Lumutang sa Baha

Posted by

Nuong isang linggo ay bumaha sa aming basement. Pumalya ang aming sump pump, at kahit hindi malakas ang ulan ay lumubog sa tubig (hanggang sakong ang lalim) ang silong ng aming bahay. Hindi ko akalaing susundan pa rin ako ng baha, kahit wala na ako sa Maynila.

Dahil nakulob ang tubig at nababad sa tubig ang carpet, ay naging masangsang at nag-amoy basang sapatos ang aming bahay. Nagsimula nang amagin ang carpet at dingding. Akala ba ninyo, hopia lang ang inaamag? Kaya tinuklap ang carpet, at binakbak ang mga dingding at drywall sa aming basement. Isang malaking abala. At siyempre, gastos!

Ngunit matapos ang lahat, at akin itong mapagisip-isip, ay nagpapasalamat pa rin ako, hindi dahil sa baha, kundi sa aral na maaring maidulot ng karanasang ito. Basement lang ang inilubog ng baha, hindi ang aking pananaw. Meron nga bang leksiyon sa baha?

Sanay ako sa baha. Lumaki akong lumulusong at nagtatampisaw sa tubig baha ng Maynila. Konting ulan lang ay baha na sa aming lugar sa Sampaloc. Dahilan na rin sa ating kapabayaan at sa mga tinapong basurang bumabara sa mga kanal at estero kaya tayo binabaha. Sabi nga nila, “ang basurang itinapon mo, ay babalik sa iyo.” Dahil din sa patong-patong na pagtatambak at pag-eespalto sa kalsada, ay naging mas mataas na ang aming kalsada kaysa garahe at silong ng aming bahay. Kaya’t lalo nang pinapasok ng tubig ang mga bahay sa aming kalye.

Kahit hindi bagyo, mapalakas lang ng konti ang ulan, ay kadalasan hanggang binti o tuhod ang lalim ng baha sa amin. Minsan nga ay naging hanggang baywang pa ang lalim. Dapat sana ay nag-alaga na lang kami ng dalag o tilapia sa silong ng aming bahay, at pinagkakitaan pa namin.

Nuong ako’y nag-aaral na, ay masaya ako kapag baha na. Hindi sa dahil masaya ako kapag may inaanod na bahay, kundi dahil sa walang pasok ang eskwela. Kahit nuong ako’y nasa kolehiyo na, parating walang klase kami sa UST dahil madaling bahain ang Espanya. Sa katunayan, tawag namin kapag baha na ito ay Espanya river. May pagkakataon pang ako’y naglakad sa mga bahang kalsada mula UST hanggang sa amin sa Balik-Balik, dahil walang masakyang jeepney. (Wala ring bangka!) Buti naman at hindi ako nahulog sa mga walang takip na imburnal.

Nuong ako’y natutong mag-drive na ay tinangka ko rin gawing submarine ang kotse ng aking tatay. Ngunit ako’y itinirik nito sa gitna ng baha. Pumasok ang tubig sa loob ng kotse. Buti na lang at may mga mamang nagtulak sa aking lumubog na kotse. Ang pinagkaiba ko lang kay Christopher Lao, ay walang TV News crew na nakakita sa aking kabobohan.

Alam kong hindi lang mga maliliit na perwisyo ang sanhi ng baha. Maraming mga tao ang napipinsala nito. Inaanod ang mga ari-arian, pati na mga pangarap. Minsan pati buhay ay tinatangay nito.

During typhoon Ondoy in 2009

Ilang taon lang ang nakakalipas nuong kasagsagan ng bagyong Ondoy, ilan sa aming kamag-anak ang nakasama sa mga binaha. Isa sa aking tiyahin na nasa Marikina, ang kanilang buong bahay, hanggang bubong, ay lumubog sa tubig. Lumutang ang kanilang mga kasangkapan at wala silang gamit na naisalba. Ngunit sa kabila nito’y nagpapasalamat pa rin sila, dahil sila ay ligtas at buhay. Ito lang ay nagpapatunay na may mas mahalaga kaysa ating mga ari-arian. At tulad ng maraming taong nasakuna ng baha, sa kanilang patuloy na pagpupursigi at pagsisikap, sila ay muling nakaahon. Maraming dayuhan ang namangha na tayong mga Pinoy ay patuloy pa ring nakangiti sa kabila ng baha.

Oo nga, ang baha ay pumipinsala at nagpapahina sa mga haligi ng ating mga bahay at gusali, ngunit ito naman ay maaring magpatatag sa saligan ng ating pagtatalaga at determinasyon. Ito man ay nagtatangay ng ating mga yaman at pag-aari, ngunit ito rin ay maaring magpunla at mag-ugat sa ating pagtitiwala at pananampalatayang tayo ay babangon muli.

Hindi kayang ilubog ng baha ang lumulutang na pag-asa.

4 comments

  1. Sa Algeciras naman kami noon. Naalala ko pa na yung kotse sa kapitbahay namin ay inilalagay sa mataas na puwesto ng harap ng bahay upang di abutin ng baha. Oo tama ka sana maging di na uso ang baha pagdating ng araw sa Maynila.

  2. Hindi ko sukat akalain na hanggang dyan e mararanasan mo pa rin ang baha. Siguro nga, dahil sa sinasabi na ang baha ay hanggang sa wakas ng panahon. Naranasan namin ang Ondoy na abutin ng hanggang alas 9 ng gabi na lubog ang sasakyan sa bawat daanan. Sabado kasi naganap noon at ang fellowship namin ay ginanap sa outdoor kaya pag-uwi lubog lahat ng daan.

    Maganda ang sanaysay mo bayaw.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s