(Ang tulang ito ay nahugot galing sa baul. Ito ay kinatha at isinulat mga ilang taon nang nakaraan bago pa isilang ang blog site na ito. Dito hango ang post na “Mula Palayan Hanggang Maisan.” Inilathala para sa Buwan ng Wika.)
Sa gitna ng ginintuang palayan,
Sa parang na malayo sa kabihasnan,
Habang pastol na kalabaw ay nakahingalay,
At sa pilapil magsasaka’y tumutulay;
Ay may isang batang nangarap,
Sa ilalaim ng kawayan at alapaap,
Makatapos ng kolehiyo’t sa Maynila manirahan,
Ang matayog na mithiin niyang tangan.
Lumipas ang maraming mga araw,
Yaring bata’y sa hangarin ‘di nagbitaw,
Tinumbasan ng sikap ang mga pangarap,
Hanggang ang panaginip ay lubusang natupad.
*******
Sa gitna ng masalimuot na Maynila,
Sa makitid ngunit balisang kalsada,
Habang ibang bata’y pinupukol pitpit na lata,
At mga traysikel ay umaarangkada;
Ay may isang batang nangarap,
Sa lilim ng pader na malapad,
Magpakadalubhasa’t ibang bansa’y marating,
Ang tunay n’yang mataas na adhikain.
Lumipas din ang maraming araw,
Yaring musmos sa hangarin ‘di nagbitaw
Tinumbasan din ng sikap ang mga pangarap,
Hanggang kanyang panaginip din ay natupad.
********
Sa isang bahagi ng malawak na Amerika,
Kabila ng patuloy na ugong ng makinarya,
At kislap ng daan-daang ilaw at karatula,
Sa siyudad na walang gabi’t parating umaga;
Ay may isang batang nangarap,
Sa ilalim ng buwang maliwanag,
Sa “space shuttle” lumulan, sa himpapawid lumutang,
Ang mithiin n’yang nais makamtan.
“Bangon bunso, at sa’kiy makinig nang tapat,
Tulad ko at ng aking amang minsan ding nangarap,
Tumbasan ng sipag at pagsusumikap,
Iyong panaginip ay lubusan ding matutupad.”