Noong makalawang araw ay napansin ng aking misis ang aking pambahay na tsinelas. Pudpod at gulagulanit na raw ito. Oo nga naman, mahigit sampung taon ko na ring gamit gamit ito. Naghihingalo at nagmamakaawa na ang aking tsinelas. Humihingi na ito ng kapalit.
Marami akong naging tsinelas mula nang ako’y bata pa. Aaminin ko nagsuot ako ng bakya noong nasa Pilipinas pa ako. Pero bago ko sabihin kung bakit ako nagsuot ng bakya, ay talakayin muna natin ang tungkol sa tsinelas.
Tayong mga Pilipino ay may magiliw na relasyon sa ating mga tsinelas. Marami tayong klase ng tsinelas na iba’t ibang uri at yari. May goma, abaka, alpombra, balat (leather), kahoy (gaya ng bakya), plastic at iba’t iba pa.
Kung ikaw ay dadalaw sa isang bahay sa Pilipinas, ang unang bubungad sa iyo ay ang mga iba’t ibang kulay ng tsinelas na nagkalat sa may pintuan ng bahay. Kung ikaw ay bisita, kapag hinubad mo ang iyong sapatos pagpasok sa bahay, ay maaring alukin ka rin ng tsinelas na pambahay para iyong isuot.

Dahil na rin siguro sa ating maiinit na klima, kaya tsinelas lang ang ating parating gamit. Kung mamamalengke, o mamamasyal, pupunta ng mall o bangko, tsinelas lang ang suot ay sapat na. Marami ngang mga manggagawa ang nakatsinelas lang sa kanilang trabaho. Siyempre pagpupunta sa beach, ay tamang-tama ang tsinelas. Kung hindi naman beach, at sa baha ka lang lulusong, ay okay pa rin ang tsinelas.
Hindi ko sigurado kung sinong unang nag-imbento ng tsinelas. Maraming prueba na kahit noong maagang sibilisasyon ay may gamit ng saplot sa paa ang tao. Ito ay yari sa dahon, o hibla ng halaman, o kaya ay balat ng hayop. Ang ancient Egyptians ay nagsusuot na ng tsinelas na tulad ng modern-day flip-flops mula pa 1500 B.C. Ang mga sundalong Romano naman ay may sandalyas na may tali hanggang binti, na ang tawag ay caliga.
Sa kasaysayan rin ng China ay matagal nang gamit ang tsinelas. Sila rin yung nagpauso na ginagapos ang paa ng mga batang babae para manatiling maliit ang kanilang mga paa. Maganda raw sa panahon na iyon ang maliit ang paa. Yung kapitbahay namin sa Maynila na Instik, ang kanilang lola ay maliliit ang paa, dahil siguro sa pagsusuot ng bakal na tsinelas.
Ang salitang tsinelas ay galing sa salitang Kastila na “chinela” na nangangahulugang slipper or sandal. Panahon pa ng Kastila ay usong-uso na ang tsinelas sa Pilipinas.
Kahit si Jose Rizal ay may kwento tungkol sa tsinelas. Isang araw nang bata pa raw si Rizal, siya at ang kanyang kuya ay sumakay sa bangka. Habang sila’y nasa bangka, nahulog ang isang tsinelas ni Rizal sa ilog, at ito’y inanod papalayo. Nang malaman niya na hindi na niya ito makukuhang muli, ay itinapon na rin niya ang natitirang pares sa ilog. Paliwanag niya sa kanyang kuya, dahil hindi na niya magagamit kung isang pares lang, subalit baka sakaling may makapulot ng dalawang pares ng kanyang tsinelas, at ito’y mapakinabangan muli. Bayani talagang mag-isip si Rizal.
Dahil sa papularidad ng tsinelas sa ating bansa, may mga bayan na may piyesta ng tsinelas. Sa Liliw Laguna, tuwing Abril ay may “Gat Tayaw Tsinelas Festival,” at sa Gapan Nueva Ecija naman, tuwing Agosto ay mayroon din silang Tsinelas Festival. Sa mga piyestang ito kanilang ipinagbubunyi ang mga lokal na yaring tsinelas, at dito rin makikitang pumaparada ang mga higanteng tsinelas.

Noong ako’y bata pa, kahit nasa loob lang ng bahay ay naka-tsinelas kami, na kadalasan ito ay yari sa alpombra. Taga-Marikina ang ninang ng aking ate, kaya kung Pasko o kapag dumadalaw siya sa amin, lagi itong may regalong tsinelas na yaring Marikina para sa aming magkakapatid.
Noong nasa elementarya kami ay may naging project kami na gumawa ng pambahay na tsinelas. Ito ay yari sa lubid ng abaka na idinikit namin sa cardboard na hugis ng aming paa. Ilang araw ko lang ito nagamit dahil ito’y bumigay kaagad. Hindi kasi pulido ang aking pagkakagawa. Kaya siguro hindi ako naging sapatero.
