Bagong Umaga

Posted by

Iminulat ko ang aking mga mata. Umaga na pala. Siguro dahil sa pagod at sa puyat, ay tuliro akong nagising at hindi ko alam kung nasaan ako.

Parang kakaiba ngunit parang pamilyar din ang aking kinalalagyan. Parang nakarinig yata ako ng traysikel. Parang may tumilaok din na manok na pansabong. Naalimpungatan ba ako?

Marahil nami-miss ko na ang Pilipinas. Marahil naho-homesick lang ako.

Isang taon na rin ang nakaraan nang huli akong tumapak ng Maynila. Isang taon na pala ang lumipas nang ako’y biglaang napauwi ng Pilipinas dahil sa malubhang kalagayan ng aking ina.

Salamat naman at nagpang-abot pa kami. Ngunit malungkot ang aming pagkikita, dahil siya ay nakaratay sa ospital. Sabi ng aking kapatid, akala daw nila hindi ko na dadatnan na buhay si Mommy. Pero nang mabatid ng aking ina na siya ay aking inuwian, ay parang nabuhayan siya, at uminam pa nang konti ang kanyang kalagayan.

Ngunit matapos ang mga pagsisiyat ng mga duktor ay aming napag-alaman na bumalik ang kanser ng aking nanay. At ito’y lubusan nang kumalat. Wala nang maiaalay pang lunas.

Aming pinagpasyahan na ihanda na ang aming ina sa isang katunayan na doon din naman lahat patutungo. Kaya’t inuwi na lang namin siya sa bahay mula sa ospital, upang doon na mag-hintay na dumating ang kapahingahang magwawakas ng kanyang paghihirap at pagsasakit.

Iyon na ang aming huling pagkikita ng aking ina. Iyon na rin ang huling yakap ko sa aking nanay. Halos mabiyak ang aking dibdib nang ako’y mag-paalam na sa kanya, upang tumulak pabalik sa Amerika.

Dinugtungan pa naman ng dalawang buwan ang kanyang buhay, mula ng kami’y magkita, hanggang siya’y tuluyan nang mag-paalam. Hindi na ako nakabalik sa kanyang libing.

Pero tuloy pa rin ang ikot nang mundo. Tuloy pa rin ang buhay.

Alam kong ang lungkot at pagpapaalam ay bahagi ng hibla ng ating buhay. Ngunit alam ko rin na sa bawat lungkot ay mayroon namang katumbas o higit pang kasiyahan ang sa ati’y ipinangako. Sa bawat pagpapaalam ay may bagong pagkikita tayong maaring tanawin. Ang dilim ay lilipas din at darating din ang umaga. Lagi nating panghawakan ang pag-asang ito hangga’t tayo ay nabubuhay sa mundong ibabaw.

Tapos na ang gabi. Sumusuot na ang liwanag sa mga siwang sa kurtinang tumatabing sa bintana. Bago nang umaga. Panibago nang araw upang lumikha ng mga panibagong alaala.

Tuluyan na akong bumangon at lumabas sa aming silid. Dumungaw sa veranda ng bahay. Sinamyo ko ang mainit na hangin, habang may nagdaraang traysikel at tumitilaok naman ang tandang ng kapitbahay.

Hindi lang pala ako nananaginip. Nasa Pilipinas akong muli.

IMG_5918
Tara na, tayo’y mag-almusal muna.

(*breakfast courtesy of my aunts)

One comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s