Pasko sa Talyer

Posted by

Disyembre 25, araw ng Pasko. Ako ay nakaupo sa isang kahoy na bangko. Sa paligid ko ay grasa, mga lumang gulong, kalas-kalas na makina ng kotse, at kalat-kalat na kasangkapang pang-mekaniko.

Ako ay nasa loob ng talyer.

Ano kamo ang ginagawa ko sa talyer sa mismong araw ng Pasko? Naghihintay! Hindi kay Santa Claus, kundi sa aming sasakyan na nasira. Ito ang aking kwento…..

Matapos ang maraming taon na lumagi sa Amerika, at matapos maranasan ang maraming “White Christmas,” kami ng aming pamilya ay umuwi upang mag-Pasko sa Pilipinas. Mula sa Maynila ay umarkila kami ng van upang dumalaw sa aming mga kamag-anak sa Ilocos Norte at Ilocos Sur.

IMG_1644

Pagkatapos naming mag-celebrate ng bisperas ng Pasko at makipag-Noche Buena sa Vigan, kami ay dapat magbibyaheng pabalik sa Maynila upang doon naman magdiwang ng araw ng Pasko kasama ng mga kamag-anak at kaibigan sa Metro Manila.

Ngunit napurnada ang aming plano. Nasira ang aming arkiladong sasakyan. May tumutulo sa ilalim ng makina. May butas daw sa karburador ng aming van.

Ginalugad namin ang buong Vigan upang humanap ng bukas na talyer, ngunit lahat ng aming puntahan ay sarado. Sino nga bang kumag ang gustong magtrabaho ng Pasko?

Naalala ko tuloy si Jose at si Maria na malapit nang manganak, noong kauna-unahang Pasko, sila ay naghahanap ng silid na matutuluyan doon sa bayan ng Bethlehem, ngunit wala silang nakita kundi isang kuwadra. Mapalad nga kami mayroon kaming tinulugan at talyer lang ang aming kailangan.

IMG_1715

Matapos naming puntahan ang apat o limang service station at talyer, ay nakatagpo rin kami ng isang lugar na pumayag na kami ay pagsilbihan.

Sumalubong sa amin sa pinto ng talyer ay isang babaeng may kargang bata. Sabi niya ay may binili lang sa palengke ang kanyang mister, na siyang mekaniko doon sa naturang talyer.

Hindi nagtagal ay dumating na ang isang mamang nakamotorsiklo. Siya ay may bitbit na kalahating isda na lapu-lapu at iba pang rekado. Siya ang aming hinihintay na mekaniko. Pagkatapos niyang iabot ang mga pinamili sa kanyang maybahay, kami ay kanyang malugod na hinarap at inasikaso.

Hindi rin nagtagal ay sinumulan na niyang buting-tingin ang aming sirang sasakyan. Walang makikitang bahid ng pagkabugnot si manong. Sa katunayan ganado at pasipol-sipol pa ito sa paggawa, kahit amin siyang binulabog sa araw ng Pasko.

Lumipas ang isa…..dalawa…..tatlo……apat na oras……patuloy pa rin sa mano-manong pagkukumpuni ang aming mekaniko. Hindi pa rin tapos ang aming sasakyan. Hindi “White Christmas” kundi “Wait Christmas” ang nangyari sa amin.

IMG_1757

Aaminin ko, ako ay nayamot sa kakahintay. Hindi lang siguro yamot kundi galit pa ang sumagi sa aking isip. Bakit ba nabutas ang hinayupak na karburador? Hindi ko kailangan ito! Hindi ako naglakabay ng malayo, lumipad ng eroplano, tumawid ng dagat upang mag-Pasko lamang sa talyer!

Ngunit may leksiyon yatang nais ipahatid sa akin ang Diyos sa Paskong ito.

