Kapitbahay

Noong isang umaga, habang ako’y tumatakbo sa aming lugar, ay napadpad ang aking isipan sa lugar na aking kinalakihan. Ang aming kalye ay masikip at ang mga bahay ay dikit-dikit.

Ito ang kalye kung saan ako nanggaling, at ito ang dati naming mga kapitbahay sa Sampaloc, Manila. IMG_1598_3 Hindi lang mga batang paslit ang laman ng kalye kundi may mga lalaboy-laboy na hayop din sa dating naming lugar.

Ito ay mga askal (asong kalye). Kapag sinamang-palad, nagiging pulutan sila ng mga nag-iinuman doon sa kanto. IMG_1595_2 Ngunit iba na ang mundong ginagalawan ko ngayon. Layu-layo ang mga bahay at malalawak ang mga bakuran at bakanteng lupa.

Ito ang isa sa aming kapit-bahay, isang barnhouse, na nasa gawing likod ng aming tahanan dito sa Iowa. IMG_3606 Ito naman ngayon ang mga lalaboy-laboy na usa (deer) sa aming lugar ngayon. Maaring sabihin na mas masarap na pulutan ito kaysa “asosena.” IMG_3642 Kahit paano ay nami-miss ko pa rin ang dati naming lugar at mga kapit-bahay. Maliban sa mga maiingay na lasing doon sa kanto.

(*photos taken with an iPhone)

Luha, Kapitbahay, at si Voltes V

Nuong nakaraang taon ay pinadalhan ako ng aking kaibigan mula sa Pilipinas, ng mga discs na kumpletong kopya ng serye ng Voltes V, Mazinger Z, at Daimos (dubbed in English). Bagama’t pinakupas na ng maraming taon ang mga palabas na ito, ang mga alaala na hatid nito sa akin ay hindi pa rin kumukupas.

Ilang mga panahon din akong naloko at napuno ng pantasya sa mga palabas na ito. Maraming oras din ang ginugol sa pagda-drawing sa kanila. Mga ilang baon ko rin ang ginastos na ipinambili sa mga stickers ng mga robots na ito. Para sa akin, walang sinabi ang movie ng Transformers (kahit gaano pa ka-sexy si Megan Fox) sa Voltes V.

Ngunit hindi ko akalaing pag-iinteresan ng aking mga anak ang mga palabas na anime na linuma na ng panahon. At lalong hindi ko akalain na ang mga palabas na nagdulot ng katuwaan sa akin mahigit tatlumpung taon nang nakalipas ay magbibigay kasiyahan din sa kanila ngayon.  Sa totoo lang, hindi sila mapuknat-puknat sa panonuod ng Voltes V, Mazinger Z at Daimos.

Isang araw, ay dumalaw at nakipaglaro ang anak ng aming kapitbahay sa bahay namin. Inanyayahan siyang manuod ng aking mga anak ng Voltes V. Tutok na tutok din ito sa panunuod. Siguro ay ngayon lang siya nakapanuod ng anime. Sa panahong ito ng mga “high definition, high technology computer animation,” ay bumenta pa rin ang low-tech animation. Bata nga naman.

Dahil naaliw ang aming kapitbahay sa panunood, ay ipinahinaram namin ang disc ng Voltes V upang iuwi niya sa kanilang bahay.

Lumipas ang maraming araw……mga linggo……at mga buwan. Hindi pa rin ibinabalik sa amin si Voltes V. Anuman ang dahilan ay hindi namin alam. Iniyakan na nga ito ng aking anak. Ilang luha ba ang halaga ni Voltes V?

Dinahilan na lamang namin sa kanila na baka nawala ng aming kapitbahay yung disc. O maaring natabunan ito sa pinagtaguan. O maaring nasira at nagasgas. O kaya nama’y kinain ng kanilang aso. O maaring na-ambush ito ng Boazanian Empire. O kaya nama’y pinulbos ng Beast Fighter.

Amin na lang inaliw ang mga bata at sinabi sa kanila na ang mahalaga ay panatilihin pa rin nila ang pakikipagkaibigan sa aming kapitbahay. Ang payo namin ay huwag nilang hayaan maging hadlang si Voltes V sa kanilang relasyong magkaibigan. Bumalik man o hindi si Voltes V, ang mas mahalaga ay ang pakikipagkapwa namin sa aming kapitbahay.

Isang liksyon sa pakikisama. Ika nga nila, “Let’s volt in!!!!”