Hugot Lines sa Doctor’s Office

Mahal kong mga readers, heto na naman po ang bagong installment ng mga hugot. Kung merong Hugot Cafe, welcome naman po kayo dito sa Hugot Clinic.

Duktor: (Habang iniineksyunan ng local anesthesia ang pasyente para sa simpleng operasyon) O Hija, konting kirot lang ang injection na’to, pero pampamanhid ito at walang ka nang mararamdaman pagkatapos.

Pasyente: Kahit wala ng anesthesia Doc. Sanay na akong masaktan. Manhid na manhid na nga ako.

**********

Duktor: (Habang tinatanggal ang bondage sa sugat ng pasyente) Magaling at tuyo na ang sugat mo dito sa iyong braso.

Pasyente: Pero ang sugat sa puso ko Doc, hindi pa rin gumagaling. May band-aid ba para dun?

**********

Pasyente: Doc, ang pait naman ng nireseta n’yong gamot.

Duktor: Ganyan talaga, ang mapapait na karanasan ang magpapalakas sa iyo.

**********

Pasyente: Doc, may gamot ba kayo sa constipation? Hindi ko kasi mailabas-labas ang mga sama ng loob ko.

Duktor: Namputcha, hindi laxative ang kailangan mo. Halika, daanin na lang natin sa maboteng usapan.

**********

Pasyente: Doc, ano po ba ang sanhi ng madaling mapagod?

Duktor: Baka may cardiomyopathy o kaya ay heart failure. Sige, i-check-up na kita.

Pasyente: Hindi po ako, ‘yung boyfriend ko. Sabi niya ayaw na niya, kasi raw pagod na ang puso niya.

**********

Pasyente: Doc, meron pa bang lunas ang kalagayan ko? Lagi na lang akong pinapaasa.

Duktor: Naku ‘Te, wala ng pag-asa. Walang gamot sa tanga.

**********

Pasyente: Doc, feeling ko ako si Invisible Man. Kasi andito lang naman ako, pero bakit hindi niya ako nakikita. Hindi pa rin ako pinapansin.

Duktor: Next patient please!

**********

Duktor: Bumibigat ka. Kailangan mong tumakbo at mag-exercise.

Pasyente: Pero Doc, sabi ng misis ko takbo na raw ako ng takbo.

Duktor: Engot ka pala eh, hindi exercise yung tumatakbo sa responsibilidad.

*********

Pasyente: Doc, hirap na hirap po akong gumising.

Duktor: Ah, baka may narcolepsy ka. Sige, resitahan kita ng stimulant.

Pasyente: Magigising po ba ako sa katotohanan sa gamot na yan Doc?

Duktor: Ah meron din gamot diyan…….tadyak!

**********

Duktor: (Habang pinapakinggan ang baga ng pasyente) O clear naman ang tunog ng mga baga mo.

Pasyente: Pero Doc, sumisikip ang dibdib ko at hirap pa rin akong huminga. Lalo na kapag naaalala ko ang kumag na iyon.

Duktor: Teka, hindi Pulmonologist ang kailangan mo kundi Psychotherapist.

**********

Pasyente: Doc, may gamot ba para magka-amnesia? Gusto ko lang kasing kalimutan na siya.

Duktor: Ah, may mabisa akong gamot diyan. Heto, inumin mo na ang tabletang ito.

Pasyente: (ininom ang gamot)

Duktor: O eto na ang iyong doctor’s bill.

Pasyente: Ano ho ito? At sino ho kayo?

**********

Duktor: (Matapos i-test and vision ng pasyente) Wala namang diperensiya ang mata mo Hijo. 20/20 nga ang vision mo.

Pasyente: Pero Doc, sabi ng mga kaibigan ko nabubulag daw ako.

Duktor: Ah, meron din kaming lunas diyan: kontra-gayuma. Pero meron ding mas mura…….batok!

**********

Duktor: Hindi mabuti kung lagi mo na lang pinipigilan. Kahit ano pa man ang sabihin ng iba, mas giginhawa ka kung iyo na itong bibitiwan at papakawalan.

Pasyente: Pero Doc, hindi ko po talaga kaya.

Duktor: Kabag ang tinutukoy ko. Dapat itong pakawalan at iutot.

**********

Pasyente: Doc, ayaw ko na pong maging sanitary napkin.

Duktor: Huh? Anong ibig mong sabihin?

Pasyente: Kasi ginagawa lang akong panakip butas.

Duktor: Kahit ganyan ang kalagayan mo, taas noo pa rin. Dahil pwede pa rin “with wings.”

**********

Hanggang sa susunod na Hugot sessions na lang muli. Making Hugot like a Boss.

(*images from the web, all other materials are original)

Hugot Lines sa Quarantine

Halos tatlong buwan na po ang quarantine sa Pilipinas. Nabubuwang na ba kayo? Sige ituloy-tuloy na natin ang magpakabuwang. Heto po ang mga hugot lines sa quarantine:

Ang tagal na nitong quarantine, sana matapos na. Para makalabas na ako at magkita na ulit tayo. Pero ang masakit kahit wala ng quarantine, hindi ka pa rin akin, at wala pa ring tayo.

**********

Dahil po sa COVID-19 ay panatilihin lang nating dumistansiya. Lalo na kung hindi naman ikaw ang kanyang mahal.

**********

Ang tagal ko rin naghintay ng ayuda at ng mga relief goods. Pero buti pa ang ayuda, dumating kahit na nade-delay. Ang hinihintay kong pag-ibig, wala pa rin. Hanggang sa dulo na lang ng walang hanggan ako maghihintay.

**********

Sabi nila para makaiwas sa pagkalat ng corona virus ay magsuot ng mask kapag lalabas. Pero naiinggit ako sa mask mo, laging nakalapat sa iyong mga pisngi at nakadampi sa iyong mga labi. Sana ako na lang ang iyong mask.

**********

Payo nila lagi raw maghugas ng kamay o kaya ay magpahid ng alkohol. Diyan magaling yung mahal ko. Siya na nga ang may ginawang mali, naghuhugas kamay pa rin. Lagi na lang nagmamalinis.

**********

Ang tagal nang walang pasok. Miss na miss ko na ang classroom. Sa classroom may batas. Bawal lumabas, oh, bawal lumabas. Pero pag nag-comply ka……….teka, teka, iba na yata ‘yon. Sorry po.

Take two:

Ang tagal nang walang pasok. Kailan kaya ulit magkakapasok? Pero hindi na bale, lagi ka namang pumapasok sa aking alaala. Ako kaya, pumapasok din ba sa iyong isipan?

**********

Wala naman akong ubo. Wala rin akong lagnat. Wala naman akong virus at hindi rin naman siguro ako mukhang virus. Pero bakit lagi ka na lang umiiwas? Dinadahilan mo na lang lagi ang quarantine.

**********

Buti pa ang mga komunidad naka-lock down. Bakit ‘yung mahal ko, kami na nga pero hindi ko pa rin siya ma-lock down? Labas pa rin ng labas at panay pa rin ang papansin niya sa iba.

Champagnebloggen: 2008 Damien Hugot Millésime

Tulad ng champagne na ito, “Daming Hugot” pa. Hanggang sa susunod na lang ulit at sana makalaya na tayo sa hugot…..este, sa quarantine.

(*photo from the net)