Bote Dyaryo

Posted by

Noong isang araw habang tangan-tangan ko ang mga basyong bote, lumang dyaryo at karton para ilagay sa aming green bin upang i-recycle, ay sumagi sa aking isipan ang isang lumang kanta.

“Pagising sa umaga, kariton ang hawak ko,

Sumisigaw-sigaw na akala mo’y naloloko;

Bote at dyaryo ang laman ng tinutulak ko.”

Napabalik tanaw tuloy ako sa aming munting lugar sa Maynila.

Maraming sumisigaw-sigaw na dumadaan sa aming masikip na kalye sa Sampaloc. Merong humihiyaw ng “Taho!” May sumisigaw ng “Puto! Kutchinta!” Nandiyan din ang “Balut!” Isa pa yung “Gumagawang payong!” Meron pa ngang “Naghahasa!” Ano raw? Akala ko noon ay isang mahalay na salita. Hindi pala, naghahasa lang pala ng mga kutsilyo at itak.

Meron din namang hindi sumisigaw nguni’t kumakalembang – ito yung naglalako ng sorbetes at yung nagtitinda na binatog. Marami pang dumadaan sa aming kalye na iba’t iba pa ang sigaw – “Sariwang gulay!”, “Linagang mani!”, at siyempre pa “Bote! Dyaryo!”

Meron din paminsan minsang humihiyaw ng T@rant*do! at T@ng-#na! sa aming kalye, pero hindi sila nagtitinda. Ito yung mga lasing na nag-aaway.

Mabalik ako sa bote at dyaryo, noong ako’y batang paslit pa lamang, ay iniipon ko ang aming mga basyong bote at lumang dyaro. Sabi ng mga magulang ko ay akin na lang ang perang makukuha ko mula dito. Oo nga’t barya-barya lamang ito, nguni’t sa batang musmos na katulad ko ay malaking bagay na ito. Maraming bazooka bubblegum o kaya’y jolen, o kaya nama’y tau-tauhang sundalo ang mabibili ko galing dito.

Kapag marami-rami na ang aking naipon ay aabangan ko na ang suki naming magbobote-dyaryo. Siya ay matangkad, balingkinitan ang katawan, kulot ang buhok, at palaging may ngiti sa kanyang mukha. Ito lang ay nagpapatunay na ang ngiti ay maari nating makamit, kahit ano pa man ang ating antas at kalagayan sa buhay.

Kahit isang buwang dyaryo na ang kapal ng aking naipon, ngunit pag-dinangkal na ito ng mama, dahil sa laki ng kanyang palad, ay nagmumukang manipis pa rin ito. Kaya naman maliit na barya lamang ang aking nakukuha.

Konti rin naman ang basyong bote at garapon ang naitatabi ko, galing sa bote ng suka, bagoong, patis, toyo, ketchup, mayonaise, peanut butter at Lady’s Choice spread. Bumubili rin siya ng bakal, pero wala naman akong bakal na mahanap sa aming bahay. Maari kong ibenta yung plantsa ng nanay ko, pero siguradong higit pa sa pingot ang aabutin ko.

Makikipagtawaran pa sana ako sa mamang bote-dyaryo, pero sabi ng nanay ko ay huwag ko nang masyadong baratin yaong mama, dahil ito ang kanilang ikinabubuhay, samantalang ako naman ay pambibili ko lang ng munting luho ang perang makukuha ko. Tumpak nga naman.

Kahit sa musmos kong edad ay natutunan ko ang kahalagahan ng salapi, habang binibigyan ng importansiya din naman ang kapakanan ng aking kapwa.

Mga ilang taon din na naging suki ko yung mamang bote-dyaryo. Dangkal-dangkal rin namang lumang dyaryo at marami-rami ding mga bote at garapon ang aking naibenta sa paglipas ng panahon. Naibenta ko rin ang mga lumang gulong ng kotse ng tatay ko. Noong malaon na’y may mga bakal din akong nahagilap sa silong ng aming bahay. Pero hindi ko pa rin naibenta ang plantsa ng nanay ko.

Saan na kaya si mamang bote-dyaryo? Hindi ko man lang natandaan ang pangalan niya. Sumisigaw-sigaw pa rin kaya siya? O napaos na ang kanyang tinig? O kaya nama’y pasipol-sipol na lang siya ngayon? Nakatawa pa rin kaya siya? O lumisan na ang kanyang ngiti? O baka nama’y humahalakhak na siya ngayon? Naging tagumpay kaya siya sa kanyang mga pagsisikap? Naitaguyod kaya niya ang kanyang pamilya?  Oo nga’t mahirap ang kanyang buhay at naging trabaho, nguni’t ito ay tapat at marangal na hanap-buhay.

Mula sa isang naging suki ng mag-bobote-dyaryo: sa lahat ng nagtulak at nagtutulak ng kariton, sana ang susunod ninyong hiyaw…….ay sigaw ng tagumpay.

Di ko kinahihiya, ang hanap buhay ko, nabuhay sa bote’t dyaryo.” –  Bote Dyaryo, sung by Abrakadabra Band

(*photo from here)

One comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s