May mga karanasan na ayaw na nating alalahanin. Subalit sila’y nakatatak na sa ating utak kahit gusto man natin silang limutin. Ang sumusunod na karanasan ay isa dito…..
Isang kasumpa-sumpang hapon. Ako ay nakaupo sa dulo ng jeepney na bumibiyahe mula Quiapo hanggang Cubao. Pauwi na ako mula sa aming paaralan. Gumapang ang takbo ng sinasakyan kong jeepney sa kahabaan ng University belt area sa kalye ng Legarda, patungong Ramon Magsaysay Avenue. Napasabak kami sa malupet na trapik.
Hindi ako mapakali sa aking kinalalagyan at para akong kiti-kiti sa aking inuupuan. Halos kalahati na lang ng puwet ko ang nakasayad sa upuan, dahil sa pinagpilitan ni Mamang Driver na pang-waluhan daw ang jeepney niya, kahit pito lang talaga ang kasya. Pero hindi dahil sa siksikan ang jeepney kaya ako nababalisa.
Nanginginig ang aking mga kalamnan at tumitindig ang mga balahibo ko sa braso. Hindi dahil sa may magandang kolehiyalang taga St. Paul’s akong nakatabi. Hindi rin dahil sa nakatutok sa dramang “Gabi ng Lagim” sa DZRH ang radio ng aming jeepney. May ibang dahilan kung bakit ako kinikilabutan.
Nag bubutil-butil ang pawis ko sa noo. Nanlilisik ang sikat ng araw at maalinsangan noong hapon na iyon. Sumisingaw ang init mula sa espaltadong kalsada. At dahil sa nakatirik ang mga sasakyan at hindi umuusad ay ramdam namin ang mga hininga ng mga radiator at diesel na makina. Pero may iba pang dahilan kung bakit ako pinagpapawisan.
May mga “takatak” boys na sumutsot-sutsot at pinapatakatak ang kanilang mga dalang kahon na ang laman ay mga sigarilyo, habang sila ay bumabaybay sa pagitan ng mga sasakyan. Pinapayagan pa noong magbenta ng sigarilyo sa kalye at pwede ring manigarilyo kahit pa sa loob ng pampublikong sasakyan. Pero hindi yosi ang makakapagpaginhawa sa aking nararamdaman.
May mga naglalako rin ng chichirya at sila’y tumatawag ng “Hopia, mani, popcorn!” Pero wala rin akong interes na bumili ng chichirya. Sa katunayan maaring makapagpalala pa ito sa aking kalagayan.
Meron ding nagtitindang mama na may bitbit na balde at sumisigaw ng “ice-tubig.” Aking naisip na parang napakapresko ng malamig na bote ng tubig, pero lalong makakapagbigay ginhawa sa akin ‘yong balde na bitbit niya.
Nagtataka ka na ba? Ano ba talaga ang aking pinagdadaanan?
Sa masaklap na katotohanan, ang aking bituka ay gumigiling. Humihilab ang aking tiyan at gusto nitong pakawalan ang kinikimkim na “sama ng loob.” Sa simpleng pananalita, ako ay nagda-diarrhea.
Hindi ko alam kung saan nasira ang aking tiyan dahil wala naman akong kinaing kakaiba. Napanis ba ‘yung dala kong baon na inihanda ng nanay ko? O totoo kayang ‘dirty’ ang dirty ice cream o sorbetes ni Mang Isko? O baka contaminated ‘yung burger sa Burger Machine?
Sa totoo lang, nagluwal na ako ng “sama ng loob” sa aming paaralan. Bagaman kulang sa toilet paper (alam n’yo naman hindi uso ang toilet paper sa Pilipinas), timba at tabo, at dumadaloy na tubig sa palikuran ng aming eskwelahan, ay nagawan ko naman ito ng paraan. Talagang para-paraan lang ang buhay.
Pero dahil hindi tumigil ang pag-ikot ng mundo, este, pag-ikot ng aking sikmura, kaya minagaling ko na mag-cutting classes na at umuwi na ng bahay upang doon na ituloy ang nagbabantang delubyo sa banyo. Hindi ako nagpaalam sa aking mga guro at inilihim ko rin ang aking suliranin sa aking mga kaibigan.
At dito na nga humantong ang aking kapalaran.
Kung kailan mo nais makauwi nang mabilis, kesa naman nagbuhol-buhol ang trapik. Kung pwede nga lang bumaba na ako sa linululanan kong jeepney at maglakad na lamang ay ginawa ko na. Pero malayo-layo pa ang Stop and Shop kung saan ako dapat bababa at sasakay ng traysikel hanggang sa amin. At mahirap ding maglakad kung ang tiyan mo ay humihilab.
Kung mayroon nga lang sanang public toilets ang Maynila, ay may matatakbuhan sana ako at ang mga nagdurusang katulad ko. Teka, nagpapatawa ka ba? Public toilets sa Maynila? Umasa ka pa. Kaya nga mapanghi ang mga pader sa Maynila eh, dahil sa kakulangan ng palikuran.
Wala ring malapit na pharmacy kung saan puwede akong bumili ng gamot para sa aking bituka. Ang pinakamalapit na botika (Mercury drug) na alam ko ay nasa may Sta. Mesa pa. May Mercury drug din yata noon sa Recto pero hindi ko lang kabisado. Kaya’t parang butiki na walang imik na lang akong naghintay. Butiki, botika, bituka!
May mga nagtatakip ng ilong sa aking mga kasakay sa jeepney. Pero inisip ko na lang na dahil ito sa usok mula sa tambucho na pumapasok sa loob ng jeepney, at hindi sa anumang amoy na maaring pumuslit sa aking tumbong.
Matindi rin ang aking pinagtiis. Matagal-tagal din akong nagdusa. Walang magawa kung hindi manalangin na sana magbaliktad – tumigil na parang trapik ang aking bituka, at umagos na parang diarrhea naman ang trapik.
Salamat at sa huli ay ngumiti rin ang tadhana, at nahilot din ang mga naipit na daloy ng trapiko at umusad din kami sa wakas. Pero hindi pa rin nahilot ang sakit ng aking tiyan. Ganunpaman, nakarating din ako sa aming tahanan.
Ang tanong, umabot ba ako sa aming bahay ng walang “disgrasya?” Ako at ang langit na lang ang nakakaalam.
(*ang ala-alang ito ay hatid sa inyo ng Diatabs)
Wow sponsored ng diatabs…grabe non Sir pag inabot ka ng sama ng tyan sa gitna ng trapik sa Sta. Mesa
Grabe talaga. Wala namang magagawa kung hindi magdusa.
Grabe talaga: walang public toilet sa Maynila at marami pang karatula kung saan nakasulat “bawal umihi dito”, let alone magbawas….
Sana magkaroon na……
Sana…dito rin ay medyo kulang