Si Carlos Yulo at si Ben Tumbling

pinoytransplant's avatarPosted by

Ngayon patapos na ang 2024 Olympics, ano naman kaya ang ating susunod na pagkakaabalahan? Balik na naman kaya tayo sa mga walang kamatayang tele-serye? Sa Olympics sa Paris ay nakita nating nakasungkit ng 2 medalyang ginto ang ating “idol” na si Carlos “Caloy” Yulo sa larangan ng gymnastics. Gold sa floor exercise, at gold ulit sa vault.

Dahil sa pagkapanalo ni Carlos, siya ay umani ng limpak-limpak na papuri hindi lang mula sa mga mamayan ng Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Umani rin siya ng limpak-limpak na salapi, gantimpala, endorsements, kasama na rito ang bagong bahay.

Meron lang tayong mga tanong. Sino kaya ang magiging kapit-bahay ni Yulo sa kanyang bagong condominium na bigay ng Megaworld, sa Mckinley Hill, Fort Bonicfacio ? Mabundat kaya at maging tabachingching si Carlos sa kanyang life-time supply ng ramen at mac and cheese? Pero siguro ang mas importanteng tanong ay ilang mga batang paslit at mga kabataan kaya ang maeenganyong sumabak sa gymnastics dahil sa naging tagumpay ni Caloy?

Tulad noong sumikat si Pacquiao, maraming mga bata ang natuwang makipagsuntukan. Hindi sila naging basagulero, and ibig kong sabihin ay na-inspire silang mag-training sa boxing. At nang nagwagi naman si Hidilyn sa weightlifting ay marami rin ang nagsimulang magbuhat – magbuhat ng timba ng tubig, sako ng bigas, bag ng semento, at kahit ano pa para lang makapagensayo at gumaling sa weightlifting.

Sana naman ay maging magandang impluensiya si Yulo sa mga batang nangangarap na maging gymnast din. Noong ako’y bata pa, wala sa bukabularyo namin ang artistic gymnastics. Ang nasa bukabularyo ko lang ay luksong baka at Chinese garter. Hindi ko sasabihing walang hilig kaming magsirku-sirku at tumalon-talon noong kami ay musmos pa lamang. Sa katunayan ay nakomang at na dislocate pa nga ang aking kanang braso dahil sa hilig kong magsirku-sirko.

Pero wala kaming ‘hero’ na tulad ni Carlos Yulo. Ang sumikat at naging kilalang-kilala noon na magaling mag-tumbling ay si Ben Tumbling. Sino kamo si Ben Tumbling? Siya ay isang dating stuntman na naging isang kriminal at gangster. Siya ay namatay sa isang police shootout noong 1981. Nagkaroon pa nga ng movie na “Ben Tumbling: A People Journal’s Story” na ipinalabas noong 1985 at ang bida ay si Lito Lapid. Totoo, walang matinong idol ang mga gymnast noon.

Hindi naman sa walang naging kilala na gymnast noong kami ay kabataan pa. Nariyan si Bea Lucero na nanalo ng 2 gold medals at 3 silver medals sa artistic gymnastics noong 1987 sa Southeast Asian Games. Naging mukha pa nga siya ng Milo gaya rin ni Carlos Yulo. Kaya’t maraming mga bata ang uminom ng Milo noon para maging katulad daw sila ni Bea.

Pero noong panahon na ng 1988 Seoul Olympics hindi nakasali si Bea Lucero dahil sa pulitika. Nakakayamot talaga minsan sa Pilipinas, lahat na lang pinupulitika. Nasayang lang ang lahat ng pinaghirapan ni Bea, gumugol pa naman ito na mahigit 2 taon sa Oregon USA, para mag-training. Ang pagkakaalam ko nagpalit ng sports si Lucero. Siya ay lumaban na lang sa taekwondo sa Barcelona Olympics noong 1992.

Noong ako’y nagkolehiyo na sa UST, ay nag-gymnastic din naman ako. Pero hindi ‘yung kagaya ng ginagawa ni Carlos Yulo. Ang curriculum namin sa PE noong first year college ko ay Gymnastics. Gymnastics 1 (1st sem) at Gymnastics 2 (2nd sem) pa nga ang pinagpawisan ko. Subalit wala kaming ginawa kundi tumakbong paikot-ikot sa grandstand at soccer field. Muntik pa nga akong ibagsak ng aming instructor, na dati raw ay isang gymnast, buti na lang at ipinagtanggol ako ng aming dean (read the story here).

Kahit hindi ko naman talaga gustong PE ang gymnastics ay wala akong magawa dahil ito lang ang available. Gusto ko sana ng swimming, pero hanggang sa swimming lang ako sa baha sa Espanya kapag lumakas na ang ulan. Noong ako ay second year college na ang PE kong kinuha ay volleyball (1st sem) at basketball (2nd sem).

Ang gymnastics skill lang na itinuro sa amin, at eto ay sa gymnastic 2 na kami, ay ang forward roll. Ang forward roll ay hindi lumpia, egg roll iyon. Hindi rin ito sushi, tulad ng California roll. At hindi rin ito tinapay, bread roll iyon. Ang forward roll ay isang basic gymnastic move kung saan ikaw ay gugulong sa sahig ng pasulong. Alam kong maraming Pilipino ang gumugulong-gulong sa lupa kapag sila ay lasing na, pero hindi ito gymnastics, iyon ay alcoholics!

Kaya kahit ako ay nag-gymnastics 1 and 2 noong college ay hindi ako nakapag-tumbling sa vault at hindi rin ako nakapaglambitin sa gymnastic bar and rings. Gusto ko pa naman din sanang sakyan ang pommel horse at sumigaw ng “Hiyaaa! Tigidig-tigidig!” Ah, ibang kabayo pala yon. Hanggang kabayo na lang ako ng plantsa.

Dahil sa walang pera masyado sa gymnastics, hindi tulad ng basketball at boxing, kaya wala masyadong kabataan ang nahihilig sa gymnastics. Ano nga naman ang magiging kahihinatnan ng isang gymnast? Maging performer sa circus? Pero ngayon, matapos maging tanyag si Carlos, ay siguro maiiba na ang pagtingin ng Pilipino sa gymnastics.

Sa mga batang Pilipino ngayon, sana ay maraming sumunod sa mga yapak (at talon) ni Yulo at marami pang Pilipino ang maging magaling sa gymnastics, at marami pang maging parangal at medalya ang ating makamit sa sports na ito. Sana marami pang facilities ang magbukas at mag-offer ng gymnastics training. At sana ay suportahan din ng ating gobyerno ang mga kabataan na nangangarap na magpakadalubhasa sa larong ito.

Sa aming makabagong bayani, mabuhay ka Carlos Yulo!

**********

(*images from the web)

4 comments

  1. Bagay sa mga Pinoy ang gymnastics kasi hindi nman kailangan ng tangkad. Yung anak nga ng caretaker ng chapel nmin dito kahit hindi pa nanalo ng gold medals si Yulo ay panay na ang tumbling at talon na parang vault exercises. (Buwan nga pala ng Wika ngayon kaya ba kayo nagsulat sa Pilipino?)

  2. Nakakatuwa po ang inyong lathalain, Doc.

    Magsing edad nga yata tayo kasi gymnastics din ang aking PE sa USTe.

    At tunay nga po, nakakadismaya ating pulitika. Sayang po talaga si Bea Lucero na dahil sa kanya, naging kampeon ako sa pagpapak at pag-inom ng Milo everyday!

    Pagpalain po kayo ng Diyos palagi.

Leave a Reply