Isang Gabi sa Quezon Avenue

Posted by

Malamig ang simoy ng hangin at magpapasko noon, mahigit dalampu’t limang taon na ang nakalipas. Namamayagpag ang mga kanta ni Jose Marie Chan mula sa kanyang album na “Christmas In Our Hearts.” Bago at hindi pa gasgas ang mga kantang ito noon. Pero alam kong kahit na hanggang ngayon, hindi pa rin kumukupas ang mga awit na ito dahil pinapatugtog pa rin sila kapag buwan na ng “Ber.”

Kakatapos ko pa lang ng medical internship at wala pa akong matinong pinagkakakitaan. Ang matalik ko namang kaibigan noo’y may maganda at matatag nang trabaho sa PAL (Philippine Air Lines). Maaring sabihin na ako ay sa PAL din noon – PALamunin. Isang gabi, niyaya niya ako at ang aking nobya (ngayo’y asawa na) na samahan siya sa kanyang pakay.

Kami ba’y mamamasko? O baka magka-karoling? Magkakaraoke kaya? Pupunta sa Boom na Boom sa CCP Complex (meron pa kaya nito ngayon)? O kaya’y hahaluglugin ang Metro Manila para hanapin ang kanyang nawawalang ninong?

Hindi po, ang sagot sa lahat ng ito. May kakaibang trip sa Pasko ang aking kaibigan. Kami raw ay magpapamudmud ng munting “aginaldo” sa mga taong nangangailangan.

Aking sinilip ang loob ng kanyang kotse at sa likod na upuan nito ay naroon ang maraming supot (plastic bag ang ibig kong sabihin at hindi ibang ‘supot’ na nasa isip mo). Laman ng mga supot ay ilang gatang bigas at mga de lata. Dahil daw nakatanggap siya ng Christmas bonus kaya ipinambili raw niya ito ng bigas at mga de latang pagkain para ipamahagi sa iba. Feeling Santa Claus lang. Napabilib ako sa kanya.

Kami ay nag-drive sa kahabaan ng Quezon Avenue at doon kami naghanap ng mga kaluluwang mabibiyayaan.

Quezon Avenue (photo from here)

Nag-park kami sa isang tahimik na parte ng kalye. Naghintay kami ng mga dadaan. Hindi nagtagal ay may isang batang paslit na dumaan. May bitbit pa yata itong cell – hindi cellphone kundi cellophane. Ano kaya ang nasa cellophane? Rugby kaya? Singhot boy pa yata siya. Subalit wala naman kaming pinipiling pamaskuhan.

Tinawag namin ang bata. Lumapit naman ito, dahil hindi naman kami mga mukhang pulis. Tinanong namin kung saan siya nakatira. Tumuro siya sa isang dako, pero baka sa ilalim lang ng tulay ito natutulog. Inabutan namin siya ng aming pamasko. Natuwa at nagpasalamat naman siya at dali-dali nang umalis.

Maya-maya pa ay dinumog na ang aming sasakyan ng mga batang palaboy. Siguro nagtawag ng kanyang katropa ang unang batang aming binigyan. Mga madudungis na mga palad ang nakalahad at naghihintay sa aming bintana. Buti na lamang at marami kaming nakasupot na ipamimigay. Matapos naming abutan silang lahat, mabilis na kaming tumakas at baka isang baranggay pa ang dumating.

Nag-drive na muli kami at sa ibang lugar naman kami nag-parking. May mga paisa-isang bata o matanda kaming nakita, ilan ay naghahalungkat ng basura. Inabutan din namin sila ng aming aginaldo.

Sa isang bahagi ng Quezon Avenue kung saan kami nag-park, ay dalawang dalagita ang lumapit sa aming sasakyan. Mukha lang silang mga teenager. Kusa silang lumapit sa aming kotse kahit hindi namin sila tinawag.

Hindi ko alam kung anong gusto nila. Siguro nakita nilang dalawa kaming lalaki na nakaupo sa harapan ng kotse. Mga kalapati kaya sila? Siguro napansin din nila ang aking girlfriend na nakaupo sa likuran ng kotse. Pinagkamalan ba nilang siya’y kalapati na aming na-pick-up? Kawawang girlfriend.

Paglapit nila sa aming sasakyan ay nagpakilala naman sila. Sila raw ay si Salbe at si Lable. Siguro Salve at Lovely ang pangalan nila, pero ang pagkakabigkas nila ay Salbe at Lable.

Hindi namin alam kung anong kwento ng buhay nila ngunit hindi na namin masyadong inusisa pa. Ano kaya ang dahilan kung bakit sila gumagala-gala sa kalsada kahit gabi na? Ano kaya ang nagtulak sa kanila para pasukin ang buhay na iyon?

Kung anumang ligaya ang inaakala nilang aming hinahanap ng gabing iyon ay hindi po ganoon ang aming balak. Sabi lang namin sa kanila na kami ay nagbibigay ng mga pamasko at ito ang nagdudulot sa amin ng ligaya. Inabutan na lang namin sila ng aming naka plastic bag na aginaldo at binati sila ng Maligayang Pasko. Tinanggap naman nila ito, at kami’y umalis na.

Iba-iba ang ating estado sa buhay. Iba-iba ang ating kalagayan sa Paskong ito. Habang ang iba sa atin ay maginhawang pahiwa-hiwa lang ng keso de bola, ang ilan nama’y nahihiwa sa mahigpit nilang pagkapit sa mga patalim. Maaring ang ilan sa atin ay palunok-lunok lang ng cherry at ubas, habang ang iba nama’y pilit na linulunok ang mapait na katotohanang sa kanila’y gumagapos.

Lumibot-libot pa kami hanggang sa maubos nang tuluyan ang aming mga pamasko. Kahit naubos na ang aming mga munting aginaldo, hindi naman naubos ang galak sa aming mga puso. At kahit mahabang panahon na ang lumipas, ito’y nagdudulot pa rin ng saya kapag aking naaalala.

Napihit ba namin ang gulong ng palad ng aming mga napamaskuhan upang ito’y magbago? Marahil hindi. Kung mayroon mang nagbago ito ay ang aming pakay at pananaw sa buhay.

Ilang mga tao pa kaya ang nag-uukay-ukay sa mga basura ngayon? Ilang mga bata pa kaya ang namamaluktot habang natutulog sa ilalim ng tulay. Ilang mga Salve and Lovely pa kaya ang gumagala-gala sa gabi?

Sana wala na.

********

(*Salamat Al at kami’y iyong isinama.)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s