Ang Tandang at si Uncle Tom

Posted by

Ako ay may tiyuhin na Amerikano. Siya si Uncle Tom.

Tatlong dekada na ang nakalipas nang isa sa aking mga tiyahin ay nagka-penpal ng isang Amerikano. Uso pa noon ang ballpen, magsulat sa papel, at maghulog ng sulat. Matagal-tagal din silang nagkasulatan, at dumating sa yugto na gusto nilang magkita. Wala pang Facebook at FaceTime noon, kaya’t nag-planong lumipad papuntang Pilipinas ang Amerikanong penpal ng aking tiyahin.

Dahil kami ay may bahay naman sa Maynila, at para na rin tuluyang makaliskisan, este makilatis pala ang ibig kong sabihin, ang kanyang penpal, kaya pinakiusap ng aking tita na sa bahay na namin tumuloy ang Amerikano.

Itanggi man natin o hindi, marami pa rin sa atin ang nagnanais na makakilala ng isang banyaga, at mapangasawa ito. Dahil sa isip natin ito ang ating magiging pasaporte para lumisan ng bansa. At kung tayo ay medyo tag-hirap, ito ang ating pagkakataong umunlad at makaahon sa buhay. Darating kaya ang panahon na ang mga Pilipino ay hindi na mangangarap na umalis ng bansa?

Kaya nang dadalaw na ang Amerikano, hindi kami magkandaugaga sa aming paghahanda sa kanyang pagdating. Para kaming naghanda sa isang official state visit, gaya nang dumalaw si President Trump sa Pilipinas. Kulang na lang ay umarkila kami ng banda ng mga musikero at magpa-piyesta sa aming kalye sa pagsalubong sa kanya.

Lumuwas pa ng Maynila ang aming lola mula sa probinsiya at nagdala ito ng mga buhay na manok, para raw ipanghanda sa Amerikano naming bisita. Siyempre, mas masarap pa rin daw ang lasa ng native at free-range na manok. Organic pa at siguradong hindi sinaksakan ng growth hormone at antibiotic.

Isa naman sa aking tiyuhin ang sumundo mula sa airport. Hindi na ako sumama dahil puno na ang sasakyan at baka wala pang maupuan ang aming bisita. Pagkasundo sa airport, ay sa bahay na namin sa Sampaloc Manila tumuloy ang Amerikano.

Sa aking silid pinatulog ang bisita. Malaking tao pala itong Amerikano. Hindi ko alam kung paano siya nagkasya o kung naging kumportable siya sa aking munting katre. Aaminin ko medyo masikip ang aking silid, pang-Petite (Palito?) size lang ito at hindi pang-Jumbo size. Hindi ko rin alam kung naglagkit sa init ang aming bisita, dahil wala naman kaming air conditioner. Pero may bintana naman at bentilador ang aking kuwarto.

Kahit payak ang aming bahay at masikip ang aking kuwarto, ay siguro naman ay lumutang pa rin ang aming pagiging hospitable sa aming panauhin. Kung tutuusin hindi lang ang Amerikanong penpal ng tiyahin ko ang banyagang natulog sa aking munting silid. Minsan ay nagkabisita kami ng galing Papua New Guinea na tumuloy din sa aking kuwarto. Marami ring kaming mga bisitang lokal ang nanuluyan dito. Kaya puti, itim, o kayumanggi – walang kinikilingan ang aking silid.

Balikan natin ang mga manok na dala ng aking lola. Isa dito ay puting tandang, pero hindi ito pang-sabong. Dahil hindi lahat ng manok ay ihahain kaagad, kaya’t ang iba ay hinayaan munang buhay. Kasama dito ang tandang na itinali sa veranda ng aming bahay.

Unang gabi ng aming bisita, maaring pagod na pagod sa biyahe ang Amerikano, at may jet-lag pa, kaya hahayaan lang sana namin siyang matulog kahit tanghaliin pa siya ng gising. Subalit may ibang balak ang puting tandang.

Bago pa magbukang liwayway o maaninag ang liwanag ng umaga, at bago pa magsipag-byahe ang mga traysikel ay simula nang tumilaok ang puting tandang. Walang patid at masigabo sa pagtilaok ang pesteng manok. Pumwesto pa ito malapit sa bintana ng aking kuwarto.

Hindi nagtagal ay nagising ang aming bisitang Amerikano. Galit at mainit ang ulo nito. Masama ang pagkakagising. Sino nga bang hindi mauunsiyame kung mabulabog ka sa iyong mahimbing na pagkakatulog.

Paglabas niya sa kuwarto, ay ako ang kanyang nasalubong. Sabi niya sa akin: “Where is that #&*@^! rooster, I’ll wring it’s neck!”

Sa halip na sa ilang araw pa sana kakatayin ang pobreng tandang, noong araw rin na iyon, naging tangahalian na namin ito. Nahimasmasan naman ang init ng ulo at natuwa pa ang aming panauhing pandangal, nang matikman niya ang masarap na luto na inihain namin sa kanya. Tinolang manok!

Nang malaon na ay nagkaigihan naman ang aking tita at ang kanyang penpal. Sila ay nagkataluyang magpakasal, at siya ay naging aking Uncle Tom. Hindi na nagtagal pa ay nakalipad na rin ang aking tita papuntang Amerika.

Maaring sabihin na dahil kay Uncle Tom, ay naging masuwerte ang aking tiyahin dahil siya’y nakarating ng Estados Unidos. Kahit man ako ay nabiyayaan din, dahil ang tiyahin kong ito ang isa sa tumulong sa akin sa pinansiyal nang ako’y nag-a-apply na papuntang Amerika para sa aking Medical Residency Training. Dahil sa ako’y natanggap sa isang academic hospital para mag-training, ito naman ang naging daan para ako’y makapangibang-bayan.

Noong nakaraang Pasko, maliban sa aking pagtawag sa mga kamag-anak sa Pilipinas, ay tinawagan ko rin ang aking tiyahing ito na naninirahan na sa California. Siya ang pinakamalapit kong kamag-anak dito sa Amerika. Ang California ay mahigit na tatlong oras na biyahe sa eroplano o dalawang araw na drive mula sa amin dito sa Iowa.

Sa pag-uusap namin ng aking tita ay nabanggit niya na medyo lumulubha na raw ang kalagayan ni Uncle Tom at nagiging makakalimutin na rin ito. Sa katunayan, may mga ilang taon nang may sakit si Uncle Tom. Salamat na lang kay tita na tunay na nagmamahal sa kanya, at hindi niya ito pinababayaan. Isa pa, dahil nurse ang aking tiyahin, naaalagaang lubos si Uncle Tom.

Sa aking tingin at palagay, kung naging masuwerte ang aking tiyahin, mas naging masuwerte si Uncle Tom dahil nakilala niya ang aking tita at ang aming pamilya. At hindi lang ito dahil sa nakakain siya ng tinolang manok.

DSC_0048

(*photo taken during our last visit to the Philippines)

7 comments

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s