‘Yokong Makita Ka

Maraming taon mong binalot ng takot ang puso ko,

Walang pahintulot, ay nanghimasok ka sa buhay ko,

Hindi ka man inanyayaha’y tumira ka sa bahay ko,

Palayasin ma’y nanatili  pa rin sa tahanan ko.

 

Anumang pag-iwas, ngunit hindi ako makalaya,

Sa pagkain, pagtulog, pati pagligo’y lumiligid ka,

Salot ka ng lipunan, lahi mo sana ay sumpain,

Gustong gusto kitang hambalusin, at saka pitpitin.

 

Nakalayo lang ako sa ‘yo nang ako’y mangibang bayan,

Kahit may kalungkutan, lisanin’ bayang sinilangan,

Isa ka sa ‘di ko hinahanap at ‘di ko na-mimiss,

Ayaw ko nang makita ka pa, pesteng yawang ipis!

 

(Dedicated to all the cockroaches I killed before.)

‘Di Ko Miss

May mga panahon na talagang naho-homesick ako, at para bang ang kaluluwa ko’y naglulungkab sa Pilipinas.  At pagdumarating ang mga pagkakataong ito ay iniisip ko na lang ang mga bagay na hindi ko na mi-miss sa Pilipinas. Tapos nuon, nawawala na ang aking lungkot.

Ito ang aking Top 10 List ng mga bagay na hindi ko na mi-miss sa Pilipinas:

1o. Itim na kulangot

9. Pulis na mahilig sa lagay (Akin na ang lisensya mo….yung may litrato ni Ninoy.)

8. Bukas na manhole. Naghihintay ng mahuhulog na nilalang.

7. Hindi umuusad na traffic. Buti pang maglakad ka na lang.

6. Sangkatutak na basura na hindi kinokolekta. Tuwing pasko lang yata ang dating, kasama na ang kolekta ng pamasko ninyo.

5. “That’s Entertainment” (which is not)

4. Si Mando at si Manda. Mandurukot, mandurugas, mandaraya at mandarambang.

3. Mga taong mahilig sumingit sa pila. Dapat sa kanila kurutin sa singit!

2. Mapanghing pader (Hoy! Bawal umihi dito!)

1. Lumilipad na ipis (Nanang ko po!)