Marcha ng Patay

Posted by

Sabihin na lang natin na hindi ko paborito ang subject na English noong ako’y nag-aaral pa. Hindi rin naman ako lumaki sa isang tahanan ng mga Inglisera. No spokening dollar in our house. Hindi naman sa nosebleed ako pag-Inglisan na, but English is not my strong suit. (Uy English ‘yon ah!).

First year high school nang sumali ako sa Cadet Officer Candidate Course(COCC), dahil gusto kong magkaroon ng ranggo bilang estudyanteng kadete. Isang hapon, habang ako’y nag-rereport sa isang commanding officer, buong lakas ng boses na sinabi kong “Sir, I want to be in the marching corps, sir!”

Biglang nagtawanan ‘yung mga nakaranig. Lalo na yung mga estudyante ng higher years. May isang grupo pa nga ng mga 4th year na halos gumulong sa lupa at maihi-ihi sa katatawa nang marinig nila ang sagot ko. Halos matunaw ako sa hiya.

Putris, malay ko ba na ang bigkas sa corps ay kor at hindi korps! Marching corpse? Pinagmarcha na ang patay!

Buti pa ang Tagalog, ang salitang aking kinamulatan, ay madaling basahin at bigkasin. Bawat letra ay iisa lang ang bigkas. Ang a ang laging a, ang e ay laging e, ang ay laging o. Hindi pabago-bago. Ang gago ay laging gago. Hindi geygo, o geygow, o gahjo.

Sa English, ang dami-daming paraan ng pagbigkas at pagbasa sa letra o salita. Ang a ay pwedeng ah, as in apple (apol), o pwedeng maging ey as in apron (eypron), o eh, as in hat (het). Nakaka-geygow talaga.

Minsan may mga letra na hindi binibigkas, o kaya nama’y iba ang pagbasa. Tulad ng salitang colonel. Kung ang bigkas mo dito ay kolonel, ay nagkakamali ka. Ang bigkas daw dito ay kernel. Tinamaan ng magaling, nasaan ang letrang R sa colonel? Isa pang example, ang salitang cache, ang bigkas ay hindi ka-tche o kaya ay ka-shey. Ang tamang bigkas raw ay kash.

May iba pang salita na kahit parehong spelling, pero iba ang pagbasa depende sa ibig sabihin. Tulad ng lead (to go in front), and bigkas ay lid.  Pero ang lead (metal) ang bigkas ay led. Ang bass (low, deep sound) ang bigkas ay beys. Pero ang bass (type of fish) ang bigkas ay bas. Sinong hindi mage-geygow?

Hindi ko akalain na darating pala ang araw na titira ako sa lupa na ang salita ay Ingles. Noong isang araw ay kausap ko ang kaibigan kong Englishman. Akin siyang pabirong sinisisi sa wika na kanilang inimbento na nagpapahirap sa ating mga Pilipino. Hindi niya tuluyang inako ang sisi. Sabi niya hindi raw mga Englishmen (British) o kahit mga Amerikano ang may kasalanan. Sisihin daw natin ang mga Pranses (French), dahil karamihan ng salitang mahirap bigkasin ay hugot sa salitang French.

Totoo nga naman dahil ang salitang corps, colonel at cache na aking nabanggit ay French word ang pinagmulan. Pero may mas mahihirap pang salitang galing sa kanila. Tulad ng coup d’etat. Pero kahit mahirap itong basahin, dahil sa daming coup d’etat na nangyari sa ating bansa, ay sanay tayong mga Pilipino na bigkasin ito, ku-de-tah. Isa pang salita, ang hors d’oeuvre na ibig sabihin ay appetizer. Kung ang basa mo diyan ay horse de over ay baka akalain nilang karera ang usapan. Ang bigkas daw diyan ay or-derv.  Anak ng tokwa, panghimagas na lang pinahihirap pa.

Pero dahil gusto ko ng French fries, French toast, at French kiss, ay mapapatawad ko ang mga Pranses.

Meron ding naman tayong mga pinahiram na mga salita na ngayon ay bahagi na ng salitang Ingles. Tulad ng boondock, mula sa ating salitang bundok. O kaya ay kilig, balikbayan at barkada na nasa Oxford English dictionary na. Pero siguro kapag binasa ng Kano ang barkada ito ay bahr-key-duh.

Nung nasa first year college naman, sa aming English literature class, ay pinatayo ako at malakas na pinabasa ng aming libro. Tungkol sa mythology ‘yung subject. Aking binasa: At the beginning there is only Chaos.

Naghagalpakan ang buong klase, kahit hindi naman ako nagpapatawa. Hindi ko naman ginagaya si Jimmy Santos mag-Ingles. Pati ang aming guro ay namula sa kakapigil ng kanyang tawa. Bigkas ko kasi sa chaos ay tchaos. Tangenge talaga! Kung hindi mo rin alam ang bigkas diyan, ito ay keyos. Na-geygow na naman ako.

Subalit kahit na nakasama ako sa parada ng mga tanga, at sumali sa marching corpse, pero nang mag-marcha na kami noong high school graduation, ay tumanggap naman ako ng mga award na Excellence in Math at Excellence in Science. Wala nga lang Excellence in English. At kahit pa chaotic (tchayotik) ang aking Ingles noong college, pero noong graduation na ay sinabitan naman ng medalya dahil nakatapos nang may honor na “cum latik.”

Sa ating buhay, huwag sana nating husgahan ang mga “bobo” sa English. Hindi lang ang pagsasalita ng Ingles ang basehan ng kaalaman at talino ng isang tao. At huwag din naman nating tawanan kung balu-baluktot mag-Tagalog ang isang tao. Maaaring Bisaya, o Ilokano, o iba pang katutubong wika ang kinamulatan nila, at ibig sabihin nito ay higit sa isa, o dalawa, o tatlong wika ang alam nila. Kaya’t lamang pa rin sila.

Diretso o bulol man ang iyong Ingles, ay ayos lang. Buti pa, maghalo-halo na lang tayo sa Chow-King. Or should I say Kaw-King?

(*Isinulat para sa buwan ng wika)

 

8 comments

    1. The French contributed a lot to the world. The French revolution trampled monarchies and promoted democracies that we enjoy today. I use the stethoscope everyday which is also invented by a Frenchman, Laennec. But French kiss is still the best. 🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s