Namayagpag na naman ang mga commercial ng Jollibee nitong nagdaang Valentine’s. Huling-huli kasi ng Jollibee ang kiliti at sintimyento ng mga Pilipino, at siyempre pa pati na rin ang ating panlasa.
Paano ba naging pambansang tambayan ng mga Pilipino ang Jollibee?
Bago mag-bagong taon ay bumisita kami sa New York. Habang ang aming mga anak ay nag-a-iceskating sa Bryant Park sa Midtown Manhattan, ay nabanggit ng isa naming kaibigan na may bagong bukas daw na Jollibee sa lugar na iyon. Kuwento pa nila pinipilahan daw ito. Hindi lang mga Pilipino, pati mga Amerikano at ibang lahi ay nakikipila rin. Siguro curious lang sila kung bakit dinudumog ang Jollibee.

Maraming beses din naman akong pumunta sa mga Jollibee branches dito sa Amerika. Napuntahan ko ang Jollibee sa may West Covina California. Ilang beses na rin akong kumain sa Jollibee sa Chicago. At kumain na rin ako sa Jollibee sa may Woodside New York.
Maliban dito sa Amerika nagbukas na rin ng mga branches ang Jollibee sa iba’t ibang bansa sa Asia, Middle East at Europa.
Nang maliliit pa ang aking mga anak, minsa’y nagbalik-bayan kami at nag birthday sila sa isang Jollibee branch sa may Pasay City. Natuwa naman ang aking mga anak at ang aming mga bisita sa isinagawang party. Maliban sa chicken joy at jolly spaghetti, naaliw rin sila sa pagsasayaw ng masayang bubuyog na si Jollibee.
Noong biglaan din akong umuwi ng Pilipinas, ilang taon nang nakalipas, dahil malubha ang kalagayan ng aking nanay, ay naging comfort food ko ang Jollibee. Kasi may malapit na branch mula sa ospital kung saan nakaratay ang aking nanay. O siguro miss ko lang ang lasa nito.
Hindi ako lumaki na pala-hamburger. Nang ako ay nasa high school pa (early 1980’s), hindi pa masyadong tanyag at iilan pa lamang ang Jollibee branches sa Maynila. Sa katunayan hindi namin ito tambayan dahil walang malapit sa aming eskwela.
Ang aming tambayan noon ay isang turo-turo sa tabi ng aming paaralan. Pero noong kami’y nagbalik para sa aming 25th high school graduation anniversary ay laking gulat ko na isang night club na ang nakatirik sa pwesto ng turo-turo. Ibang luto na pala ang inihahain sa lugar na iyon!
Isa pa sa tambayan ng iba naming kaklaseng pasaway noong high school ay isang esblisimyento na may pangalang “Halina.” Dito sila naglalaro. Isa itong bilyaran. Beer garden din ito. Hindi po ako tumambay doon.
Kahit nang nasa kolehiyo na ako, hindi pa rin Jollibee ang paboritong tambayan ko noon kundi isa uling turo-turo malapit sa UST. “Goodah” ang pangalan nito. Mas mura naman kasi sa turo-turo at lutong bahay pa ang putahe. Siguro mas marami pa ring mga Pilipino ang pipiliin ang turo-turo kaysa fast food, o adobo kaysa hamburger.
Ang unang branch ng Jollibee ay nagbukas noong 1978 sa Cubao. Mula noon ay isa-isa nang sumulpot na parang kabute ang mga branches nito. Kahit pumasok pa ang McDonalds sa ating bansa noong 1981, ay naging matatag pa rin ang Jollibee.
Sa pagputok ng katanyagan ng Jollibee, isama na rin natin ang McDonald’s at Wendy’s, ay nahilig nang kumain ang mga Pilipino ng hamburger at french fries. Naging westernized na ang ating panlasa. Pero iniiba pa rin naman natin ang timpla kahit na western food. Tulad ng spaghetti – ang pinoy spaghetti ay manamis-namis, na hindi tulad ng authentic Italian spaghetti na maasim-asim.
Nang ako’y napadpad na sa Amerika, ay aking natunghayan kung gaano kapalasak ang fast foods dito. Lalo na ang McDonald’s. Kahit sa mga hospital ay may mga branches ito. Sa isang hospital sa New York kung saan ako nag-training, ay may McDonald’s sa mismong floor kung saan ang cardiac cath lab. Kaya’t kung ikaw ay inatake sa puso habang kumakain ng hamburger, ay igugulong ka lang nila sa katabing cath lab.
Para sa inyong kaalaman ang McDonald’s, isang American corporation, ang pinakamalaking fast-food chain sa buong mundo. Sa katunayan lahat ng pinasukan nitong bansa ay halos patayin nito ang mga lokal na kompetisyon. Maliban sa Pilipinas, na Jollibee pa rin ang naghahari. Bakit kaya hindi kayang pataubin ng McDonald’s ang Jollibee kahit pa American hamburger ang kanilang pinaglalabanan?
Dahil kaya mas naaaliw tayo sa bubuyog kaysa sa clown (mascots)? O dahil walang panama sa chicken joy at jolly spaghetti ang kalaban? O nadadala tayo sa mga makabagbag-damdamin na mga commercials? O dahil alam natin na ang Jollibee ay katutubong produktong Pilipino kaya’t tinatangkilik natin ito kaysa sa kumpitensiya? O baka naman mas masarap lang talaga sa ating panlasa ang pagkain nito?
Ano man ang dahilan, naging pambansang tambayan na ng Pinoy ang Jollibee kaysa iba pang fast food chain o restaurant. (Wala po akong komisyon sa Jollibee sa artikulong ito, pero kung gusto nila akong bigyan ng isang taon na supply ng chickenjoy hindi ko tatanggihan ito.)
Noong ako’y nasa kolehiyo pa, sa harap ng UST Charity Hospital sa may Forbes St. (Lacson Avenue na ngayon) ay may mga lumang bahay na ginagawang boarding houses. Isang araw nagkararoon ng sunog dito, taong 1990 yata iyon. Isa sa aking kaibigan ang nasunugan ng boarding house. Matapos matupok ang lugar na iyon, ang ipinatayong gusali ay hindi na mga bahay, kundi isang malaking McDonalds.
Bulung-bulungan ng iba, dahil hindi mapagiba ang mga lumang bahay para gawing commercial complex kaya raw ito sinunog. Hindi ko sinasabing totoo ito at wala po akong inaakusahan, at lalong hindi ko sinasabing may kinalaman ang McDonald’s o sinuman dito.
Maaring natuwa ang mga estudyante ng UST dahil may malaking McDonald’s na sa harap nito. Hindi nagtagal, isang malaking Jollibee rin ang itinayo katapat nito. Ngayon sangkatutak na fastfoods na ang nasa paligid at pati sa loob ng university. Nandoon pa kaya ang tambayan naming Goodah?
Baka sa susunod, mawala nang lubusan ang mga turo-turo at karinderya. Huwag naman sana.