Binibini ng Lawa

Posted by

Nuong Linggo ng umaga ay tumakbo ako ng sampung kilometro. Mga ilang buwan na rin ang nakakalipas mula nang ako ay tumakbo ng ganitong kalayo. Nakakapanibago. Nakakahapo (kaya nilakad ko na iyong huling kilometro).

Bagong tila ang malakas na ulan nang ako ay lumabas ng bahay para tumakbo. Basang basa ang buong kapaligaran. Salamat naman at ang ulan ay nagdala ng malamig-lamig na ihip ng hangin at napalitan ang maalinsangang klima, matapos ang isang linggo ng “heat wave,” kung saan ang temperatura ay palaging nasa 90-100 degrees F (highest heat index: 115 F).

Kahit pasado ala-sais na ng umaga ay nag-aagaw pa rin ang liwanag at dilim, dahil sa mga maiitim na ulap na kumukulambo sa kalangitan, at tumatabing sa sumisilip na araw. Bumubulong-bulong ang ihip ng hangin.

Nang ako ay magawi at papalapit na sa isang maliit na lawa na may bumubukal na tubig, ay may na nakita akong isang anino ng taong nakatayo sa gilid nito. Malimit ay may mga nakaparadang kotse o golf cart sa tabi ng lawang ito, at mga lalaki na nangingisda ang natutunghayan ko dito.

Ngunit sa umagang ito ay isang babae ang naroon. Siya ay nag-iisa, at nakatindig na nakamasid sa malayo sa kabilang ibayo ng lawa, na para bagang may hinihintay. Nakalugay ang kanyang buhok na hindi kahabaan. Puti ang kanyang kasuotan. Maluwag-luwag ang kanyang damit na wumagawayway sa ihip ng hangin.

Ibinaling-baling ko ang aking tingin sa paligid. Walang ibang tao akong nakita. Wala ring kotseng nakaparada sa tabi ng lawa. Marahil ang binibining ito ay naglakad lamang patungo dito. O marahil siya ay tumakbong katulad ko. O kaya naman siya ay…… lumipad at lumutang!

Bigla akong pinagpawisan ng malamig.

Patuloy kong tinahak ang daan patungong lawa kahit na sa likod ng aking isip ay ayaw ko sanang gambalain ang babaing nakaputi. Nang ako’y malapit na sa kanya, ay isang impit at pilit na pagbati ang namutawi sa aking labi. Lumingon ito sa akin at nagtama ang aming tingin. Napansin kong malalalim at madilim ang paligid at ilalim ng kanyang mga mata, marahil sa puyat sa nakaraang gabi. Siya ay dahan-dahang ngumiti, at lumitaw ang kanyang mga baku-bakong ngipin na para bagang mga pangil. Pangil?!!!

lady of the lake

Napabilis ang aking mga hakbang, at kahit ako’y hingal na hingal ay patuloy ako sa aking pagtakbo. Hindi ko na muling liningon ang binibini.

Pagkaraan ng mga kalahating oras, nang ako ay pabalik na, ay wala akong ibang daan kung hindi muli sa tabi ng lawa. Mataas na ang araw at maliwanag na ang kapaligiran. Wala na ang kulimlim na mga ulap. Wala na rin ang babae doon sa lawa.

Sino kaya ang babaeng iyon na nakasuot ng puti? Siya kaya ay isa lamang sa aking mga kapit-bahay? O siya kaya ay isang white lady? O kaya nama’y engkantada ng lawa? Tutoo nga kaya ang aking nakita? O ako’y pinaglalaruan lamang ng aking malikot na pag-iisip? O kaya nama’y guni-guni lang ito ng isang utak na naghihikahos sa oxygen.

Iyan ang hirap pag-wala sa kundisyon ang katawan na tumakbo ng malayo, nahihibang sa pagod, at nakakakita ng white lady.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s