I’m Writing a Book

After lengthy deliberation, I am finally taking the plunge.

slide.001

photo taken at Grand Canyon

 

No, not that plunge.

It’s time for a change. I am quitting my day job!

I am going to be a full-time writer!

I have decided that I will write a book. I have already in contract with Visprint, Inc., the publisher of the widely successful Bob Ong, author of “ABNKKBSNPLAko” and “Stainless Longganisa” among others.

Besides the articles that I have already written on this blog that will be adapted into a book (title: Ang Pagbibinata ng Butiking Walang Dingding), I will also venture on writing fictions.

Why fiction? What qualifications do I have to write this genre?

Consider my resumé:

1. Wrote a book report in high school about an obscure and unheard book, which of course I completely made up. I got an A for the report. Not bad, right?

2. Wrote a case study in Social Science while in college. It is about the struggles of a social deviant in our society, that I interviewed and followed. Except that, that person is non-existent. A fictitious character! I also got an A for it.

3. Published a research paper in medical school about the ill effects of holding a fart, and the benefit to health of letting your gas out unabashed. Of course, the science that back this study is full of air! Sorry for the pun, it is intended. The study was published in a major scientific paper.

So there, I’m fully qualified to be a fiction writer.

And lastly, this article is a just figment (though some may be true?) of my wild imagination.

Happy April Fool’s Day!

slide.001

photo taken at Madame Tussauds Wax Museum, Hollywood

 

Ang Paglipad ng Butiking Walang Dingding

Paano nga ba nakakagapang ang butiki sa dingding? Bakit kaya nitong maglakad ng patiwarik, kahit na sa kisame? Siguro hindi nila kilala si Isaac Newton at ang kanyang “Law of Gravity.” Hangga’t merong dingding, kaya nilang akyatin.

Ngunit paano kung wala nang dingding? Kaya ba nilang lumipad?

Naalala mo pa ba noong musmos ka pa? Tinanong mo ang mga tanong na ito. Marami ka pang ibang tanong, na hindi mo alam ang sagot, at hindi ka rin nila mabigyan ng sagot. Nagsawa na nga sila sa pagsagot sa makukulit mong tanong.

Naalala mo rin ba noong bata ka pa? May gusto kang maging, ngunit sabi ng iba ay imposibleng mangyari. May mga bagay na pinangarap mong gawin, ngunit sabi ng iba ay mahirap tuparin. May mga lugar na nais mong marating ngunit mahirap daw abutin.

Sa aking munting silid noon sa aming bahay sa Sampaloc Manila, ay maraming butiking bumibisita sa aking pag-iisa. Madalas ko silang pinapanood. Naaaliw at namamangha ako sa kanilang paglalakad sa dingding at kisame.

Doon din sa loob ng apat na dingding ng silid na iyon ay marami akong mga pangarap na hinabi. Ilan sa mga ito ay tunay na matayog. Hindi ko pinangarap na umakyat sa dingding. O sa kisame. Higit pa doon ang aking nais. Marami sa aking mga panaginip ay lagpas-lagpas sa hangganan ng aking maliit na kuwarto.

Isa sa mga poster na nakapaskil sa dingding ng aking silid noon ay ang larawan ng Grand Canyon ng Amerika. Sa larawan ay may isang tao na lumilipad (hang gliding) sa gitna ng kalawakan ng malalalim na bangin. Nakasulat sa poster na ito ay: You are only limited by the bounderies of your mind.

Ito ang naging hamon ng aking buhay. Walang kisame. Walang dingding.

Pagkaraan ng panahon, ay pinaglayag ko ang aking mga pangarap. Tunay nga na walang dingding ang hindi natin kayang buwagin. Walang kisameng hindi natin kayang abutin. Walang hangganan ang kaya nating marating.

Kaninang umaga, makalipas ang mahabang panahon ng paghahabol at pagsasakatuparan ng mga pangarap, at pagkalipas ng dalawampung taon kong paninirahan dito sa Amerika, ay narating ko rin sa wakas ang lugar na nagdulot sa akin ng malalim na inspirasyon.

Ako ay tumanaw sa kalawakan. Pumailanglang sa himpapawid. Walang kisame. Walang dingding.

slide.001

photo taken while soaring at 6000 feet above the canyon

(* More photos and stories of my visit to the Grand Canyon will be on a separate post.)

 

Butiking Walang Dingding

Noong isang gabi ay hindi ako dalawin ng antok. Dahil walang mga tupa na puwedeng bilangin, kaya’t pinagmasdan ko na lang ang aming kisame at nagbakasaling makakita ng butiking magpapatulog sa gising kong isip. Oo nga pala, walang butiki dito sa Iowa.

Bigla ko tuloy naalala noong ako’y bata pa, madalas kong panoorin ang mga butiking naglalamierda sa kisame ng aking kwuarto sa Sampaloc, habang ako’y naghihintay na dapuan ng antok.

butiking walang dingding

Ang aking silid sa aming bahay sa Maynila ay maliit lamang. Halos konti lang ang inilapad sa isang dipa ang kitid, at maaaring kulang naman sa dalawang dipa ang haba nito. Tama lang na magkasya ang isang munting kama, maliit na lamesita, at isang upuan. Kahit masikip ang aking kuwarto, ay sarili ko ito. Ito ang aking kapirasong paraiso.

