Kwentong Kindergaten

Posted by

Noong makalawang araw, habang ako’y nagbibiyahe patungong trabaho, ay aking napakinggan sa radyo ang isang report tungkol sa mga leksiyon ng buhay na natutunan natin sa Kindergarten. Isa na rito ang simpleng pagpasok at magpakita sa eskwela. Ano nga naman ang matututunan kung lagi kang absent?

Bigla tuloy akong napabalik-tanaw sa makulay kong mundo noong ako’y isa pang kindergarten.

Ako ay nag-aral sa isang munting Kindergarten school sa Sta. Mesa na patakbo ng NFWC. Dalawang kalye lang ito mula sa amin. Ang aming klase ay sa isang garahe ng bahay na ginawang classroom. Maaring hindi ito kasing tanyag ng Montessori, pero maganda rin naman ang turo dito.

Naalala ko minsan, matapos ang sunod-sunod na ulan, pinasok ng baha ang aming classroom. Kaya mga ilang araw kaming sa simbahan ng parokya nag-klase. Nabulabog kaya ang mga Santo sa aming ingay?

Natatandaan ko pa ang aming guro, si Ms. Genova. May nunal siya sa noo, na parang “red dot” sa noo ng mga bumbay. Siya ay mabait at bihirang magalit kahit kami ay makulit, at hindi siya kagaya ni Miss Tapia sa “Iskul Bukol.”

Tanda ko rin ang ilan sa naging kaklase ko. Si Yaren, na taga kabilang kalye. Siya ay naging matalik kong kaibigan. Si Big Boy na makuwento. Pero hindi ko alam kung bakit iyon ang palayaw niya, dahil patpatin naman siya. May kaeskwela rin kaming kambal na nakatira sa likod bahay namin. Alam ko kung anong inalmusal nila, hindi sa dahil amoy ulam sila, kundi kadikit ng bahay namin ang bahay nila kambal, kaya amoy namin pati niluluto nila.

Sabik din ako sa mga gamit ko sa paaralan noon. Tulad ng krayola, kahit walo lang ang laman ng aking kahon ay masaya na ako dito. Iba sa aking kaklase ay hale-halera ang laman ng kahon ng kanilang krayola. OK lang naman dahil hanggang red lang ang alam ko noon at hindi ko pa maintindihan ang fuchsia.

Gusto ko rin yung pambura dahil amoy kendi. Kulang na lang ay nguyain ko ito na parang Bazooka bubblegum. Nandiyan din ang lapis. Iyong ibang kaklase ko, magagara at may borloloy pa ang lapis. Iyong sa akin, ay simpleng Mongol lang: yung may nakasulat na eberhard faber, tapos number 2.

Maiba ako, alam mo ba ang ibig sabihin ng eberhard faber at number 2?

Si Eberhard Faber ay isang German na nagtayo ng kauna-unahang lead pencil factory noong 1861 sa New York. Kaya nakapaskil ang pangalan niya sa lahat ng lapis na gawa ng kumpaniya niya. Iyong number 2 naman ay grado kung gaano katigas ang graphite core ng lapis. O ayan, may natutunan ka sa akin na hindi mo alam noong Kindergarten ka pa.

Marami rin masasayang karanasan sa Kindergarten. Natutong magbasa: a-e-i-o-u, ba-be-bi-bo-bu, Bobby is bobo. Ano kamo?

Natuto ring sumulat, mag-drawing, mag-kulay, at kumanta. Isa sa natutunan kong kanta:

“Pusa ko’y may nahuling daga, mukha niya’y nakakaawa,

Meow, meow, meow, ang sabi ni Muning, di na kita patatawarin.”

Ang maging walang-awa ba sa daga ang itinuturo ng kantang ito?

Paborito ko rin ang recess noon, dahil nakakapaglaro kami. Dito ko natutunan ang larong Dr. Quack-Quack. Kahit muntik magkapilay-pilay kami sa pagkakabuhol-buhol sa larong ito ay maaring natututo rin namang mag-isip at mag-solve ng problema. Pero maniwala ka, hindi si Dr. Quack-Quack ang naging inspiration kaya ako nag-duktor.

Gumanap din ako bilang Joseph sa aming dula noong Pasko. May pintang balbas ang aking mukha, tapos may dala-dala akong tungkod na mahaba. Pero mas gusto ko iyong role ng aking kaibigan bilang wiseman, dahil mas magarbo ang kanilang costume tapos may bitbit pa silang regalo. Bakit ba hindi ako naging artista, eh itsurang artistahin naman ako? Walang kokontra!

slide.001
Christmas program, circa 1973

Sa Kindergarten rin ako natutong tumula. Sa katunayan ako’y tumala noong graduation program namin. Makaraan ang apatnapung taon, saulado ko pa ang aking tinula. Tungkol ito sa ibon na nakakulong. Ito ang dulo ng tula:

“Bagong pinta ang kulungan, may pagkain araw-araw,

Ngunit ibon di man lamang, umawit kahit minsan.

Ibon ay aking pinalaya, umawit ng tuwang-tuwa,

Tao’t ibon pala kapwa, maligaya kapag malaya.”

Tunay naman na kahit nasa Kinder pa lang kami ay ipinamulat na sa amin ang kahalagahan ng kalayaan.

Pero meron ding masasaklap akong karanasan noon. Tulad nang ako’y tumambog sa kanal galing sa paaralan at napuno ng burak ang aking buong braso. Pingot ang inabot ko sa nanay ko. Nasa Kindergarten din ako nang ako’y nabalian ng braso. Nakasimento ang aking kanang braso nang halos dalawang buwan. Kaya sa maikling pagkakataon ako’y naging ambidextrous, dahil natuto akong sumulat sa kanan at sa kaliwang kamay.

Tunay na pinahahalagahan ko ang edukasyon, lalo na ang mataas na antas na aking narating. Sang-ayon sa aking magulang, edukasyon lang ang maipapamana nila sa amin. Pero naniniwala ako na maraming mahahalagang bagay sa buhay, ay natutunan ko sa pinaka-mababang grado ng edukasyon – sa Kindergarten. Tulad ng:

Pumila ng maayos (siguro yung mahilig sumingit bagsak noong Kinder).

Makinig sa turo ng guro.

Huwag kunin ang hindi sa iyo, o magpaalam muna sa may-ari bago hiramin ang gamit.

Mag-share.

Huwag makipag-away.

Huwag mangopya.

Maging patas sa paglalaro.

Huwag kainin ang baon ng iba. Huh?

(Oo naranasan ko na may ibang kumain ng baon ko, pero nasa Grade 1 na ako noon.)

Isa pa sa aking naalala ay mabilis maubos ang aking pambura noong nasa Kinder pa ako. Dahil nginangata ko ang eraser. Dahil burara ako. Dahil marami akong mali sa pagsusulat, kaya’t pudpud agad ang aking eraser.

Isa sa mahalagang leksiyon na natutunan ko sa Kindergarten ay ito:

Ang pagkakamali ay bahagi ng buhay. Hindi lahat ng ating sagot o gagawin ay tama. Ang mahalaga ay natututo tayo sa ating karanasan, at ituwid natin ang ating mga pagkakamali.

At kung ika’y nagkamali at ika’y naihi sa salawal noong Kindergarten? Hindi ito katapusan ng mundo.

(*This article is lovingly dedicated to Kindergarten teachers, and all other teachers, who showed us the way. Thank you.)

5 comments

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s