Isang Gabi sa Quezon Avenue

Malamig ang simoy ng hangin at magpapasko noon, mahigit dalampu’t limang taon na ang nakalipas. Namamayagpag ang mga kanta ni Jose Marie Chan mula sa kanyang album na “Christmas In Our Hearts.” Bago at hindi pa gasgas ang mga kantang ito noon. Pero alam kong kahit na hanggang ngayon, hindi pa rin kumukupas ang mga awit na ito dahil pinapatugtog pa rin sila kapag buwan na ng “Ber.”

Kakatapos ko pa lang ng medical internship at wala pa akong matinong pinagkakakitaan. Ang matalik ko namang kaibigan noo’y may maganda at matatag nang trabaho sa PAL (Philippine Air Lines). Maaring sabihin na ako ay sa PAL din noon – PALamunin. Isang gabi, niyaya niya ako at ang aking nobya (ngayo’y asawa na) na samahan siya sa kanyang pakay.

Kami ba’y mamamasko? O baka magka-karoling? Magkakaraoke kaya? Pupunta sa Boom na Boom sa CCP Complex (meron pa kaya nito ngayon)? O kaya’y hahaluglugin ang Metro Manila para hanapin ang kanyang nawawalang ninong?

Hindi po, ang sagot sa lahat ng ito. May kakaibang trip sa Pasko ang aking kaibigan. Kami raw ay magpapamudmud ng munting “aginaldo” sa mga taong nangangailangan.

Aking sinilip ang loob ng kanyang kotse at sa likod na upuan nito ay naroon ang maraming supot (plastic bag ang ibig kong sabihin at hindi ibang ‘supot’ na nasa isip mo). Laman ng mga supot ay ilang gatang bigas at mga de lata. Dahil daw nakatanggap siya ng Christmas bonus kaya ipinambili raw niya ito ng bigas at mga de latang pagkain para ipamahagi sa iba. Feeling Santa Claus lang. Napabilib ako sa kanya.

Kami ay nag-drive sa kahabaan ng Quezon Avenue at doon kami naghanap ng mga kaluluwang mabibiyayaan.

Quezon Avenue (photo from here)

Nag-park kami sa isang tahimik na parte ng kalye. Naghintay kami ng mga dadaan. Hindi nagtagal ay may isang batang paslit na dumaan. May bitbit pa yata itong cell – hindi cellphone kundi cellophane. Ano kaya ang nasa cellophane? Rugby kaya? Singhot boy pa yata siya. Subalit wala naman kaming pinipiling pamaskuhan.

Tinawag namin ang bata. Lumapit naman ito, dahil hindi naman kami mga mukhang pulis. Tinanong namin kung saan siya nakatira. Tumuro siya sa isang dako, pero baka sa ilalim lang ng tulay ito natutulog. Inabutan namin siya ng aming pamasko. Natuwa at nagpasalamat naman siya at dali-dali nang umalis.

Maya-maya pa ay dinumog na ang aming sasakyan ng mga batang palaboy. Siguro nagtawag ng kanyang katropa ang unang batang aming binigyan. Mga madudungis na mga palad ang nakalahad at naghihintay sa aming bintana. Buti na lamang at marami kaming nakasupot na ipamimigay. Matapos naming abutan silang lahat, mabilis na kaming tumakas at baka isang baranggay pa ang dumating.

Nag-drive na muli kami at sa ibang lugar naman kami nag-parking. May mga paisa-isang bata o matanda kaming nakita, ilan ay naghahalungkat ng basura. Inabutan din namin sila ng aming aginaldo.

Sa isang bahagi ng Quezon Avenue kung saan kami nag-park, ay dalawang dalagita ang lumapit sa aming sasakyan. Mukha lang silang mga teenager. Kusa silang lumapit sa aming kotse kahit hindi namin sila tinawag.

Hindi ko alam kung anong gusto nila. Siguro nakita nilang dalawa kaming lalaki na nakaupo sa harapan ng kotse. Mga kalapati kaya sila? Siguro napansin din nila ang aking girlfriend na nakaupo sa likuran ng kotse. Pinagkamalan ba nilang siya’y kalapati na aming na-pick-up? Kawawang girlfriend.

