rin sa mahigpit na pangangailangan, at sa mga pangarap na nais habulin, ay napagdesisyunang makipagsapalaran sa ibang bayan.

Magkahalong saya at lungkot ang aking nadama sa aking pag-alis. Saya, dahil mararating ko ang kabilang ibayo ng dalampasigan ng mundo. Ngunit lungkot, dahil kailangang iwan ang mga pamilya’t kaibigan at ang lupa kong kinamulatan.

Ngunit ika’y maalala, sa mga kwento mong madrama.

At hindi malilimutan ang iyong mga kalokohan.

At ika’y pag-uusapan at pagtatawanan.

Ngunit mangungulila, sa iyong paglisan.  (Ang Buhay Nga Naman, Noel Cabangon)

Lumipas ang mga maraming taon ng paninirahan sa ibang bansa. Subalit kahit sa pagdaan ng mahabang panahon, lagi pa ring sumasamagi sa aking isipan ang lupang aking sinilangan. At sa pagkakataong katulad nito, ay hindi pa rin maiiwasan ang lungkot at kurot sa aking puso na maalala ang mga iniwang mga kamag-anak, kabarkada at bayan.

Kamusta na kaya ang aking sambayanan? Saan na kaya ang aking mga katoto’t mga kaibigan? Tutuong pinakupas na ng panahon ang aming pagbubuklod. Kupas na rin ang aming mga kwento at alaala. Nalimutan na rin kaya ng kahapon ang lahat ng aming mga pinagdaanan at pinagsamahan? Huwag naman sana.

Lumilipas ang panahon, kabiyak ng ating gunita.

Mga puno’t halaman, bakit kailangan lumisan?

Panapanahon ang pagkakataon, maibabalik ba ang kahapon. (Kanlungan, Noel Cabangon)

Kailan ko kaya makikita muli ang aking mga iniwang mahal sa buhay? Kailan ko kaya muli makakasama at muling makipagtawanan sa aking mga kaibigan? Kailan ko kaya muli masisilayan ang lupang Pilipinas? Kailan kaya ako magbabalik sa ating bansa?

Heto na ako. Nasa himpapawid. Lumilipad, lulan ng eroplano. Bumibyahe pabalik sa aming tahanan.

Huwag sanang hadlangan, ang aking nilalandas,

Sapagkat ako’y sabik sa aking sinilangan.

Bayan ko, nahan ka, ako ngayon’y nag-iisa,

Nais kong magbalik sa iyo, bayan ko.  (Pagbabalik, originally by Asin)

Sandaling oras na lamang ay matatapos na ang aking paglalakbay. Ilang oras na lang ay lalapag na ang aming eroplano. Sandali na lamang at muling tutungtong ang aking mga paa sa lupa. Tatapak na kaya akong muli sa aking lupang tinubuan?

O hindi! Hindi pa rin pala! Sapagkat tahanan pala sa Iowa ang destinasyon ng eroplanong aking sinasakyan.

Sana naman, sa susunod kong paglipad, Pilipinas na ang aking lalapagan.

*****

(*thoughts from 30,000 feet during our flight from Boston to Des Moines)

(**all songs are quoted from Noel Cabangon’s album, Biyahe)