Sa Ilalim ng Buwan

“O maliwanag na buwan,
Nakikiusap ako,
Ang aking minamahal,
Sana ay hanapin mo.”  – Filipino Folk Song by Levi Celerio

Isang gabing bilog ang buwan, ako ay lumabas at naupo sa aming bangko, doon sa harap ng aming bahay. Sa halip na ilaw ng poste ng Meralco, ay liwanag ng buwan ang tumatanglaw sa aking buong kapaligiran. Maaaninag din ang mangilan-ngilang bituin na kumikinang, kahit pa nasasapawan ang kanilang ningning ng maliwanag na buwan. Hindi mga dikit-dikit na bahay at lupon ng mga taong tambay ang aking tanaw kundi malawak na bakanteng lupain at mga punong kumakaway, ang sa akin ay nakatambad.

nagbibilad sa liwanag ng buwan (photo taken of the Supermoon 5/5/12)

Ibang iba na nga ang aking paligid, kumpara sa kinamulatan kong tahanan doon sa Sampaloc.

Imbes na maalinsangan na ihip ng hangin ng Maynila, ay malamig at sariwang simoy ng bukid ng Iowa ang humihimas sa aking buhok (may natira pa naman), mukha, at mga braso. Hindi masangsang na singaw ng nakaimbak na basurang hindi nakokolekta ang aking naaamoy, kundi samyo ng lilac at halimuyak ng bagong tabas na damo. (Hindi damo na sinisinghot ang aking tinutukoy.) Pero kung minsan ay nalalanghap ko rin ang hindi makakailang amoy ng mga baka at kabayo sa hindi kalayuang lugar mula sa aming bahay.

Hindi mga nag-kakaraoke na nag-iinuman sa kanto ang gumagambala sa himig ng gabi, kundi mga palakang naghaharana ang aking naririnig, habang  sumasabay din ang mga kuliglig sa kanilang pagawit. Hindi rin sigaw ng naglalako ng balut, kung hindi hiyaw ng kuwago ang paminsan-minsang bumabasag sa katahimikan ng aking madilim na paligid. Pero sana nga may mag-babalut na maligaw dito…….. Ipagpaumanhin ninyo, naiba ako.

Walang mga lasing na sumusuray-suray na dumadaan sa aming kalye, kundi mga alitaptap ang mga kumukuti-kutitap na nagsasayaw sa aking bakuran. (Meron ding “Alitaptap” doon malapit sa amin sa Sta. Mesa, na “patay-sindi” ang ilaw – pero ito ay beerhouse.) Walang mga tricycle na umaarangkada kahit malalim na ang gabi, kundi mga racoon at usa ang paminsan-minsa’y tumatawid sa aming walang kibo na lansangan.

Bilog na naman ang buwan. Alam kong maraming mga magkasintahan ang magkasama at nagbibilad sa liwanag ng buwan. Sila ay magkahawak kamay…..nangangarap…..nagsusumpaan…… sa ilalim ng buwan. Marami rin ang nabibigo, nababaliw, at sinusumpa ang buwan.

Nuong minsan, maraming taon na ang nakalilipas, ay dumadayo ako doon sa may Metrica, na bahagi pa rin ng Sampaloc. Dinadalaw ko doon ang isang magandang binibini. Hindi ko inaalintana ang mga panganib sa dilim ng gabi, dahil sa pagnanais kong makita ang dilag na naroon. Walang tambay, lasing, adik, trapik, prosisyon, mga demonstrador, brownout, ulan, bagyo, baha ang nakakaawat sa aking pagbisita sa magandang dalaga. May buwan man o wala.

Minsan din sa liwanag ng gabi…… sa lilim ng mga yero, linya ng Meralco, at mga sampayan doon sa Sampaloc……..sa magulo at masikip na kalye ng Metrica….. habang ang aming pabulong na usapan ay nilulunod ng ingay ng masalimuot na siyudad ng Maynila……doon kami ay minsan ding nangarap at nagsumpaan……..sa ilalim ng buwan.

Ano na ang nangyari sa magandang binibini doon sa Metrica? Narito, akin nang kaulayaw sa aming matahimik na lugar dito sa Iowa. Kasama ng aming mga anak. Sa ilalim ng buwan.

lover’s moon

Butiking Walang Dingding

Noong isang gabi ay hindi ako dalawin ng antok. Dahil walang mga tupa na puwedeng bilangin, kaya’t pinagmasdan ko na lang ang aming kisame at nagbakasaling makakita ng butiking magpapatulog sa gising kong isip. Oo nga pala, walang butiki dito sa Iowa.

Bigla ko tuloy naalala noong ako’y bata pa, madalas kong panoorin ang mga butiking naglalamierda sa kisame ng aking kwuarto sa Sampaloc, habang ako’y naghihintay na dapuan ng antok.

butiking walang dingding

Ang aking silid sa aming bahay sa Maynila ay maliit lamang. Halos konti lang ang inilapad sa isang dipa ang kitid, at maaaring kulang naman sa dalawang dipa ang haba nito. Tama lang na magkasya ang isang munting kama, maliit na lamesita, at isang upuan. Kahit masikip ang aking kuwarto, ay sarili ko ito. Ito ang aking kapirasong paraiso.