Paglapit nila sa aming sasakyan ay nagpakilala naman sila. Sila raw ay si Salbe at si Lable. Siguro Salve at Lovely ang pangalan nila, pero ang pagkakabigkas nila ay Salbe at Lable.

Hindi namin alam kung anong kwento ng buhay nila ngunit hindi na namin masyadong inusisa pa. Ano kaya ang dahilan kung bakit sila gumagala-gala sa kalsada kahit gabi na? Ano kaya ang nagtulak sa kanila para pasukin ang buhay na iyon?

Kung anumang ligaya ang inaakala nilang aming hinahanap ng gabing iyon ay hindi po ganoon ang aming balak. Sabi lang namin sa kanila na kami ay nagbibigay ng mga pamasko at ito ang nagdudulot sa amin ng ligaya. Inabutan na lang namin sila ng aming naka plastic bag na aginaldo at binati sila ng Maligayang Pasko. Tinanggap naman nila ito, at kami’y umalis na.

Iba-iba ang ating estado sa buhay. Iba-iba ang ating kalagayan sa Paskong ito. Habang ang iba sa atin ay maginhawang pahiwa-hiwa lang ng keso de bola, ang ilan nama’y nahihiwa sa mahigpit nilang pagkapit sa mga patalim. Maaring ang ilan sa atin ay palunok-lunok lang ng cherry at ubas, habang ang iba nama’y pilit na linulunok ang mapait na katotohanang sa kanila’y gumagapos.

Lumibot-libot pa kami hanggang sa maubos nang tuluyan ang aming mga pamasko. Kahit naubos na ang aming mga munting aginaldo, hindi naman naubos ang galak sa aming mga puso. At kahit mahabang panahon na ang lumipas, ito’y nagdudulot pa rin ng saya kapag aking naaalala.

Napihit ba namin ang gulong ng palad ng aming mga napamaskuhan upang ito’y magbago? Marahil hindi. Kung mayroon mang nagbago ito ay ang aming pakay at pananaw sa buhay.

Ilang mga tao pa kaya ang nag-uukay-ukay sa mga basura ngayon? Ilang mga bata pa kaya ang namamaluktot habang natutulog sa ilalim ng tulay. Ilang mga Salve and Lovely pa kaya ang gumagala-gala sa gabi?

Sana wala na.

********

(*Salamat Al at kami’y iyong isinama.)

Sa Likod ng Matataas na Pader

Hindi kalayuan sa masikip na kalyeng aking kinalakihan sa Maynila ay isang kalsadang may mga naglalakihang compound na napapalibutan ng matataas na pader. Dahil sa taas ng mga bakod, ay mga tuktok ng puno at mga bubong ng bahay lamang ang iyong masisilayan sa loob ng pader.

Ang kalsadang aking tinutukoy ay ang Manga Avenue doon sa Sampaloc. Malapit din sa lugar na ito ang mga kalye ng Santol at Pinya. Nangangasim ka na ba? Siguro naglilihi ang nagbigay pangalan sa mga lugar na ito.

Madalas kaming dumadaan sa Manga Avenue noong araw. Hindi dahil sa loob ng mga nagtataasang pader kami naninirahan, kundi dito lamang tumatahak ang mga pumapasadang tricycle mula sa aming kapit-kanto patungo sa lugar ng Stop and Shop sa Sta. Mesa.

Nagpupunta kami sa Stop and Shop para maghulog ng sulat (Sta. Mesa Post Office), para mag-grocery (Fernando’s), o mamalengke (talipapa sa Sta. Mesa), o kaya’y bumili ng gamot (Mercury Drug, old Sta. Mesa branch). Wala na ngayon ang Fernando’s at Mercury Drug sa lugar na ito.

Sa Sta. Mesa rin kami tumutungo para sumasakay ng jeepney o bus (wala pang LRT2 noon) na bumabiyahe sa kahabaan ng Ramon Magsaysay, papuntang Quiapo o pa-Cubao. Nasa Stop and Shop din noon ang aking barbero. Malapit din sa lugar ng Sta. Mesa na ito ang mga establisimentong binabansagang “biglang-liko” at mga “patay-sindi,”  pero hindi ako gumagawi doon. Totoo, peks man, hindi ko pinasok ‘yun.

