Noong isang gabi ay hindi ako dalawin ng antok. Dahil walang mga tupa na puwedeng bilangin, kaya’t pinagmasdan ko na lang ang aming kisame at nagbakasaling makakita ng butiking magpapatulog sa gising kong isip. Oo nga pala, walang butiki dito sa Iowa.
Bigla ko tuloy naalala noong ako’y bata pa, madalas kong panoorin ang mga butiking naglalamierda sa kisame ng aking kwuarto sa Sampaloc, habang ako’y naghihintay na dapuan ng antok.
Ang aking silid sa aming bahay sa Maynila ay maliit lamang. Halos konti lang ang inilapad sa isang dipa ang kitid, at maaaring kulang naman sa dalawang dipa ang haba nito. Tama lang na magkasya ang isang munting kama, maliit na lamesita, at isang upuan. Kahit masikip ang aking kuwarto, ay sarili ko ito. Ito ang aking kapirasong paraiso.
Oo nga’t mala-bartolina ang sukat ng aking silid, ngunit malaya akong nakakalabas-pasok dito. Malaya rin ang pagmamahal na nararanasan ko dito at hindi tulad ng taong nakabartolina. May mga bintana ang aking kuwarto na nakadungaw sa masikip naming kalye. Dito sa mga bintanang ito kung saan madalas akong tumutunganga, at kung saan ko tinutunghayan ang mga naglalarong bata sa kalsada, mga naglalako ng taho, binatog at puto, o mga tricycle na dumadaan, o kaya naman ay ang aming maiingay na mga kapit-bahay.
Kahit pa masikip ang aking silid ay kumpleto ito sa libangan. Wala akong computer (hindi pa naiimbento noon) at wala ring TV, pero linagyan ko ito ng maliit na basketball goal sa itaas ng aking pintuan. Binaluktot na bakal, at net na taling plastic lamang ito, at kasya lang i-shoot ang tennis ball dito, ngunit sang katutak na saya na ang dulot nito. Kalaro ko ang aking anino at mga butiki. Kadalasan ay malakas ang mga kalabog kapag ako’y naglalaro, at paminsan minsa’y nasasaway pa ng aking nanay. Buti na lang at hindi ko tinatamaan ng bola ang fluorescent na ilaw sa kisame o jalousie sa bintana na maaring mabasag, kundi ay siguradong pingot ang aabutin ko.
Ang aking kama ay yari sa kahoy, at yantok na solea ang gitna nito. Banig ang aking inilalatag sa ibabaw noon kaya hindi mainit. At kahit maalinsangan ang mga gabi sa Maynila, ay presko pa rin sa aking maliit na silid, lalo na’t laging bukas ang aking mga bintana. Sa katre na ito, maraming mahimbing na pagtulog ang inilagi ko doon. Dito rin sa kamang ito ako humabi ng maraming mga panaginip. Ang ilan doon ay mga panaginip na ako’y gising.
Sa maliit na lamesita naman sa aking silid ay kung saan ako nag-aaral. Nagsimula sa pagbabasa ng ABaKaDa, hanggang sa World History, hanggang sa naging College Biology, at umabot sa Human Anatomy. Hindi human anatomy na nasa Playboy, kundi tunay na medical textbook. Paminsan-minsan ang aking “pinagaaralan” ay cartoons at comics. Dito sa lamesitang ito, ay maraming mga oras ng araw at gabi ang ginugol sa pagsusunog ng kilay (buti nga at may kilay pa akong natira), hanggang sa mga oras ng madaling araw na pati tindero ng balut ay natutulog na.
Sa aking dingding naman ay may mga nakapaskil na posters. Kahit idolo ko si Jaworski at pantasya ko naman si Phoebe Cates, ay hindi sila ang nakatambad sa aking dingding. Pinili ko ang mga poster na larawan ng magagandang lugar na may nakasulat na magandang mensahe. Ang paborito kong poster ay larawan ng isang taong lumilipad (hang gliding) sa gitna ng kalawakan ng Grand Canyon, tapos ang nakasulat ay: “You are only limited by the boundaries of your mind.” Pumaskil sa aking isipan ang mensaheng iyon at ito ang naging aking adhikain.