Oo nga’t mala-bartolina ang sukat ng aking silid, ngunit malaya akong nakakalabas-pasok dito. Malaya rin ang pagmamahal na nararanasan ko dito at hindi tulad ng taong nakabartolina. May mga bintana ang aking kuwarto na nakadungaw sa masikip naming kalye. Dito sa mga bintanang ito kung saan madalas akong tumutunganga, at kung saan ko tinutunghayan ang mga naglalarong bata sa kalsada, mga naglalako ng taho, binatog at puto, o mga tricycle na dumadaan, o kaya naman ay ang aming maiingay na mga kapit-bahay.

Kahit pa masikip ang aking silid ay kumpleto ito sa libangan. Wala akong computer (hindi pa naiimbento noon) at wala ring TV, pero linagyan ko ito ng maliit na basketball goal sa itaas ng aking pintuan. Binaluktot na bakal, at net na taling plastic lamang ito, at kasya lang i-shoot ang tennis ball dito, ngunit sang katutak na saya na ang dulot nito. Kalaro ko ang aking anino at mga butiki. Kadalasan ay malakas ang mga kalabog kapag ako’y naglalaro, at paminsan minsa’y nasasaway pa ng aking nanay. Buti na lang at hindi ko tinatamaan ng bola ang fluorescent na ilaw sa kisame o jalousie sa bintana na maaring mabasag, kundi ay siguradong pingot ang aabutin ko.

Ang aking kama ay yari sa kahoy, at yantok na solea ang gitna nito. Banig ang aking inilalatag sa ibabaw noon kaya hindi mainit. At kahit maalinsangan ang mga gabi sa Maynila, ay presko pa rin sa aking maliit na silid, lalo na’t laging bukas ang aking mga bintana. Sa katre na ito, maraming mahimbing na pagtulog ang inilagi ko doon. Dito rin sa kamang ito ako humabi ng maraming mga panaginip. Ang ilan doon ay mga panaginip na ako’y gising.

Sa maliit na lamesita naman sa aking silid ay kung saan ako nag-aaral. Nagsimula sa pagbabasa ng ABaKaDa, hanggang sa World History, hanggang sa naging College Biology, at umabot sa Human Anatomy. Hindi human anatomy na nasa Playboy, kundi tunay na medical textbook. Paminsan-minsan ang aking “pinagaaralan” ay cartoons at comics. Dito sa lamesitang ito, ay maraming mga oras ng araw at gabi ang ginugol sa pagsusunog ng kilay (buti nga at may kilay pa akong natira), hanggang sa mga oras ng madaling araw na pati tindero ng balut ay natutulog na.

Sa aking dingding naman ay may mga nakapaskil na posters. Kahit idolo ko si Jaworski at pantasya ko naman si Phoebe Cates, ay hindi sila ang nakatambad sa aking dingding. Pinili ko ang mga poster na larawan ng magagandang lugar na may nakasulat na magandang mensahe. Ang paborito kong poster ay larawan ng isang taong lumilipad (hang gliding) sa gitna ng kalawakan ng Grand Canyon, tapos ang nakasulat ay: “You are only limited by the boundaries of your mind.” Pumaskil sa aking isipan ang mensaheng iyon at ito ang naging aking adhikain.

Grand Canyon

Makalipas ang maraming taon mula nang aking lisanin ang mga hangganan ng aking maliit na silid, ay masasabing malayo-layo na rin naman ang aking narating. Hindi ko ibig sabihin na malayo na ang aking tinitirahan ngayon, kundi malayo ang narating sa estado ng buhay. Bagama’t hindi ko pa nararanasan ang mag-hang gliding, at hindi ko pa rin napupuntahan ang Grand Canyon (alam kong makikita ko rin ito balang araw) na tulad nang nasa aking poster, ang akin namang naabot ay higit pa sa aking pinangarap.

Mga ilang taon matapos akong tumulak dito sa Amerika, ay ipinagbili ang aming bahay doon sa Maynila. Makakadalaw pa kaya o makakapasok pa kaya ako sa bahay na aking pinaglakihan? Nakalulungkot mang isipin na marahil ay hindi na muli ako makakatapak sa loob ng silid na naging saksi mula ng aking kamusmusan. May lumbay sa aking puso na maaaring hindi ko na masisilayan ang kisame na kung saan minsan sa aking kabataan ay aking tinititigan habang ako’y nananaginip ng gising.

Sino na kaya ang nakadungaw sa aking bintana? Sino na kaya ang inaaruga ng mga dingding ng aking munting silid? Sino na kaya ang nangangarap sa loob nito. May mga butiki pa rin kaya sa kisame siyang pinagmamasdan? Sana, tulad ko, ang mga panaginip na kanyang hinabi at pinangarap sa kuwartong iyon, ay matupad din sa pagdating ng panahon.

(* image of butiki from here; image of Grand Canyon from here)

*******

Post Note: Narating ko rin ang Grand Canyon, 2 taon matapos kong isulat ang akdang ito.