Mabalik ako sa Manga Avenue, maliban sa mga dumadaang traysikel ay masasabing matahimik ang kalyeng ito noong araw. Walang masyadong tao ang tumatambay doon. Mga walang imik na pader lamang ang tanging saksi sa mga nagdaraan dito.

Noong ako’y magsimulang sumama sa aking tatay na ma-jogging, ay tinutunton namin ang kalsadang ito kapag madaling araw. Madilim at pawang liblib ang kalyeng ito. Malalayo ang pagitan ng mga poste ng ilaw, at ang mga liwanag mula sa mga bahay ay nakukubli ng mayayabong na puno at matataas na pader.

Ano kaya ang itsura sa loob ng mga kutang pader na iyon? Tanong ito ng musmos kong isipan noon.

Sabi nila ay may mga swimming pool daw sa loob ng mga bakod. Sabi din nila ay may magandang basketball court daw sa loob ng mga compound, na hindi tulad ng payak na tabla at bakal na court sa aming kalye. Sabi nila humahalimuyak daw ang mga hardin sa loob ng mga compound na iyon. Sabi pa nila, magagandang mansiyon daw ang mga nakatirik sa likod ng matataas na pader.

Sinu-sino kaya ang mga naninirahan sa likod ng mga matataas na pader na iyon?

Sabi nila isa sa mga bahay doon ay naging tirahan ng dating presidente (Magsaysay), pero ipinagbili na ito sa isang prominenteng pamilya. Sabi pa nila ay mga mayayamang negosyante ang mga nakatira sa loob ng mga pader na iyon. Aaminin ko, pinangarap ko rin na manirahan, o kahit makapasok man lamang sa loob ng mga pader na iyon.

Laging nakapinid ang mga makapal na bakal na gate sa Manga Avenue. Ngunit paminsan-minsan ay natitiyempuhan kong masulyapan na bukas ang gate, habang pumapasok ang mga magagarang kotse. Nakabantay naman palagi ang mga gwardiang may nakasukbit na baril.

Ngunit isang araw, sa isang malawak na bakanteng lote na napapagitnaan ng mga compound, ay may naligaw na nagtayo ng barong-barong doon sa Manga Avenue. Hindi nagtagal ay sunod-sunod na yerong kubo ang nagsulputan na parang kabute doon sa bakanteng loteng iyon. Nang malaon na ay nagkaroon ng “subdivision” ng mga dampa na kahalera ng matataas na pader. Umapaw pa hanggang sa lansangan na mismo ang mga barong-barong.

Balita ko ay hindi na mapaalis ang mga pamilyang nagtayo ng mga barong-barong. Mula noon ay naging matao, aktibo, at makulay na ang Mangga Avenue.

Ano kaya ang naramdaman ng mga naninirahan sa loob ng mga matataas na pader? Ano kaya ang kanilang naging reaksiyon?

Ang akin lamang nasaksihan mula noon ay lalo pang pinataasan ang mga pader. Naglagay pa ng mga barb wire sa ibabaw nito. Lalo ring pinagtibay ang mga bakal na gate. At dinagdagan pa ang mga guwardiang bantay.

Hindi ko sasabihing masama ang pataasin pa ang mga pader, dahil ito nama’y kanilang pag-aari. At hindi ko rin sasabihing tama ang magtayo ng mga barong-barong sa lupang hindi pag-aari.

manga-5-5-11-2013-4-29-19-am

mga dampa sa labas ng matataas na pader sa Manga Avenue ngayon

Ngunit kaya kayang tabingan ng mga matataas na pader ang mga masaklap na katotohanan ng maralita sa labas nito? Kaya kayang patahimikin ng matatalas na barb wire ang mga hikbi at iyak ng mga mahihirap? Kaya kayang sapawan ang baho ng pag-hihikahos ng bango ng mga bulaklak sa hardin na nasa loob ng mga pader? Nagtatanong po lamang.

Ikaw? Ako? Anong mga pader din ba ang ating itinatayo upang ikubli sa ating paningin ang mga paghihirap ng iba?

Masakit mang aminin, kailangan din nating dumungaw mula sa ating pader.

******

Post script: Habang naghahanap ako ng mga larawan ng Manga Avenue, ay aking napagalaman na si Erap, na ngayo’y Mayor na ng Maynila, ay sa kalyeng ito na naninirahan. Magbago na kaya ang lugar na ito?

(*photo from here)