Sa aking paghihintay, ay wala akong ibang libangan kundi magmasid sa loob ng talyer. Sa isang sulok ng talyer ay isang maliit na silid na mahigit lamang sa isang dipa ang luwag. Dito marahil nakatira ang pamilya ng aming mekaniko. Sila ay may dalawang anak. Tunay na masikip at halos kasya lang silang apat matulog doon.

Ang nakatatandang batang babae, ay marahil apat o limang taong gulang. Madusing ang kanyang kasuotan, ngunit masaya itong naglalaro sa loob ng talyer, sa gitna ng lupa at grasa. Matahimik itong gumigiling-giling sa sariling niyang tugtog at himig. Siya ay kontento sa maliit niyang mundo. Alam kaya niyang Pasko ngayon? Meron kaya siyang pamaskong natanggap?

Ang bunso naman ay halos sanggol pa lang, ay natutulog sa nakalatag na banig sa munting silid. Si Santa Claus at mga lumilipad na reindeers kaya ang kanyang panaginip? O baka naman lumilipad na ipis? Ano naman rin kaya ang napamaskuhan nito?

IMG_1661

Habang nagtratrabaho si mister sa aming van, ay nagluluto naman si misis sa kabilang sulok ng talyer. Marahil ang kalahating lapu-lapung binili sa palengke ang kanilang pagsasalu-saluhan sa Paskong ito. Meron din naman silang konting buko salad na nasa maliit na tupperware at may isang pitchel na iced-tea rin silang handa.

Inalok pa nga ako ng buko salad at iced tea ni misis, ngunit nahiya naman ako’t akin itong tinanggihan.

Kahit kakaunti, sila ay maligaya at handa pa nilang ibahagi ang kaunting meron sila. Ako kaya? Maligaya ba ako ngayong Pasko? Hindi! Naiimbiyerna at nagmumukmok ako dahil sa nadiskaril ang aming mga plano. Sino kaya sa amin ang may tunay na ispirito ng Pasko?

Hindi kalaunan ay nagising na ang bunsong bata. Maya-maya pa ay malikot na itong pagapang-gapang sa sulok ng talyer. Nang aking tanungin kung ilang buwan o taon na ang kanilang bunsong babae, ay napapahiyang sinabi ng aming mekaniko, na lalaki at hindi babae ang kanilang bunsong anak. Nakadamit babae lamang daw ito, dahil wala silang mapasuot na damit kundi mga pinaglakihan ng kanyang ate.

Parang biglang winalis ang aking pagkayamot. Wala akong dapat ireklamo.

Hindi na nagtagal at natapos na ring kumpunihin ang aming sasakyan. Sa wakas makakabiyahe na rin kaming pabalik sa Maynila. Sa wakas matutuloy na rin ang aming selebrasyon ng Pasko!

Ngunit mas mahalaga sa lahat, ay mayroong kakaibang damdamin ang umusbong sa aking puso. May kakaibang pananaw ang nabuo sa aking isipan. Matapos sumahin ng mekaniko kung magkano ang aming babayaran, ay may bago nang ispirito ng Pasko ang naghahari sa aking katauhan.

Pinasobrahan ko ang bayad na aking inabot, sabay sambit ng “Salamat at Maligayang Pasko sa inyong pamilya.”

Abot-tenga ang ngiti ni manong, sabay bati rin ng “Merry Christmas sir! May pambili na nang bagong damit si bunso.”

Mula sa sabsaban, isinilang ang ating Manunubos. Mula sa talyer, ako’y pina-alalahanan ng tamang diwa ng Pasko.

IMG_1688

(*photos taken in Vigan, Christmas 2012)

 

 

 

4 comments

  1. minsan nga naman kailangan pang mapadpad sa malayo para lang makapagmuni-muni. Bagay na hindi natin nagagawa araw-araw dahil okupado ang isip at maraming ginagawa. Maligayang Pasko sa iyo.
    ;D

  2. Ibinalik ba sa iyo ng may-ari ng rental van ang ibinayad mo sa pagpapagawa nito o na “Merry Chrismas” ka na lang. Maligayang Pasko sa iyo at iyong pamilya!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s