Pinaglalaruan: Kwentong Multo

Taong 1991, ako ay isang medical intern na nakadestino sa Canlubang, Laguna sa isang maliit na ospital bilang aming community service. Isang malamlam na gabi, isang binata ang itinakbo sa aming Emergency Room. Ito’y walang malay at para bagang naninigas pa.

Sabi ng mga kamag-anak nito ay wala raw silang alam na sakit ang binata. Alam lang daw nila na mahilig itong mapag-isa at malimit itong pumaroon na walang kasama, sa tabi ng ilog.

Tumingin sa akin ang nakatatandang duktor na naka-duty sa Emergency Room. Tinanong niya ako kung ako raw ba ay “naniniwala.” Naniniwala saan?

Hindi ako nakasagot. Dahil hindi ko rin naman alam ang aking isasagot.

Hindi na lang umimik sa akin ang Emergency Room doctor, ngunit naringgan ko na sabi nito sa isang nurse, na baka raw napaglaruan ng espiritu ang binata.

Bilang mga Pilipino, tayo’y maraming mga paniniwala. Hindi alintana kung ano man ang antas natin sa buhay, bata man o matanda, mataas man ang pinag-aralan o wala, marami sa atin ay may mga superstisyon.

Naniniwala tayo sa multo, sa aswang, sa tikbalang, sa kapre, sa tiyanak, sa manananggal, sa nuno sa punso, sa engkanto at engkantada, sa dwende at marami pang iba.

Balik tayo sa Canlubang. Isang buwan din ang naging rotation namin doon. Apat na babaeng co-interns ang kasama ko sa rotation na iyon, ako lang ang lalaki. Sa isang maliit na gusali sa likod ng ospital kami nanirahan habang kami ay naninilbihan doon.

Isang gabi, isa sa aking co-intern ay may hinahanap na gamit niyang nawawala. Kami ay tinanong niya kung amin daw ba itong nakita. Sumagot ang isa ko namang co-intern na baka raw “hiniram” lamang ito.

“Hiniram nino?” ang aming tanong.

“Maari ng mga dwende,” and sagot niya.

Nagkatinginan na lamang kaming apat. Tanong namin, “May dwende ba rito?”

“Oo, ayun nga ang isa sa may pintuan o,” ang dagdag pa nito.

Biglang nagtayuan ang aming mga balahibo! Sumulyap kami sa may gawing pintuan kung nasaan daw yung dwende, ngunit wala naman kaming nakita.

Mayroon daw talagang mga tao na kitain ng dwende, o ng multo, at ng kung anu-ano pang kataka-takang pangitain. Siguro katulad ko ay may mga kakilala rin kayong kagaya nila. Ayaw natin silang kasama, kasi lalo lang tayong matatakot.

Mula noon, lagi nang nagpapasama sa akin ang aking mga co-intern paglalabas sila sa gabi mula sa aming tinitirahan, kahit patungo lang sila sa ospital, na may ilang hakbang lang ang layo. Madilim at mapuno naman kasi ang paligid, tapos dadaan ka pa sa tabi ng morgue ng hospital. Sino nga ba naman ang hindi matatakot?

Marami pa akong narinig na makababalaghang kwento mula sa aking pagkabata sa mga lugar na aking narating. Tulad ng White Lady sa Balete Drive sa pagitan ng Aurora Boulevard at Rodriguez Avenue. O kaya nama’y ang kwento ng diwata sa bundok ng Makiling, na kilala na si Maria Makiling. Nang kami din ay bumisita sa isang liblib na purok sa probinsiya ng Quezon, bilin sa amin ng mga tagaroon, huwag daw kaming masyadong tititig sa mga nakadungaw sa bintana na hindi namin kakilala, at baka raw kami mamaligno.

Naalala mo rin ba noong bata ka, huwag ka raw tatapak sa maliit na bunton ng lupa, at baka raw may nuno sa punso na nakatira sa loob nito. O kaya ay binabawalan ka na huwag kang turo nang turo kapag nasa gubat o mapunong lugar, at baka ka ma-matanda. Umiwas din daw sa puno ng balete at baka magambala mo ang mga nilalang na naninirahan doon.

Naniniwala ba ako sa mga ito at mga kwentong multo?

71576822

May kinakausap kaya ang batang ito sa puno ng balete?

Pagkatapos ko ng aking internship, dahil hindi ko pa tiyak kung anong specialty ang aking pipiliin, kaya’t nag-moonlight muna ako sa isang ospital sa Plaridel, Bulacan. Habang ako ay nagre-review para sa Medical Licensure Exam ng US, upang makapag-training sa Amerika, ay sa Plaridel muna ako nanilbihan ng kulang-kulang isang taon.

Maliit lang ang ospital na iyon. Nasa looban ito at nasa daang graba. Sa ikalawang palapag ng ospital ay mga kwarto ng pasyente. Sa unang palapag naman ay ang klinika, at ang emergency room.

Isang gabi na medyo matumal ang dating ng mga pasyente, ako lang at isang nurse ang nasa ospital. Walang pasyenteng naka-admit sa ikalawang palapag, kaya’t patay lahat ng ilaw sa itaas. Wala ring laman ang Emergency Room maliban sa akin at sa nurse na naka-duty. Naroon din naman si Manong na katiwala ng ospital na nakaupo at nagbabantay sa pinto ng Emergency Room.

