Lechon. Isang kataga na kapag nabanggit sa ating mga Pilipino ay naglalarawan ng kasiyahan, kasaganahan, at selebrasyon. At siyempre pa, nakakatulo laway na kasarapan. Hindi kumpleto ang ating mga salu-salo at piyestahan kung walang lechon.
Noong araw, ang mga masasarap na magle-lechon ay matatagpuan sa kahabaan ng La Loma, Quezon City. Dito masisilayan ang mga hale-halerang lechon na nakatambad sa mga motoristang dumadaan.
Ngunit ngayon ay lumipat na ang mga bihasang magle-lechon sa ibang bahagi ng Quezon City. Nasa looban ng Batasan Road. Kakaiba ang mga magle-lechon na ito. Sariling langis ng lini-lechon nila ang gamit nilang pangluto. Hindi pangpiyesta, kundi sila ang namimyesta sa mga bari-bariles ng baboy (pork barrel).
Mawalang galang na lang po at nabababoy na ang katagang lechon. Kakaiba na tuloy ang nagiging larawan ng lechon. Paghihirap at paghihikahos ang ibig sabihin nito sa nakakarami. Habang pagpapasasa at pagpapayaman naman ang kahulugan sa ilang ganid.
Kahit na isuplong ang mga magle-lechon sa pulis ay walang magagawa, dahil mas mataas sila sa batas. Napoles, este, napulis (na-pulis ang ibig kong sabihin!) man ang kanilang mga kasabwat ay sa wari ko’y hindi kayang galawin ang mga nasa likod nito.
Ayaw ko ng baboy. Ayaw ko na rin ng lechon. Panalangin ko na lang ay tangayin ng bagyo ang mga gahamang magle-lechon, at doon sa Babuyan Island na sila mapatapon.
(Pasantabi na lang sa mga mamamayan ng Babuyan Island)
*photo from flicker.com