Paglalabas naman ng bahay, ay rubber na tsinelas ang aking ginagamit. Kahit nagbabasketball ako sa kalsada, ay nakatsinelas lang ako. Napakarami kong tsinelas na napudpod, napigtal, o nasira sa pagbabasketball. Nasubukan mo bang lagyan ng perdible (safety pin) o alambre yung napigtas mong tsinelas? Gawain ko iyon noon.
Isa sa gusto kong tsinelas noon ay Spartan, dahil sa tingin ko ay medyo matibay ito. Sabi nga ng kanilang commercial, “Nasaan ang tibay mo?” Ang ibang mga brand noon ay Bantex, Beach Walk at Islander. Mayroon ding Rambo na brand, na nauso noong naging sikat ang pelikulang Rambo. Hindi ko lang alam bakit ito ang pangalan, dahil naka-combat boots naman si Rambo at hindi nakatsinelas.
Gamit ko rin ang aking tsinelas sa paglalaro ng tumbang preso. Ito yung laro kung saan pinupukol mo ang lata ng iyong tsinelas. Ilang mga bata kaya ang nawala ang tsinelas sa paglalaro ng tumbang preso? Naglalaro din ako ng sipa (tingga at balot ng kendi) kahit nakatsinelas. Pipihitin ko lang sa may sakong ang aking tsinelas, ay sapak na sapak nang maglaro ng sipa.
Maniwala ka man o hindi, ang aking tsinelas ay akin ding naging sandata. Hindi sumasabog ang aking tsinelas at wala rin itong patalim na gaya ng sapatos ng kalaban ni James Bond. Hindi ko sa kaaway ginagamit ang tsinelas. Ang tisnelas ay sandata ko laban sa mga tinginingining na mga ipis! Aking aapakan o hahambalusin ang mga gumagapang na ipis, o kaya naman ay babalibagin kung sila ay air-borne.
Ang nanay ko naman, gamit din ang tsinelas (see previous post) para pamalo sa amin, kapag kami ay makukulit. Buti na lang nga at tsinelas na pambahay lang ang gamit niya, at hindi yung palu-palo sa paglalaba.
Ang dami talagang silbi ng tsinelas para sa ating mga Pilipino. Pero kung minsan, ang antas ng ating buhay ay hinuhusgahan sa ating suot na tsinelas. Maaring nakatsinelas nga pero Havaianas o kaya’y Birkenstock ang tsinelas. Sosyal! Kaya naman ‘di magkaugaga natin silang pagsilbihan at bigyan pansin. O baka dahil mumurahin lang o kaya nama’y gusgusin at sira-sira ang suot na tsinelas, kaya’t binabalewala lang natin sila, o tingin natin sa kanila ay bakya. Hindi ‘yung sinusuot, kundi bakya na ibig sabihin ay low-class o cheap.
Sana naman ang pagtingin natin sa tao ay pantay-pantay. Sosyal man ang tsinelas o bakya. May tsinelas man o wala. Sa paningin ng langit, tayong lahat ay pare-parehong nakayapak at walang dapat ipagyabang.
Mabalik tayo sa aking bakya. Oo, gumagamit ako ng bakya noon. Hindi ko ito suot papuntang palengke o kapag lumalabas. Hindi ko rin ito ginamit pangbasketball. Pero kung maapakan ka ng bakya kung nagbababaskeball? Siguradong patay. Patay ang kuko!
Ang gamit kong bakya noon ay sa loob lang ng aming bahay. Sirit na?
Tulad ng mga banyo sa Pilipinas, ang aming banyo’y laging basa ang sahig. Dahil ayaw naming magputik ang sahig, at dahil ayaw ring mabasa ang paa, kaya’t may bakya kami sa banyo, na para sa loob ng banyo lang. Aminado ako, ginagamit ko ang bakyang ito kapag ako’y gumagamit ng banyo.
Akala ninyo si Neneng lang ang nagbabakya?
(*comic strip is from Pugad Baboy)
Hi. Can I ask if there’s any references to support this claims? Needed for textual analysis. It will be much appreciated. Thank you for response. Godbless.
“Kahit si Jose Rizal ay may kwento tungkol sa tsinelas. Isang araw nang bata pa raw si Rizal, siya at ang kanyang kuya ay sumakay sa bangka. Habang sila’y nasa bangka, nahulog ang isang tsinelas ni Rizal sa ilog, at ito’y inanod papalayo. Nang malaman niya na hindi na niya ito makukuhang muli, ay itinapon na rin niya ang natitirang pares sa ilog. Paliwanag niya sa kanyang kuya, dahil hindi na niya magagamit kung isang pares lang, subalit baka sakaling may makapulot ng dalawang pares ng kanyang tsinelas, at ito’y mapakinabangan muli. Bayani talagang mag-isip si Rizal.”
I don’t have the exact reference, but I remember reading that story in our textbook when we were in elementary school.
Thank you!