(May mga bagay na masarap alalahanin at sariwain. May iba naman na ayaw nang balikan, at halos sumpain. Ngunit meron din naman, kahit hindi gusto, kayhirap talagang limutin.)
Naaalala mo pa ba, noong tayo’y nasa unibersidad pa?
Isang mapagpalang araw, ako’y iyong kinausap at nilapitan.
Ang sabi mo’y ika’y sinugo at nautusan lamang.
Gusto mong maging tulay sa akin at sa matalik mong kaibigan.
Ngunit mula noon, mundo kong matahimik,
Iyong binulabog, inistorbo, at pinatiwarik.
Ang pakay mo ay hindi ko naintindihan,
Ako’y nalito at parang naalimpungatan.
Ikaw ang napusuan, at hindi ang ‘yong kaibigan.
Ako’y nabighani sa mala-mestiza mong kagandahan.
Kumabog ang dibdib at ang aking katinuan ay panandaliang lumisan.
Walang patumanggang dinakip mo, puso kong walang kalaban-laban.
Ipagpatawad mo, ang aking kapangahasan,
At minahal kita kaagad – parang kanta ni Vic Sotto lang.
Nagalit at nagtampo tuloy sa ‘yo, ang iyong kaibigan.
Alam ko rin naman, na may syota ka nang matagal.
Ganoon daw talaga, kapag ang pag-ibig – pagnasok sa puso ninuman,
Lahat ay hahamakin, masunod ka lamang.
Naalala mo pa ba, nang kita’y simulang ligawan?
Ako raw ay baliw, ika ng karamihan.
Malabo raw at walang pag-asa, lalo na’t may boypren ka na.
Parang sumusungkit, ng buwan sa langit.
Ngunit ako’y hindi mo pinagtabuyan, kundi hinimok pang lumaban.
Pintuan ay hindi ipininid, bagkus iniwang may puwang.
Natatandaan mo ba ang bigay kong mahahabang rosas?
Sila’y nakakahon, animo’y hindi kukupas.
Dinayo ko pa ang Cubao, binili sa mamahaling tindahan.
Hindi sa Quiapo o sa Dangwa, kumuha ng bargain lang.
Tuloy baon ko’y naubos, sa loob ng isang buwan.
Pero OK pa rin naman, ma-impress ka lamang.
Naaalala mo pa ba, sa klase lagi kang tinatabihan?
Parang buntot na nakasunod, sa lecture hall, sa library, pati na sa tambayan.
Kulang na lang sundan ka hanggang sa loob ng CR.
Kahit mahirap mang mag-concentrate, ganado naman mag-aral.
Pati halimuyak mo, ay sinaulado ko,
Amoy ng iyong pabango, at sabong panlaba ninyo.
Naalala mo pa ba, ng tayo’y mag-date? Sa SM Megamall, tayo’y nagtagpuan.
Nagkayayaang kumain sa isang Japanese restaurant.
Pinakilala mo ako, kay Sushi at kay Sashimi.
Wala akong masabi ng mantakin ko si Wasabi.
Anak ng tokwa, maanghang pala!
Hindi mo man lang ako pinabalaanan, kundi iyo pang pinagtawanan.
Natatandaan mo rin ba, nang ako’y sumama?
Pumasyal sa Subic ng iyong barkada.
Nang panahon nang mag-swimming, umikot ang aking sikmura.
Ako’y nanghina kaya’t sa kubo, nagpaiwan na lamang.
Walang kaabog-abog, ako’y hinalikan, para raw guminhawa, aking katawan.
Sa halik mo, tuhod ko’y nangatog, parang dikya na lalong nanlambot.

Naalala mo ba, ng sa inyong bahay kita’y binisita?
Isang exclusive at gated subdivision ng mga Ayala.
Tumagaktak ang pawis ko, nang makita ko sa gate ang tatay mo.
Ako’y tunay na naalangan, parang langaw na tutumpik-tumpik sa pintuan.
Ngunit salamat pa rin, ‘di man binigyan ng masyadong pansin,
At least hindi binugaw, kundi pinapasok pa rin.
Mahigit dalawang taon din kitang sinuyo’t linigawan.
Parang asong nakaabang, sa biyayang malaglag sa hapag-kainan.
Hindi ko nga maintindihan kung ano ang aking kalagayan.
Tingin ko ika’y aking nobya, pero ang nobyo mo’y iba.
Hindi mo naman ako itulak, at hindi mo rin kabigin.
Iniwan mo lang akong laging nakabitin.
Subalit sa isang masalimuot na ikot ng kapalaran,
Ako’y nauntog at tunay na natauhan.
Ako ba’y pinagmamalasakitan o baka pinaglalaruan lamang?
Naghihintay pala ng wala, nakatungangang mahulog ang mga tala.
Mga bulag na mata ko’y sa wakas ay dumilat, sa masakit na katotohanang,
Hindi mo ako mahal at ginogoyo lamang.
Dalampu’t limang taon na pala ang mabilis na kumaripas.
Ngunit mga alaala ay hindi pa rin kupas.
Hindi ako nagdaramdam, kahit nagmukha akong tanga.
Dahil minsan isang panahon, ikaw ay naging inspirasyon.
At dahil minsan isang kahapon,
Minahal kita nang tunay na walang pagtatanong.
Wala akong panghihinayang at wala ring pagsisisi.
Matapos humilagpos sa iyo, ako’y nakabangong muli.
Tadhana sa aki’y naging mabait, at muling ngumiti yaring pag-ibig.
At kung iyong tatanungin, ligaya ko’y abot hanggang langit.
Sa piling ng aking asawa at ng aming mga supling,
Hanap kong paraiso, akin ring nakamit.
Nasaan ka na kaya ngayon, aking ginigiliw?
Sana naman, ika’y naging masaya rin.
buntong hininga… “sana”
*mas malalim na buntong hininga*…….. sana nga
Wow! Beautiful piece!Kumalabog dibdib ko habang binasa ito at naalala ko rin ang aking nakaraan na halos magkasingtulad nito. Akala ko din hindi ko na magawang umibig uli, pero tulad mo nakahanap din at ngayon pinagpala at nagpapasalamat nang malaki na nakaranas minsan ng sakit dahil sa pag-ibig.
Glad you can relate. Sige na isulat mo na rin ang naudlot na pag-ibig.