Paalam na sa mga kamay na nag-ugoy sa ‘king duyan,
Nag-aruga, kumupkop, humaplos at nagpatahan,
Mga kamay na gumabay sa aking mga unang hakbang,
Hanggang sa lumaki’t naging responsableng mamamayan.
Paalam na sa mga paang walang pagod sa pagsunod,
Humahabol sa akin para ‘di mahulog at matalisod,
Hanggang sa ako’y makatayong matatag at matayog,
Mga paang wala rin sawang ako’y iniluluhod.
Paalam na sa mga matang laging mapagmasid,
Mula sa aking kamusmusan, ako’y inilayo sa panganib,
Mga matang dumanas din ng luha at pasakit,
Ngunit ngayo’y nagpahinga na at tahimik nang pumikit.
Paalam na sa mga labi na sa aki’y humalik,
Humimok, pumuri, at sa aki’y tumangkilik,
Mga labing ‘di rin nagkulang sa bigay na pangaral,
At lagi akong sambit sa kanyang mga dasal.
Paalam na sa mga tengang sa akin ay duminig,
Mula sa sangol kong iyak, hanggang sa lumaking tinig,
Nakinig sa aking mga talumpati, awit, hikbi, at hinaing,
Ang tulang handog na ito, sana ay iyong marinig.
Paalam na sa pusong labis na nagmahal,
Sa akin at pati na rin sa aking mga minamahal,
Ang pusong ito, ngayon ay tuluyan nang namayapa,
Ngunit pag-ibig na dulot ay hindi maluluma.
Paalam na, paalam na, o aking ina,
Alam kong hindi na tayo muling magkikita,
Kundi doon na sa pinagpalang bagong umaga,
Doon kayo, pati na ni ama’y, muling makakasama.
(*this poem was written and read for my mother’s eulogy)