Isang maitim ngunit mapaglarong panukala ang parang ibinulong sa akin ng hangin.

Nagpaalam ako sa nurse at sabi ko ako’y bibili lang ng softdrink sa may tindahan sa kanto. Sinabihan ko rin si Manong na tawagin at takbuhin lang ako sa kanto kung sakaling may emergency na dumating.

Pagbalik ko sa Emergency Room ay humahangos akong sinalubong ng aming nurse.

“Doc! May multo po yata sa taas!” ang gimbal na pahayag ng aming nurse.

Tinanong ko kung ano ang nangyari. Sabi niya ay may narinig siyang malalakas na yabag mula sa ikalawang palapag. At para bang may kinakaladkad pa itong kadena, wika pa ng aming nurse.

Alam namin na walang ibang tao sa ospital. May mga ligalig kayang kaluluwang gumagala-gala sa gusaling ito? Ano kaya ang kanilang gustong ipahayag? Baka naman “pinaglalaruan” lamang kami.

Bumaling ako kay Manong. Sa halip na takot ang mababakas sa kanyang mukha ay parang nakangisi pa ito, na para bang may sanib.

Marahan kong nilapitan si Manong, habang pilit kong tinatago ang tunay kong nararamdaman. Ako’y bumulong sa kanya, “Bukas ko na lang po isasauli ang aking hiniram.”

Kinaumagahan, isinauli ko na ang hiniram kong kadena ng bisikleta ni Manong, na aking kinaladkad sa ospital noong gabi.

Pinaglalaruan nga ba kamo?

*******

P.S. : Nurse Owie, peace na tayo.

(*photo from the web)

Binibini ng Lawa

Nuong Linggo ng umaga ay tumakbo ako ng sampung kilometro. Mga ilang buwan na rin ang nakakalipas mula nang ako ay tumakbo ng ganitong kalayo. Nakakapanibago. Nakakahapo (kaya nilakad ko na iyong huling kilometro).

Bagong tila ang malakas na ulan nang ako ay lumabas ng bahay para tumakbo. Basang basa ang buong kapaligaran. Salamat naman at ang ulan ay nagdala ng malamig-lamig na ihip ng hangin at napalitan ang maalinsangang klima, matapos ang isang linggo ng “heat wave,” kung saan ang temperatura ay palaging nasa 90-100 degrees F (highest heat index: 115 F).

Kahit pasado ala-sais na ng umaga ay nag-aagaw pa rin ang liwanag at dilim, dahil sa mga maiitim na ulap na kumukulambo sa kalangitan, at tumatabing sa sumisilip na araw. Bumubulong-bulong ang ihip ng hangin.

Nang ako ay magawi at papalapit na sa isang maliit na lawa na may bumubukal na tubig, ay may na nakita akong isang anino ng taong nakatayo sa gilid nito. Malimit ay may mga nakaparadang kotse o golf cart sa tabi ng lawang ito, at mga lalaki na nangingisda ang natutunghayan ko dito.

Ngunit sa umagang ito ay isang babae ang naroon. Siya ay nag-iisa, at nakatindig na nakamasid sa malayo sa kabilang ibayo ng lawa, na para bagang may hinihintay. Nakalugay ang kanyang buhok na hindi kahabaan. Puti ang kanyang kasuotan. Maluwag-luwag ang kanyang damit na wumagawayway sa ihip ng hangin.

Ibinaling-baling ko ang aking tingin sa paligid. Walang ibang tao akong nakita. Wala ring kotseng nakaparada sa tabi ng lawa. Marahil ang binibining ito ay naglakad lamang patungo dito. O marahil siya ay tumakbong katulad ko. O kaya naman siya ay…… lumipad at lumutang!

Bigla akong pinagpawisan ng malamig.

Patuloy kong tinahak ang daan patungong lawa kahit na sa likod ng aking isip ay ayaw ko sanang gambalain ang babaing nakaputi. Nang ako’y malapit na sa kanya, ay isang impit at pilit na pagbati ang namutawi sa aking labi. Lumingon ito sa akin at nagtama ang aming tingin. Napansin kong malalalim at madilim ang paligid at ilalim ng kanyang mga mata, marahil sa puyat sa nakaraang gabi. Siya ay dahan-dahang ngumiti, at lumitaw ang kanyang mga baku-bakong ngipin na para bagang mga pangil. Pangil?!!!

lady of the lake

Napabilis ang aking mga hakbang, at kahit ako’y hingal na hingal ay patuloy ako sa aking pagtakbo. Hindi ko na muling liningon ang binibini.

Pagkaraan ng mga kalahating oras, nang ako ay pabalik na, ay wala akong ibang daan kung hindi muli sa tabi ng lawa. Mataas na ang araw at maliwanag na ang kapaligiran. Wala na ang kulimlim na mga ulap. Wala na rin ang babae doon sa lawa.

Sino kaya ang babaeng iyon na nakasuot ng puti? Siya kaya ay isa lamang sa aking mga kapit-bahay? O siya kaya ay isang white lady? O kaya nama’y engkantada ng lawa? Tutoo nga kaya ang aking nakita? O ako’y pinaglalaruan lamang ng aking malikot na pag-iisip? O kaya nama’y guni-guni lang ito ng isang utak na naghihikahos sa oxygen.

Iyan ang hirap pag-wala sa kundisyon ang katawan na tumakbo ng malayo, nahihibang sa pagod, at nakakakita ng white lady.