Mga Alaala sa Ulan

Posted by

Sangayon sa aming weather forecast dito sa Iowa ay may ulan daw sa halip na snow, sa aming pagsalubong ng Bagong Taon. Kaya nais ko lang sariwain ang aking isinulat tatlong taon na ang nakalipas. (Original post “Tampisaw” was published Sept 12, 2019.)

**********

Noong isang umaga, ako’y nagising sa dagundong ng kulog at kalaskas ng bumubuhos na ulan. Balak ko sanang tumakbo noong umagang iyon pero dahil sa malakas na ulan, ako’y nagbatu-batugan at nagbabad na lang sa higaan. Utak ko nama’y nagtampisaw sa mga alaala ng nakaraang mga tag-ulan – mga alaala na matagal nang nakasampay ngunit parang basa at sariwa pa rin sa isipan.

Nagliwaliw ang aking isip noong ako’y maliit na bata pa. Gaya ng maraming bata batuta, ako’y mahilig maglaro sa ulan lalo na kapag maalinsangan. Kahit pa sabihing baka raw sipunin, o magkapulmonya, o kaya’y mapasma, ay hindi namin alintana, dahil sa musmos naming isip, masarap maligo sa ulan. Kung hindi pipigilan ay lagi kaming susugod sa ulan.

Nagbabakasyon kami palabas ng Maynila tuwing buwan ng Mayo noon. Mga dalawang linggo rin kaming lumalagi sa Ilokos Norte, ang probinsiyang pinagmulan ng aking nanay.

Isang araw habang kami ay nagbabakasyon, ay umulan nang todo-todo. Kami, kasama ko ang aking mga pinsan, ay pinayagang maligo sa ulan. Masaya kaming naghabulan sa kalsadang graba, habang umaagos ang malalaking kanal na ang tubig ay malinaw, hindi gaya ng tubig kanal ng Maynila. Dahil mala-batis ang linis ng tubig sa kanal, sinasalok pa namin ito ng tabo, tapos itataob namin ang tabo na may lamang tubig sa aming ulo, habang kami’y sumasayaw at tumatalon-talon sa ulan. Akala ninyo palaka lang ang masaya kapag umuulan?

Pinupulot din namin ang mga nalalaglag na kamachile dahil sa lakas ng hangin. Hindi na namin kailangan pa itong sungkitin. Sana nga ang mga mangga sa puno ng aking lola ay magkandahulog din, pero kailangan yata ng ipo-ipo bago ito malaglag.

Sa bahay naman namin sa Maynila, konting ulan lang ay baha na kaagad ang mga kalye, kaya sanay akong lumusong sa baha. Hindi namin iniisip ang Leptospirosis, dahil hindi ko pa naman alam kung ano iyon at hindi ko pa rin alam ang spelling nito. Noong nasa medical school na ako kesa ko pa lang natutunan ito, at sa katunayan, may naging pasyente kaming namatay dahil sa Leptospirosis. Sangayon sa history niya, siya ay bumagtas sa baha.

Nang ako’y nasa kolehiyo na, masaya pa rin ako kapag malakas na ang ulan. Hindi sa ako’y sadista at gusto ko ng bagyo, pero dahil kalimitan ay nakakansela ang pasok sa UST kapag baha na, lalo na sa Espanya. Umaabot hanggang hita o hanggang bewang pa ang baha doon.

Minsan nang ako’y nasa medical school na, bumuhos ang malakas na ulan maghapon at hindi humumpay kaya bumaha ang buong ka-Maynilaan. Wala kaming masakyan pauwi, dahil mga pailan-ilang bus na lamang ang malakas ang loob na bumaybay sa malalim na baha. Walang rin namang pumapasadang bangka. Kaya lumusong na lang ako sa baha at naglakad mula sa UST hanggang sa amin sa may Balik-Balik. Sa awa ng Diyos nakarating naman ako nang ligtas sa aming bahay, at hindi napatianod o nalunod sa baha, at hindi rin nahulog sa mga nakabukas na imburnal. Wala naman din akong nahuling dalag.

Nang matapos ako sa Medisina, ako’y pansamantalang namasukan (moonlighting) sa isang maliit na ospital sa Plaridel Bulakan, upang makaipon nang konti habang ako’y nag re-review para sa medical licensing exam ng Amerika. Kung maipapasa ko iyon, magiging pasaporte ko siya upang makalabas ng bansa. Sa Plaridel na ako lumalagi ng mga ilang araw, at linguhan na lang akong lumuwas ng Maynila. Trabaho ako sa gabi, at konting tulog at puspusang review sa araw.

Isang okasyon, dinalaw ako ng aking nobya na galing Maynila sa aking trabaho doon sa Bulakan. Matindi ang ulan noong araw na iyon. Kahit na may dala pa siyang payong, ay basang basa siya nang dumating sa aming ospital sa Plaridel. Para siyang basang sisiw. Ako naman ay parang palakang kumakanta.

Habang siya ay nagpapatuyo, at habang kami ay nakaupo at nakadungaw sa bumubuhos na ulan, ay masaya naman kaming magkaulayaw kahit na maiksing sandali lamang ang sa ami’y inilaan. At para bagang awit ni Basil Valdez (may version din si Regine Velasquez), alam namin na kapag tumila na ang ulan ay lilisan na siya upang bumalik sa Maynila, at ako’y maiiwan na.

Pagmasdan ang ulan unti-unting tumitila,
Ikaw ri’y magpapaalam na,
Maaari bang minsan pa,
Mahagkan ka’t maiduyan pa,
Sa tubig at ulan lamang ang saksi,
Minsan pa ulan bumuhos ka
Huwag nang tumigil pa,
Hatid mo ma’y bagyo
Dalangin ito ng puso kong sumasamo,
Pag-ibig ko’y umaapaw,
Damdamin ko’y humihiyaw sa tuwa,
Tuwing umuulan at kapiling ka.

Malakas pa rin ang buhos ng ulan at tumatabing pa rin ang maiitim na ulap sa bagong silang na umaga. Pero kailangan ko nang bumangon at kailangan nang pumasok sa trabaho. Hanggang sa muli na lang ulit ang aking pagtatampisaw sa mga alaala ng kahapon.

Aking pinagmasdan ang aking katabi. Mahimbing pa rin ang kanyang pagkakatulog. Pero alam kong kahit tumila pa ang ulan, kami ay magkapiling na at hindi na namin kailangang magpaalam pa.

Magdadalampu’t limang taon (*28 now*) na palang bumubuhos ang ulan.

**********

Happy 28th anniversary my dear! (Kahit na sino-solo ko ‘yung payong.)

(*photo taken earlier this year in Central Park, New York City)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s