(*The following post has nothing to do with the controversial movie about extrajudicial killings.)
“Tao po! Tao po!”
Iyan ang ating ipinapahayag kapag tayo ay kumakatok sa kaninomang bahay, maliban na lang kung ito ay ating bahay, dahil may susi na tayo ng pinto at hindi na natin kailangang magpaalam pa.
Matagal-tagal ko nang hindi nasasambit ang mga katagang ito, dahil dito na ako naninirahan sa Amerika ngayon. Dito kapag kakatok ako sa pinto ng ibang bahay, ang aking isisigaw ay “Knock-knock” o “Hello! Anybody home?”

Naitanong mo na ba sa iyong sarili kung bakit “Tao po,” ang ating sinasabi kapag tayo ay kumakatok sa pinto? Ito ba ay para ipahiwatig sa may-ari ng bahay na tayo ay tao na dapat nilang pagbuksan? O atin ding hinahangad na tao rin ang sasalubong sa atin sa pinto? Alangan namang isigaw natin “Hayop po!” At lalo namang hindi natin ipapahayag na “Halimaw po” o kaya’y “Aswang po!”
Pero sa aking pagsasaliksik at sangayon sa mga historian, aking napag-alaman na ang orihinal na kataga na sinasambit noon ng ating mga ninuno kapag kumakatok sa ibang bahay ay “Tao po ako, hindi aswang!” Ito ay dahil sa mga paniwala nating mga Pilipino sa mga maiitim na espiritu na naglipana sa ating mundo na gusto ring pumasok sa ating bahay. Paniwala pa ng ating mga ninuno na ang mga aswang ay hindi kayang magpakilala na sila ay tao.
Ganoon ba? Pero bakit merong mga nilalang na akala natin ay tao, ngunit nang-aaswang ng may girlfriend o boyfriend, o mas malala pa, asawa ng iba? Ah, eh, ibang klaseng aswang pala ang mga ‘yon. Walang epekto ang bawang sa kanila, dapat granada. Huh?
Mabalik tayo sa usapan natin tungkol sa “Tao po.” Bago pa dumating ang mga Kastila at bago pa tayo sakupin nila, ay mapamahiin na tayo at palasak na ang paniniwala nating mga Pilipino sa mga iba’t ibang uri ng nilalang tulad ng kapre, nuno sa punso, manananggal, at marami pang iba.
Isa sa mga nagtala ng ating mga paniniwala ay isang Kastilang pari na si Fray Tomas Ortiz na dumating sa Maynila noong 1695. Ang kanyang akda ay may pamagat na “Superstitions and Beliefs of the Filipinos.” Kaniyang iminungkahi sa mga misyonerong prayle na baguhin ang mga “masamang ugali” nating Pilipino. Paano kaya siya kumatok sa mga bahay noon? “Pari po ako, hindi aswang?” At pinagbuksan naman kaya siya?
Ang “Tao po ako, hindi aswang,” sa paglipas ng mahabang panahon ay pinaikli na lang sa “Tao po!”
Nakakatuwa (o nakakalungkot) lamang isipin na matapos ang mahigit na apat na siglo, at matapos tayong makalaya sa colonisasyon ng Kastila, Hapon, at Amerikano, ay wala pa ring pagbabago sa ating mga pamahiin at paniniwala.
“Tao po,” pa rin ang ating pahiwatig sa ating pagkatok sa may bahay hanggang ngayon. O kaya nama’y dahil nakagawian na natin ito, at praktikal na lang tayo ngayon at ang ibig sabihin natin sa pagtawag ng “Tao po” ay kung may tao bang nakakarinig sa ating pagkatok. Siguro naman sa ating pagsigaw ng “Tao Po” ay wala na sa ating isipan ang mga aswang na nagpapanggap na tao na gusto ring makapasok sa ating mga tahanan. Kaya?
Siguro iba na ang ayaw nating makapasok sa ating bahay ngayon. Dapat kayang palitan na ang ating pagtawag? Pwedeng “Mabuting tao po, hindi po akyat bahay!” O kaya nama’y “Tao po, hindi po maniningil ng utang!”
Hanggang sa muli na lang po ulit. At sa aking paglisan at pagtahak sa aking dadaanan, “Tabi-tabi po!”
***********
(*image from the web)
Ngayon ko lang to nalaman na may ibig sabihin pala “tao po” noon! Hehe Sa bisaya kasi is “NAAY TAO? ( merong tao) or AYO, hehe baliktad.
Naay tao (merong tao) makes more sense, like the “anybody home?” Are the Bisaya less superstitious then than the Tagalogs? Thank you for visiting.
Tabi-tabi poooo loool
😁 makes sense. In Hiligaynon, it’s “tagbalay!” (loosely translated as “is there anyone in the house ?”)
Tagbalay makes more sense too than Tao po. Now I’m really wondering if the Visayan region is less superstitious than the Tagalogs.
Ah I don’t know about that ha ha I’m not though, but I know of a lot of
people who are. I like the Filipino folklores and legends though. I often listen to hilakbot on YT Hehe
An interesting excerpt on “Tao po” I never knew that it was originally due to the belief of superstition. It was a very enjoyable read.
Salamat po. I wonder if “Salamat po” has some other meaning.