Makalipas ang maraming taon mula nang aking lisanin ang mga hangganan ng aking maliit na silid, ay masasabing malayo-layo na rin naman ang aking narating. Hindi ko ibig sabihin na malayo na ang aking tinitirahan ngayon, kundi malayo ang narating sa estado ng buhay. Bagama’t hindi ko pa nararanasan ang mag-hang gliding, at hindi ko pa rin napupuntahan ang Grand Canyon (alam kong makikita ko rin ito balang araw) na tulad nang nasa aking poster, ang akin namang naabot ay higit pa sa aking pinangarap.
Mga ilang taon matapos akong tumulak dito sa Amerika, ay ipinagbili ang aming bahay doon sa Maynila. Makakadalaw pa kaya o makakapasok pa kaya ako sa bahay na aking pinaglakihan? Nakalulungkot mang isipin na marahil ay hindi na muli ako makakatapak sa loob ng silid na naging saksi mula ng aking kamusmusan. May lumbay sa aking puso na maaaring hindi ko na masisilayan ang kisame na kung saan minsan sa aking kabataan ay aking tinititigan habang ako’y nananaginip ng gising.
Sino na kaya ang nakadungaw sa aking bintana? Sino na kaya ang inaaruga ng mga dingding ng aking munting silid? Sino na kaya ang nangangarap sa loob nito. May mga butiki pa rin kaya sa kisame siyang pinagmamasdan? Sana, tulad ko, ang mga panaginip na kanyang hinabi at pinangarap sa kuwartong iyon, ay matupad din sa pagdating ng panahon.
(* image of butiki from here; image of Grand Canyon from here)
*******
Post Note: Narating ko rin ang Grand Canyon, 2 taon matapos kong isulat ang akdang ito.
wahh simple pero may dating talaga itong pagbabalik-tanaw mo. parang “cinema paradiso” ang effect. at least when you look back masasayang alaala ang naiisip mo at kahit wala ka na roon, nasa mabuti ka namang kalagayan.
naku naisip ko daw, ang kuwarto ko ngayon. i know naman na hindi rin ako pang habang buhay dun. malagyan nga rin ng grand canyon. hohoho
mabuhay!
Sige lagyan mo rin ng poster ng Grand Canyon. Kung gusto mo poster pa ng buwan (talagang mas malayo at grande iyon).
Salamat sa pagdalaw at pagiwan ng pupu….este puna. 🙂
hello, pinoytransplant,
naaliw ako rito dahil nakita ko ang mga salitang katre, lamesita at oo, na-imagine ko ang itsura ng may labas ng inyong bintana sa sampaloc, haha. may ilan akong mga naging kaibigan na taga-ryan kaya, maski paano, pamilyar ang surroundings… ^^
aba’y wari nga ay malayo ang inabot ng iyong pagsusunog ng kilay, naman… maglalagay rin ako ng poster na ‘yan, ahaha. wala namang age limit, di ba. poster lang kasi ng mga batang naglalaro ang nasa amin no’n, e. saka no’ng dogs na nagbi-bilyar (sa sala ata namin ‘to nakalagay, barriotic na barriotic), hi, hi. ^^
kidding aside, nakakatuwa naman ang inabot mo, nakaka-inspire… hindi pa naman siguro late para mag-sipag at mangarap uli ng malaki. why not choc nut? regards! 🙂
Truly, no age limit. No time limit too. The only limit is the boundaries we place upon ourselves. Hindi tulad ng biyahe ng jeepney: may boundary. Sa kaya nating abutin, walang boundary. Sige, mangarap at magsipag lang. 🙂
Emo’s point of view…there comes a point in life where we get defined by the mistakes we made, with that being said boundaries in mind and in reality can arise taller than the great wall of China…. the endless, limitless possibilities become childhood fantasies, such are the unfortunate case of some, yet one has to make great effort to look at the free and brighter side of life and steadfastly avoid looking at the direction where walls and boundaries exist.
Nicely said.