Naaalala mo pa ba noong ikaw ay bata pa, bigla ka na lang kukutusan ng iyong kalaro sabay sigaw ng “Pendong, may kalbo!” Hindi ka makapalag at makaganti dahil siya ay naka-“peace sign” na. Wala kang magawa kundi sisihin na lang ang dumadaang kalbo kaya ka nabatukan.
Kung saan nagmula ang katuwaang ito ay hindi ko alam. Ang alam ko lang ay sa ating kultura, o maging sa ibang lahi din, ay palasak ang hamakin ang mga taong kalbo o nakakalbo.
Sa katunayan marami akong alam na tawag sa mga kalbo. Narito ang mga bansag natin sa kanila:
Bokal – (salitang Noy-pi)
Panot – “bili na kayo ng panot penoy!”
Kojak – isang palabas noong 1970’s na ang bida ay kalbo na si Telly Savalas
Pepito – kasi pipito na lang ang buhok
Arabo – dahir ara-buhok
Shaggy – sha-gilid na lang ang buhok
HIV – hair is vanishing
Topgun – the top is gone
BMW – buhok mo wig
Marami rin akong alam na joke tungkol sa kanila:
Ano ang matamis sa kalbo? Panutcha
Saan naligo ang kalbo? Sa bukal ng nayon.
Anong ginamit na sabon ng kalbo? Siyempre pa, Mr. Clean.
Bakit nga ba tinatawanan ang mga taong walang buhok? Hindi rin nakatulong na noong bata ako, ay maraming mga komedyanteng kalbo, tulad ni Mang Pugo, si Pugak, at si Pipoy. Hanggang tampulan ng tukso o pagpapatawa na lang ba ang silbi ng mga kalbo?
Kung inyong tatanungin kung bakit marami akong alam tungkol sa panunukso sa mga kalbo, ay sa dahilan kasama ako sa nanunukso noon. Hanggang sa nagbago ang alon ng tadhana at ako ay napatianod sa kabilang pampang.
Ako na ngayon ang tinutukso. Ako na ngayon ang Shaggy. Hindi pa naman ako Pepito, dahil higit pa naman sa pito ang aking buhok.
Ano nga ba ang sanhi ng pagkakalbo?
Tayo ay may 100,000 hanggang 150,000 na buhok sa ating ulo. Sa isang araw ay mga 50 – 100 na buhok ang nalalagas sa atin, ngunit ito ay normal lang. Kapag mas marami ang nalalagas kaysa tumutubo, ang tao’y nakakalbo. Simpleng matematika.
Maraming sanhi ng pagkakalbo, ngunit ang pinaka malimit ay ang tinatawag na male-pattern baldness. Ito ay hereditary o namamana. Ngunit bago ka magalit sa iyong tatay, ay sisihin mo lalo ang iyong nanay.
Sa mga naunang pagsasaliksik, ang gene na kinikilala na sanhi ng pagkakalbo ay natagpuan sa X-chromosome (lahat tayo merong X-chromosome, hindi lang mga X-men). Ibig sabihin, kung ikaw ay lalaki, minana mo ang gene na ito sa iyong nanay.

Subalit may mga bagong pag-aaral na hindi lang sa X-chromosome, kundi may iba pang genes sa ibang chromosomes na sanhi ng pagkakalbo. Kaya’t maaring galing ang katangiang ito sa iyong nanay o tatay. Sa madaling salita marami pang pag-aaral ang kinakailangan para tuluyan nating maintidihan ang genetics ng pagkakalbo.
Kung ikaw ay kasama sa mga kalbo o nakakalbo, sa halip na sisihin mo ang iyong nanay at tatay, pati na ng iyong buong angkan, ay iyo na lang pasalamatan ang mga benepisyo nito. Tulad ng:
1. Tipid sa shampoo, conditioner at gel.
2. Malaking bawas sa haba ng grooming time, dahil hindi mo na kailangang magpatuyo ng buhok o magayos ng buhok.
3. Hindi mo na rin kailangang magbaon o magsuksok ng suklay sa iyong bulsa.
4. Hindi mo na problema ang balakubak at kuto.
5. At kung ikaw ay nakatulog sa trabaho, at biglang dumating ang iyong boss – aayusin mo na lang ang iyong kurbata, pupunasan ang iyong tumulong laway, ngunit hindi mo na kailangang magsuklay.
Para naman sa mga hindi kalbo, hinay-hinay lang ang paglait baka balang araw ikaw rin ay makalbo. Isipin mo na rin na ang mga kalbo ay tao na may damdamin ding nasasaktan. At ang halaga ng tao ay wala sa dami ng buhok sa kanyang ulo. Wala rin ito sa tangos ng ilong, o kulay ng balat.
Sa kabilang banda, hindi rin mababase ang kabutihan ng tao sa kinis ng kanyang anit, kundi nasa sa linis ng kanyang budhi.
Para sa akin, ay natanggap ko na naman ang aking “makintab” na kapalaran. At walang rin akong balak na takpan o itago ng wig o toupee ang kumikinang na katotohanan.
Hindi ko na rin alintana ang pagiging Topgun, dahil sa aking propesyon, ito ay nangangahulugang ako ay hinog na sa gulang, at masasabing bihasa na at marami nang karanasan. Kaya sa pagkaubos ng aking buhok, kapalit naman nito ay paglago ng respeto.
At kahit nakakalbo, ang mahalaga ay mahal pa rin ako ng aking asawa. Nakatulong din na idol niya si Bruce Willis, kaya’t sa paglipas ng panahon ay lalo pa akong gumagwapo.
At para sa aking mga anak, hindi mahalaga kung ako’y may buhok o wala. Mas maraming importanteng bagay sa mundo, kesa sa bumbunang hitik ng buhok. Huwag lang sana nila akong sisihin pagdating ng araw, kung sila’y makalbo na rin.
Turuan ko rin kaya sila ng ating Pilipino nursery rhyme: “Isa, dalawa, tatlo, ang tatay mong kalbo!”