Ang aking dalawang tiyahin na matagal nang naninirahan dito sa Amerika ay sabay na nagbalikbayan nitong Enero. Sila ang mga tumulong sa akin ng pinansiyal para ako ay makarating dito sa lupa ni Uncle Sam. Hindi lang mga kamag-anakan namin ang kanilang kinita sa Pilipinas, kundi binalikan din nila ang mga lugar kung saan sila lumaki.
Sila ay dumalaw sa probinsiyang kanilang tinubuan doon sa Norzagaray, Bulacan. Malapit ito sa paanan ng Sierra Madre, at naroon din ang Angat Dam.

Isang pook na kanilang pinasyalan ay ang ilog kung saan daw sila naliligo at naglalaro noong sila ay mga inosenteng musmos pa lamang. Dito rin sa ilog na ito, marahil lumalagi noon ang aking tatay na ngayon ay namayapa na. Dinala rin naman ako ng tatay ko sa lugar na ito noong kami ay bata pa. Hanggang ngayon ang Angat Dam ang isa sa pangunahing water supply ng Metro Manila.
Maraming kwento akong narinig mula sa ilog na ito. Sabi nila, may diwata raw na nakatira dito na nanguguha ng mga sawimpalad. Totoo naman at maraming mga kabataan na kahit pa magaling lumangoy ang inangkin ng ilog na ito. Sa mga hindi mapamanhiin at hindi naniniwala sa mga diwata, ang resonableng paliwanag kung bakit maraming mga nalulunod sa ilog na ito ay dahil may malakas itong “under current.” Dahil hinuhukay ang ilog upang kunan ng buhangin at bato para sa mga planta ng semento sa mga kapit-lugar doon, kaya’t naging butas-butas ang riverbed na sanhi ng marahas na agos na parang humihilang pailalim.
May mga panahon din na pinapakawalan ang tubig sa Angat Dam, lalo na kung bagyo o tag-ulan dahil sa takot na bumigay o umapaw ito. Aking natatandaan noong kami ay bata, may isang pagkakataon na nagpakawala ng tubig sa dam ng walang pabala kaya’t biglang bumaha sa mga karatig na pook. Naging lagpas bahay ang tubig at may mga kamag-anak kaming nasalanta nang sila’y tangayin ng rumaragasang tubig.
Pero kapag hindi bagyo, ay mahinahon lang ang agos ng ilog ng Norzagaray. Maraming tao ang doon ay naliligo, naglalaba, tumatambay, at nanghuhuli ng isda. May mga biya pa kayang nahuhuli sa ilog na ito ngayon?

Marahil napaka “nostalgic” para sa aking mga tiyahin nang sila ay lumusong sa ilog at damhin ang malamig at napakapreskong lumalagasgas na tubig habang kanilang sinasariwa ang umaagos na alaala ng kanilang kabataan. Maaaring kahit gaanong katagal ng panahon ang lumipas ay parang kahapon lamang nang sila ay nagtatampisaw pa sa lugar na ito.
Medyo nainggit ako sa aking mga tiyahin. Akin tuloy naisip na kung ako ay magbabalikbayan muli sa Pilipinas, dahil matagal-tagal na rin akong hindi nakakatungtung sa lupang sinilangan, ay dapat ko ring maranasan muli ang mga gawaing kinalakihan ko noon.
Dahil ako ay lumaki sa makipot na kalye ng lungsod ng Maynila at hindi na sa probinsiya, kailangan ko uling lumusong at magtampisaw sa sariwa at bagong buhos na…….baha!
************
(*photos borrowed from my aunt’s Facebook post)
Ang ganda! Once lang po ako nakadaan malapit jan nung bata pa po ako at nakakamiss yung malinis na simoy ng hangin, mga tunog ng kuliglig.
Hindi na tunog ng kuliglig ang namamayagpag ngayon doon, kundi tunog ng tricycle.
Hala! Magkababayan po pala tayo, Doc!
Kaya pala maganda pa rin ang inyong pananagalog kahit matagal na kayo diyan sa lupain ni Uncle Sam dahil kayo din pala ay taga-ilog.
Sana po ay magkita tayo kahit sandali lang, maski po doon sa daan papuntang Garay…masarap din po ang crispy pata doon!
Kapayapaan at pagpapala sa inyo!
Naalala ko lalabas kami ng Bocaue exit, tapos dadaan sa Santa Maria, tapos Pulong Buhangin, papuntang Garay. Saan po ba kayo sa Bulacan?
Taga Bocaue po ako; una at huling parokya na assignment ko po ay sa Bagbaguin, Sta. Maria… kaya malapit lamang po ang mga nabanggit ninyong barrio at bayan. Sana nga po ay magkita tayo kapag kayo ay nauwi muli.
Pahabol na joke: ano po ang tawag sa multo sa ilog? Agos.
Ano naman kapag mag-isa ka lang sa dagat? Alon
Beautiful scenery
Thanks.