Ang Paglipad ng Butiking Walang Dingding

Posted by

Paano nga ba nakakagapang ang butiki sa dingding? Bakit kaya nitong maglakad ng patiwarik, kahit na sa kisame? Siguro hindi nila kilala si Isaac Newton at ang kanyang “Law of Gravity.” Hangga’t merong dingding, kaya nilang akyatin.

Ngunit paano kung wala nang dingding? Kaya ba nilang lumipad?

Naalala mo pa ba noong musmos ka pa? Tinanong mo ang mga tanong na ito. Marami ka pang ibang tanong, na hindi mo alam ang sagot, at hindi ka rin nila mabigyan ng sagot. Nagsawa na nga sila sa pagsagot sa makukulit mong tanong.

Naalala mo rin ba noong bata ka pa? May gusto kang maging, ngunit sabi ng iba ay imposibleng mangyari. May mga bagay na pinangarap mong gawin, ngunit sabi ng iba ay mahirap tuparin. May mga lugar na nais mong marating ngunit mahirap daw abutin.

Sa aking munting silid noon sa aming bahay sa Sampaloc Manila, ay maraming butiking bumibisita sa aking pag-iisa. Madalas ko silang pinapanood. Naaaliw at namamangha ako sa kanilang paglalakad sa dingding at kisame.

Doon din sa loob ng apat na dingding ng silid na iyon ay marami akong mga pangarap na hinabi. Ilan sa mga ito ay tunay na matayog. Hindi ko pinangarap na umakyat sa dingding. O sa kisame. Higit pa doon ang aking nais. Marami sa aking mga panaginip ay lagpas-lagpas sa hangganan ng aking maliit na kuwarto.

Isa sa mga poster na nakapaskil sa dingding ng aking silid noon ay ang larawan ng Grand Canyon ng Amerika. Sa larawan ay may isang tao na lumilipad (hang gliding) sa gitna ng kalawakan ng malalalim na bangin. Nakasulat sa poster na ito ay: You are only limited by the bounderies of your mind.

Ito ang naging hamon ng aking buhay. Walang kisame. Walang dingding.

Pagkaraan ng panahon, ay pinaglayag ko ang aking mga pangarap. Tunay nga na walang dingding ang hindi natin kayang buwagin. Walang kisameng hindi natin kayang abutin. Walang hangganan ang kaya nating marating.

Kaninang umaga, makalipas ang mahabang panahon ng paghahabol at pagsasakatuparan ng mga pangarap, at pagkalipas ng dalawampung taon kong paninirahan dito sa Amerika, ay narating ko rin sa wakas ang lugar na nagdulot sa akin ng malalim na inspirasyon.

Ako ay tumanaw sa kalawakan. Pumailanglang sa himpapawid. Walang kisame. Walang dingding.

slide.001
photo taken while soaring at 6000 feet above the canyon

(* More photos and stories of my visit to the Grand Canyon will be on a separate post.)

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s