Oo nga’t mala-bartolina ang sukat ng aking silid, ngunit malaya akong nakakalabas-pasok dito. Malaya rin ang pagmamahal na nararanasan ko dito at hindi tulad ng taong nakabartolina. May mga bintana ang aking kuwarto na nakadungaw sa masikip naming kalye. Dito sa mga bintanang ito kung saan madalas akong tumutunganga, at kung saan ko tinutunghayan ang mga naglalarong bata sa kalsada, mga naglalako ng taho, binatog at puto, o mga tricycle na dumadaan, o kaya naman ay ang aming maiingay na mga kapit-bahay.

Kahit pa masikip ang aking silid ay kumpleto ito sa libangan. Wala akong computer (hindi pa naiimbento noon) at wala ring TV, pero linagyan ko ito ng maliit na basketball goal sa itaas ng aking pintuan. Binaluktot na bakal, at net na taling plastic lamang ito, at kasya lang i-shoot ang tennis ball dito, ngunit sang katutak na saya na ang dulot nito. Kalaro ko ang aking anino at mga butiki. Kadalasan ay malakas ang mga kalabog kapag ako’y naglalaro, at paminsan minsa’y nasasaway pa ng aking nanay. Buti na lang at hindi ko tinatamaan ng bola ang fluorescent na ilaw sa kisame o jalousie sa bintana na maaring mabasag, kundi ay siguradong pingot ang aabutin ko.

Ang aking kama ay yari sa kahoy, at yantok na solea ang gitna nito. Banig ang aking inilalatag sa ibabaw noon kaya hindi mainit. At kahit maalinsangan ang mga gabi sa Maynila, ay presko pa rin sa aking maliit na silid, lalo na’t laging bukas ang aking mga bintana. Sa katre na ito, maraming mahimbing na pagtulog ang inilagi ko doon. Dito rin sa kamang ito ako humabi ng maraming mga panaginip. Ang ilan doon ay mga panaginip na ako’y gising.

Sa maliit na lamesita naman sa aking silid ay kung saan ako nag-aaral. Nagsimula sa pagbabasa ng ABaKaDa, hanggang sa World History, hanggang sa naging College Biology, at umabot sa Human Anatomy. Hindi human anatomy na nasa Playboy, kundi tunay na medical textbook. Paminsan-minsan ang aking “pinagaaralan” ay cartoons at comics. Dito sa lamesitang ito, ay maraming mga oras ng araw at gabi ang ginugol sa pagsusunog ng kilay (buti nga at may kilay pa akong natira), hanggang sa mga oras ng madaling araw na pati tindero ng balut ay natutulog na.

Sa aking dingding naman ay may mga nakapaskil na posters. Kahit idolo ko si Jaworski at pantasya ko naman si Phoebe Cates, ay hindi sila ang nakatambad sa aking dingding. Pinili ko ang mga poster na larawan ng magagandang lugar na may nakasulat na magandang mensahe. Ang paborito kong poster ay larawan ng isang taong lumilipad (hang gliding) sa gitna ng kalawakan ng Grand Canyon, tapos ang nakasulat ay: “You are only limited by the boundaries of your mind.” Pumaskil sa aking isipan ang mensaheng iyon at ito ang naging aking adhikain.

Grand Canyon

Makalipas ang maraming taon mula nang aking lisanin ang mga hangganan ng aking maliit na silid, ay masasabing malayo-layo na rin naman ang aking narating. Hindi ko ibig sabihin na malayo na ang aking tinitirahan ngayon, kundi malayo ang narating sa estado ng buhay. Bagama’t hindi ko pa nararanasan ang mag-hang gliding, at hindi ko pa rin napupuntahan ang Grand Canyon (alam kong makikita ko rin ito balang araw) na tulad nang nasa aking poster, ang akin namang naabot ay higit pa sa aking pinangarap.

Mga ilang taon matapos akong tumulak dito sa Amerika, ay ipinagbili ang aming bahay doon sa Maynila. Makakadalaw pa kaya o makakapasok pa kaya ako sa bahay na aking pinaglakihan? Nakalulungkot mang isipin na marahil ay hindi na muli ako makakatapak sa loob ng silid na naging saksi mula ng aking kamusmusan. May lumbay sa aking puso na maaaring hindi ko na masisilayan ang kisame na kung saan minsan sa aking kabataan ay aking tinititigan habang ako’y nananaginip ng gising.

Sino na kaya ang nakadungaw sa aking bintana? Sino na kaya ang inaaruga ng mga dingding ng aking munting silid? Sino na kaya ang nangangarap sa loob nito. May mga butiki pa rin kaya sa kisame siyang pinagmamasdan? Sana, tulad ko, ang mga panaginip na kanyang hinabi at pinangarap sa kuwartong iyon, ay matupad din sa pagdating ng panahon.

(* image of butiki from here; image of Grand Canyon from here)