“Ang bituin at araw niya’y kailan pa ma’y di magdidilim.”
Iyan ang pahayag ng ating Pambansang Awit. Ngunit sa mga nakaraang araw, ang mga larawan (Facebook avatar) ng aking mga kaibigang Pilipino ay isa-isang nagdidilim. Ito ay bilang protesta sa kontrobersyal na bagong batas na kinatatakutang unti-unting sasakmal sa liwanag ng kalayaan sa aking bayang sinilangan.
May batayan nga ba ang mga pangambang ito? Sumisikat ba o lumulubog ang araw sa lupang nasa silanganan?
Sa huling tagpo ng nobelang Noli Me Tangere, ay matatagpuan si Elias na nag-aagaw buhay. Siya ay humarap sa madilim na silangan dahil hindi pa maaninag ang sikat ng araw. Dito niya sinambitla, “Mamamatay akong hindi nakikita ang ningning ng bukang-liwayway sa aking bayan! Kayong makakakita, salubungin ninyo siya, at huwag kalilimutan ang mga nabulid sa dilim ng gabi.”
Saan na kaya ang bukang-liwayway na kanyang hinihintay?