Gunita Sa Makulimlim Na Umaga

Posted by

Noong isang araw, ako ay lumabas para maghehersisyo. Makulimlim at mahamog ang umaga. At habang ako ay tumatakbo, ang gunita ko naman ay nagliliwaliw at tumatakbo rin. Ito ay napadpad sa isang nakaraan. Sa isa ring makulimlim na umaga………

IMG_3480

Sariwa pa sa aking isip ang araw na iyon. Bagama’t tanghali na ay binabalot pa rin ng dilim ang umaga. Makapal at maiitim ang ulap na tumatabing sa sikat ng araw. Bumubuhos din ang napakalakas na ulan. Para bagang tumataghoy at tumatangis ang langit. Nakikiramay kaya ito sa aking nadarama?

Dahil sa kailangan naming dumalo sa isang tinakdang pagtitipon at dapat makarating sa tamang oras, ay napasabak kami sa napakalakas na ulan. Aming sinuong ang bumubuhos na delubyo. Nakarating naman kami sa aming paroroonan.

Matapos kaming makarating sa gusali ng pagtitipon, ay aking pinagmasdan ang mga taong pumapasok sa bulwagang iyon. Lahat sila ay pawang mga basang sisiw na nilublob sa tubig. Kulang na lang ay magsabon na rin sila. Pormal at magagara pa naman ang bihis nila. Buti na lamang at may dala kaming payong. Ngunit gayon pa man ay basang-basa pa rin ang aking sapatos at pantalon.

Kahit na makulimlim at bumabagyo noong araw na iyon, at kahit pa basang-basa ang karamihan dahil sa sinugod nilang lakas ng ulan, ay maaliwalas at maligaya ang napupulsong damdaming sa loob ng bulwagang iyon.

Hindi ko alam kung bakit ko piniling magsuot ng itim noong araw na iyon. Ako ba’y nagluluksa? Ako ba’y dadalo sa libing?

Sabi nila ang araw na iyon ay isang kaganapang tinatanaw.  Sabi nila ito raw ay kasagutan sa isang inaasam na pangarap. Pangarap na maraming tao sa iba’t-ibang lupalop ng mundo ang nagkakandarapa na makamit. Sabi nila ito raw ang katapusan ng mahabang paghihintay. Para sa akin, mahigit dalawampung taon ang inabot.

Sabi pa nila ito raw ay masayang okasyon. Ito raw ay araw ng pagdiriwang. Araw na dapat ipagbunyi. Ngunit bakit may kurot ng lungkot akong nararamdaman? Oo nga’t may tuwa sa aking puso ngunit bakit may bahid rin ito ng lumbay?

Matapos makapasok sa malaking bulwagang iyon ang lahat ng kinaukulan at maupo kami sa tinalagang upuan para sa amin, ay nagsimula na rin ang hinihintay naming seremonya. Tumahimik ang lahat, at kulog at ugong na lang ng malakas na ulan ang aming naririnig.

Pumasok na ang hukom. Ito’y nagbigay ng isang masayang pagbati.

Hindi na nagtagal kaming lahat ay pinatayo. Ako, kasama ng maraming tao, mula sa iba’t-ibang lahi at bansa. Ipinataas sa amin ang aming kanang kamay, at kami’y pinabigkas.

At habang ako’y nanunumpa sa harap ng dayuhang bandila, habang umiiyak ang mga alapaap, ay nangingilid naman sa aking mga mata ang luha………

IMG_3483

Halos isang taon na rin pala ang lumipas mula nang aking ipagluksa ang aking inang bayan. Mag-iisang taon na pala ang nagdaan nang aking isuko ang aking pagkamamamayan sa lupa kong sinilangan.

Namatay at nalibing na nga ba ang aking pagiging isang Pilipino? Huwag naman sanang mangyari.

*******

(*isinulat para sa pagunita ng buwan ng wika)

(**Photos taken with an iPhone, one foggy morning)

 

2 comments

    1. According to Philippine Consulate office I still need to apply for retention/re-acquisition of Philippine citizenship, which is very easy to do, but have not done so yet, to have dual citizenship. Until I do so, dayuhan ako sa sarili kong lupang sinilangan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s