Short Time sa Sogo

(Ang sumusunod na artikulo ay rated PG-13.)

May mga establisimyento sa Pilipinas na hindi maganda at medyo makulimlim ang kanilang reputasyon. Makatarungan man o hindi, ay atin silang tinatagurian na hindi dapat puntahan ng mga taong may dangal. Kasama dito ang mga sauna, massage parlor, at motel. Ating iniisip na may mga nangyayaring “kababalaghan” sa mga establisimyentong ito.

Pero kung tutuusin ay mararangal naman ang mga ito. Dito sa Amerika, ay walang malisyang iniisip kung ikaw ay pupunta sa sauna o sa massage parlor. Sa Pilipinas lang kaya may mga extracurricular at happy ending na mga pangyayaring nagaganap sa mga lugar na ito?

Ang motel naman ay galing sa katagang “motorist hotel.” Ibig sabihin ito ay para sa mga manlalakbay. Muli, sa ibang bansa tulad ng Amerika, walang konotasyong masama kung ikaw ay matutulog sa motel. Ngunit sa ating bansa, ito ay kilala para sa “short time” lang. Tinatawag din natin itong “biglang-liko” sabay “biglang-yuko.” Dahil ba para sa mga naglalaro ng apoy lang ang lugar na ito, at tagpuan lang ba ito ng mga bawal na pag-ibig?

Lahat ba ng tao na pumupunta sa sauna, o massage parlor, o sa motel, ay may kabulastugang ginagawa?

Ako’y magkukumpisal: ako ay nag-short time sa Sogo. Oo, ‘yung kinikilalang “lover’s hotel” na hindi mo dapat puntahan, kaya No Go.

Pero bago ninyo ako husgahan, ay inyo munang pakinggan ang aking kuwento.

Mahigit dalawang taon na ang nakalipas nang ako’y biglaang umuwi ng Pilipinas, dahil malubha ang kalagayan ng aking ina. Siya ay naratay sa ospital ng UERM sa may Aurora Boulevard. Doon namin napag-alaman na kumalat na ang kanser sa kanyang boong katawan. Iyon na ring uwi kong iyon ang huli naming pagkikita ng aking ina.

Pangatlong araw matapos kong lumapag sa Pilipinas, at matapos kong lumagi sa UERM para bantayan ang aking nanay, ay sumaglit ako sa SM City Santa Mesa na katabi lang ng ospital, para mananghalian. Solo flight lang akong lumabas. Matapos kong kumain, ay bigla akong inatake ng napakatinding antok. Wala naman sigurong pampatulog ‘yung Jollibee na kinain ko. Marahil na rin sa aking pagod sa paglalakbay, pagod at puyat sa pag-aasikaso sa aking nanay, at grabeng jet-lag, ay hindi ko nakayanang labanan ang sobrang antok.

Aking inisip na kung babalik ako sa UERM, ay wala akong tutulugan doon. Kung ako’y maglalakbay patungo sa tirahan ng aking kapatid sa Quezon City kahit pa malapit lamang ito, ay baka hindi ako umabot at ako’y makatulog sa daan. At kahit pa sabi ng aking tita na malugod akong inaanyayahan na tumambay sa kanila sa may Pasig, ay lalong hindi ako aabot doon, at baka sa LRT pa lang ay mawalan na ako ng malay, dahil nahihilo na ako sa sobrang antok. Kung puwede nga lang humilata sa mga binibentang mattresses doon sa mall ay ginawa ko na.

Dito ko nakita ang Hotel Sogo na kadikit lang ng SM City Santa Mesa. Alam ko ring maraming mga motel (biglang-liko?) na malapit sa Santa Mesa, pero hindi ko na kailangan pang lumayo, dahil kaharap ko na mismo ang Sogo.

Hindi ko inalintana kung ano man ang persepsyon ng mga Pinoy sa lugar na ito at kung ano pa man ang sasabihin ng iba. Unang-una, wala naman akong tinatago. Isa pa, wala rin namang nakakakilala sa akin doon. Kaya’t binaybay ko na ang daan patungong Sogo.

Sa aking pagpasok at paglapit sa front desk, ay tinanong ako ng receptionist kung anong klaseng kwarto ang gusto ko, at kung gaano katagal ako lalagi doon. Dahil ang nais ko lang ay matulog ng ilang oras, kaya’t short time lang ang aking pinili, at basta ba may kama sa kuwarto ay sapat na sa akin. Hindi ko kailangan ng jacuzzi, o complimentary champagne, o ng disco ball, o ano pa mang romantic amenities.

Hindi ako tinanong ng receptionist kung may kasama ba ako. Siguro alam na nilang maraming nagche-check-in sa hotel ang hindi magkasabay kunwari sa pagdating, para hindi mahalata kung mayroon man silang tinatago. Siguro mayroon din silang “no questions asked” na policy para sa privacy ng kanilang mga customers.

Ako’y pumanhik sa silid na ibinigay sa akin. Maliit lamang ito, at kasya lang ang isang kama. Mala-bartolina ito dahil wala itong bintana. Mayroon naman itong gumaganang aircon at mayroon din itong TV, pero hindi ko na tinangkang buksan ang TV dahil wala naman akong balak manood. May maliit na banyo rin itong kasama na may shower. Malinis din naman ang silid, at tulad ng slogan nila, “so clean, so good.” (Wala po akong komisyon galing sa Sogo.)

Sa aking pagbulagta sa kama, ay tinakasan na ako ng aking ulirat. Nahulog na ako sa napakahimbing na pagtulog, at wala na akong namalayan pa sa aking kapaligiran. Para akong na-knock-out ni Pacquiao. Kung may mga kakaibang kaluskos, indayog, ungol, hikbi, sigaw o ano pa mang mga kababalaghan sa mga katabing kuwarto ay wala na akong alam.

Matapos ang tatlo o apat na oras ng malalim na pagtulog ay ako’y muling nagkamalay. Namalikmata ako sa aking pag-gising. Mga ilang sandali rin ang lumipas bago ako natauhan kung saang lugar ako naroroon.

Naninimbang akong lumakad na parang lasing patungo sa banyo. Matapos ang malamig na shower ay tuluyan na akong nagising.

Aking kinulekta ang aking gamit, at nanaog na sa lobby ng hotel. Aking sinauli ang susi ng kuwarto sa receptionist. Maaring nagtatanong ang tingin nito kung sino at nasaan ang aking kasama, o kalaguyo, o kulasisi. Wala akong imik na lumabas ng hotel, at hinayaan ko na lang ang mga matang nakamasid na humabi ng mga kwentong mula sa kanilang malikot na pag-iisip.

So long, farewell, and so I go, Sogo.

sm-centerpoint-sta-mesa

SM City Sta. Mesa and Hotel Sogo (next building)

(*photo from the web)

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s