Malayo Pa Ang Umaga

Posted by

Dito sa dako ng mundong kinaroroonan ko ngayon (sa northern hemisphere), dahil pumapasok na ang tag-ginaw, ay maikli na ang oras ng liwanag at mahaba na naman ang gabi. Hindi tulad sa Pilipinas, dahil malapit ito sa equator, halos parehas lang ang haba ng araw at ng gabi sa buong taon. Pero ibang haba ng gabi ang aking tatalakayin sa sulating ito.

Bata pa akong paslit noon, nang pinadagdagan ng isang kwarto ang aming munting bahay sa Maynila. Maliit man ang kwarto na ibinigay sa akin ay sarili ko naman iyon. Mahigit lang ng konti sa isang dipa ang kitid, pero malawak na iyon para sa akin. Katunayan, may maliit pa akong basketball goal doon. Iyon ang unang pagkakataon na matulog akong mag-isa.

May isang gabi akong natatandaan, na hindi ako dapuan ng antok. Dahil sa madilim at mapanglaw ang gabi, ay pumunta ako sa kwarto ng aking nanay at tatay. Matapos akong patahanin ng aking nanay, ay pinabalik na akong muli sa aking sariling silid. Sa aking pag-iisa, totoong naramdaman ko noon na napakahaba ng gabi. Nang kapanahunang iyon, hindi pa naisusulat ni Rey Valera ang kantang “malayo pa ang umaga.”

Fast forward natin ang kwento ng mga ilang taon. Unang salta ako dito sa Amerika. Kauna-unahang pagkakataon na totoo akong mapalayo sa aking pamilya. Ang pinakamalapit na kamag-anak ay libo-libong milya ang layo sa aking kinalalagyan. Hindi lang pamilya, kundi iniwan ko rin ang aking nobya sa Pilipinas noon. Tunay na ako ay mag-isa na.

Mga ilang araw pa lang ako sa Amerika galing Pilipinas (may jet-lag pa), ay nasabak na agad sa trabaho. Ayos lang dahil iyon naman talaga ang ipinunta ko rito, para mag-training at mag-hanapbuhay. Sabihin na natin na maganda ang aking edukasyon mula sa UST at St. Luke’s, pero iba pa rin ang sistema sa ibang bansa.

Ang kauna-unahang rotation ko bilang medical intern ay night float (pang-gabi).  Ang oras ng night float rotation ay mula 10 PM hanggang 7 AM. Lahat ng pangangailangan sa ospital, maliit man o malaki, ay ako ang unang tawag. Kapag hindi makatulog ang pasyente, o sumasakit ang tiyan, o may chest pain, o kaya’y hindi makahinga ang pasyente, ako ang unang tinatawag. Siyempre may back-up pa ring mga duktor kung kinakailangan. Ngunit bilang intern, ako ang unang sundalong susugod sa guerra, ika nga.

Hindi tulad kapag pang-araw, maraming mga co-interns, senior residents, at mga attending physicians na kasama mo at madaling mapagtatanungan, kung hindi mo alam ang gagawin. Kapag night float, ikaw ang naiiwang bantay na lumalaboy-laboy sa ospital, habang ang lahat ay natutulog. Parang “you against the world,” ang pakiramdam.

Nang kapanahunang iyon, naho-homesick na ako, nangangapa pa (hindi dahil sa madilim kundi dahil baguhan pa sa sistema) at wala pang alam, nag-iisa pa sa trabaho, baligtad pa ang oras ng aking tulog at gising – doon ko na naranasan na tunay na ako ay nag-iisa. Idagdag pa dito ang mga isipan na hindi ko alam ang magiging bukas sa bagong yugto ng buhay na ito, kaya’t aking nasasaloob na napakahaba ng gabi.

Bilang night float, ay aking inaabangan ang pagdating ng umaga at ang ang pagsikat ng araw. Sapagkat ito’y nangangahulugang tapos na ang aking mahirap na duty, at nariyan na ang aking relyebo. Ngunit maraming pagkakataon noon, sa malamlam na gabi ay aking inaawit: malayo pa ang umaga.

Hindi ako makapaniwala, dalawampung taon na pala ang nakalipas mula noon.

Totoo nga’t marami pang yugto ng buhay na madilim at mahirap na akin pang pinagdaanan mula nooon. Oo nga’t may mga panahon pa rin ngayon na aking nasasaisip na malayo pa ang umaga, lalo na’t busy sa gabi na ako’y on-call. Oo nga’t humahaba ang gabi sa aking kinaroroonan ngayon habang papalapit na ang winter’s solstice. Ngunit hindi na ako nalulungkot. Hindi na ako nangangamba sa dilim. Hindi na ako nababahala kung ano ang hatid ng bukas. Hindi na rin ako nag-iisa, kapiling ko na ang aking asawa (dati kong nobya), at mga anak.

Sa mga nagpapagal sa mahabang gabi (hindi lang sa mga night shift workers); sa mga nag-iisa, nangungulila at malayo sa pamilya (hindi lang sa mga OFW); sa mga nangangapa sa dilim at nag-aalala kung ano ang hatid ng bukas; sa lahat ng dumaranas na “malayo pa ang umaga,” maging fans man o hindi ni Rey Valera – tayo’y manalig na kahit malayo pa, ay sigurado namang darating din ang umaga.

photo-5
bukang liwayway sa aming tirahan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s