Sa Ilalim ng Buwan

Posted by

“O maliwanag na buwan,
Nakikiusap ako,
Ang aking minamahal,
Sana ay hanapin mo.”  – Filipino Folk Song by Levi Celerio

Isang gabing bilog ang buwan, ako ay lumabas at naupo sa aming bangko, doon sa harap ng aming bahay. Sa halip na ilaw ng poste ng Meralco, ay liwanag ng buwan ang tumatanglaw sa aking buong kapaligiran. Maaaninag din ang mangilan-ngilang bituin na kumikinang, kahit pa nasasapawan ang kanilang ningning ng maliwanag na buwan. Hindi mga dikit-dikit na bahay at lupon ng mga taong tambay ang aking tanaw kundi malawak na bakanteng lupain at mga punong kumakaway, ang sa akin ay nakatambad.

nagbibilad sa liwanag ng buwan (photo taken of the Supermoon 5/5/12)

Ibang iba na nga ang aking paligid, kumpara sa kinamulatan kong tahanan doon sa Sampaloc.

Imbes na maalinsangan na ihip ng hangin ng Maynila, ay malamig at sariwang simoy ng bukid ng Iowa ang humihimas sa aking buhok (may natira pa naman), mukha, at mga braso. Hindi masangsang na singaw ng nakaimbak na basurang hindi nakokolekta ang aking naaamoy, kundi samyo ng lilac at halimuyak ng bagong tabas na damo. (Hindi damo na sinisinghot ang aking tinutukoy.) Pero kung minsan ay nalalanghap ko rin ang hindi makakailang amoy ng mga baka at kabayo sa hindi kalayuang lugar mula sa aming bahay.

Hindi mga nag-kakaraoke na nag-iinuman sa kanto ang gumagambala sa himig ng gabi, kundi mga palakang naghaharana ang aking naririnig, habang  sumasabay din ang mga kuliglig sa kanilang pagawit. Hindi rin sigaw ng naglalako ng balut, kung hindi hiyaw ng kuwago ang paminsan-minsang bumabasag sa katahimikan ng aking madilim na paligid. Pero sana nga may mag-babalut na maligaw dito…….. Ipagpaumanhin ninyo, naiba ako.

Walang mga lasing na sumusuray-suray na dumadaan sa aming kalye, kundi mga alitaptap ang mga kumukuti-kutitap na nagsasayaw sa aking bakuran. (Meron ding “Alitaptap” doon malapit sa amin sa Sta. Mesa, na “patay-sindi” ang ilaw – pero ito ay beerhouse.) Walang mga tricycle na umaarangkada kahit malalim na ang gabi, kundi mga racoon at usa ang paminsan-minsa’y tumatawid sa aming walang kibo na lansangan.

Bilog na naman ang buwan. Alam kong maraming mga magkasintahan ang magkasama at nagbibilad sa liwanag ng buwan. Sila ay magkahawak kamay…..nangangarap…..nagsusumpaan…… sa ilalim ng buwan. Marami rin ang nabibigo, nababaliw, at sinusumpa ang buwan.

Nuong minsan, maraming taon na ang nakalilipas, ay dumadayo ako doon sa may Metrica, na bahagi pa rin ng Sampaloc. Dinadalaw ko doon ang isang magandang binibini. Hindi ko inaalintana ang mga panganib sa dilim ng gabi, dahil sa pagnanais kong makita ang dilag na naroon. Walang tambay, lasing, adik, trapik, prosisyon, mga demonstrador, brownout, ulan, bagyo, baha ang nakakaawat sa aking pagbisita sa magandang dalaga. May buwan man o wala.

Minsan din sa liwanag ng gabi…… sa lilim ng mga yero, linya ng Meralco, at mga sampayan doon sa Sampaloc……..sa magulo at masikip na kalye ng Metrica….. habang ang aming pabulong na usapan ay nilulunod ng ingay ng masalimuot na siyudad ng Maynila……doon kami ay minsan ding nangarap at nagsumpaan……..sa ilalim ng buwan.

Ano na ang nangyari sa magandang binibini doon sa Metrica? Narito, akin nang kaulayaw sa aming matahimik na lugar dito sa Iowa. Kasama ng aming mga anak. Sa ilalim ng buwan.

lover’s moon

2 comments

  1. may binatang minsang namamaybay ng daan
    liwanag ng buwan ang kanyang tanglaw
    sisilip, huhunta – sa dilag na mahal
    hihilinging sana, sa panghabambuhay
    siya at syia lamang ang makaulayaw. 😉

    happy mother’s day sa misis nyo, dok PT! regards… 🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s