Isang taon na pala ang nakakaraan nang tumahak at rumagasa si Yolanda (international name: Haiyan) sa Pilipinas, lalo na sa lugar ng Tacloban. Ito ang pinakamalakas na bagyo na lumapag sa lupa sa kasaysayan ng mundo. Libo-libong mga tao ang napahamak at milyon-milyon iba pa ang naapektuhan.
Isang taon na ang nakalipas mula nang ating maging bukang bibig ang super typhoon at storm surge. Sangayon sa aking mga nakausap at nakasalamuhang mga survivors, kung naintindihan lang daw nila na ang storm surge ay parang tsunami, ay marami raw sanang tao ang lumikas sa tabi ng dagat bago humagupit ang bagyo, at marahil ay hindi ganoong karami ang mga namatay.
Isang taon na rin ang nagdaan mula nang tayo ay malagay sa spotlight sa harap ng buong mundo, matapos tayong sagasaan ng bagyong Yolanda. Lumipad sa Pilipinas si Anderson Cooper, isang kilalang CNN reporter, at doon niya inilantad ang kalunos-lunos at kaawa-awang kalagayan ng Tacloban, at kung paanong walang maagap na tulong na dumarating. Kanyang kinalampag ang mga kinaukulan at namumuno sa ating gobyerno, ngunit sa halip na tayo ay magtulungan, tayo pa ay nagbangayan. Bakit ba hindi natin maintindihan na ang bagyo ay hindi namimili ng antas ng buhay o kulay ng ating partido?
Isang taon na rin pala ang nakalipas mula nang ako’y tumungo at umapak sa Tacloban, kasama ng mga dayuhang manggagamot upang tumulong sa paglunas sa mga nasaktan at nasakuna. Isa lamang ako sa mga daan-daang mga volunteers, national at international, na tumugon sa tawag ng pangangailangan, na dumagsa at lumapag sa nasalantang siyudad ng Tacloban.

Makaraan ang isang taon, may pinagbago na ba sa katayuan ng mga nasalanta ni Yolanda? May kaginhawahaan na ba sila ngayon? O patuloy pa rin silang dumaranas ng paghihirap? May naging progreso ba sa mga buhay nila? O araw-araw pa rin nilang binabata ang epekto ni Yolanda hanggang sa ngayon? May mga ngiti o halakhak na kaya sila? O patuloy pa rin ang kanilang impit na hikbi at hinaing?
May saysay ba ang mga pinagpaguran ng mga taos-pusong tumulong, dayuhan man o lokal? O nauwi lang ito sa wala? May naging kabuluhan ba ang mga milyon-milyong perang donasyon na umagos mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo? O nauwi din lang ito sa kawalan?
Pagkalipas ng isang taon, may nagbago ba sa atin at sa ating mga pananaw? May mga leksiyon ba tayong natutunan mula kay Yolanda?
Sana naman ay mayroon.
The images of fellow Filipinos suffering from the aftermath of the super typhoon still haunt me from time to time. Di ko talaga makalimutan at aking dasal ay sana naka-move on kahit papano ang ating mga kababayan na naapektuhan. Kudos to you for volunteering and helping in the medical mission.
Sana nga nakabangon na sila. Salamat sa pagdaan.
Reblogged this on Heroes of Yolanda.