Doon sa lalawigan ng aking ama nuong ako’y bata pa, ay may isang lalaking kinilala na “Bertong sintu-sinto.” Si Berto (hindi tunay na pangalan) ay ipinanganak at lumaki na kulang sa pag-iisip. Siya ay matatagpuan na laman ng kalsada na palaboy-laboy. Nakakarating pa nga ito sa kabilang bayan na naglalakad lamang. Wala itong hinto sa pag-gala at paglalakad. Kung tumitigil man ito sa tabi ng lansangan upang magmasid, siya ay umuugoy-ugoy sa pag-galaw na parang tumba-tumba sa kanyang pagkakatindig.
Ang gupit ni Berto ay parang sinakluban ng bao ang tuktok at tinapyas ang gilid at likod. Hindi ko maisip kung paano ito umuupo ng pirmi sa harap ng barbero. Kamiseta at puruntong ang lagi nitong kasuotan. Wala siyang sapatos o tsinelas, at laging nakayapak lamang. Siya ay maaaring mahigit dalawampung taong gulang na ang edad, ngunit ang utak ay tulad sa isang batang musmos. Dahil sa katawa-tawang itsura ni Berto ay lagi itong tampulan ng kutya at tukso. Tinatawanan kahit hindi naman siya payaso. Maging mga kabataang tambay, o kahit mga batang kasing edad ko na naglalaro sa lansangan, ay nanunuya kapag si Berto ay dumadaan na.
Ngunit hindi alintana ni Berto ang mga panlilibak ng mga tao. Tuloy lang ito sa kanyang paglalakad. At sa wari ko’y nakatawa rin ito habang tumutulo ang laway, kapag siya ay pinagtatawanan na. Maaring dahil na rin sa kapos sa pag-iisip ay hindi nito maunawaan kung paanong masaktan at malungkot para sa sarili. Minsan ko lang ito kinakitaan ng ibang emosyon – nang kagat-kagat nito ang isa niyang kamay, habang ikinukumpas ang kabilang kamay sa hangin sa harap ng mga kabataang walang tigil sa pagtukso. Ganito yata siya magalit.
Sintu-sinto. Luko-luko. Baliw. Hangal. Ungas. Sira-ulo. Sira ang bait. Maluwag ang turnilyo. Kulang-kulang. Kulang sa pito, sobra sa walo. Basag ang pula. Ito ang mga katagang ating ginagamit sa mga taong tulad ni Berto. Hinahamak. Kinukutya. Dahil hindi natin sila katulad. Kaya? Tulad nga ng sabi sa isang awitin: “Sino ang tunay na baliw, yaon bang isinilang na ang pag-iisip ay ‘di lubos, o husto ang isip, ngunit sa pag-ibig ay kapos?”

Kahit gayon ang kalagayan ni Berto, ay may mapagmahal pa rin namang pamilya na nagaaruga sa kanya. Maganda ang kanyang katawan na bakas ng sapat na pagpapakain sa kanya. Pinaliliguan ito at malinis ang damit sa kinaumagahan, kahit na sa katapusan ng araw ay madungis at hampas-lupa na ang kanyang itsura, dahil na rin sa kanyang pagbubusabos sa mag-hapon. Oo nga’t hinahayan itong palaboy-laboy sa kalye, ngunit hindi dahil sa kapabayaan ng mga nagmamalasakit sa kanya, kundi dahil na rin siguro sa kakulangan ng pasilidad o pananalapi para ilagay siya sa isang institusyon para sa mga taong kagaya niya.
Ngunit mas makakabuti bang nasa isang institusyon si Berto? Institusyong kung saan siya ay mapipiit sa likod ng mga dingding at pader ng sistemang magaalaga sa kanya? Maaring pipiliin ko pang maging busabos na malaya, kaysa nasa hawla na kumpleto sa pagaaruga.
Ano kaya ang pananaw ni Berto sa makulay na mundong ito? Mundong mabagsik at naging mapagkait sa kanya. Hindi niya naranasang pumasok sa paaralan. Hindi niya natutunang bumasa at bumilang. Hindi niya natutunang magsulat at gumuhit. Hindi niya natutunan ang mga tula at nobela na katha ng mga magagaling na manunulat. Hindi niya natutunan ang mga kasaysayan ng mga iba’t-ibang kultura. Hindi niya naintindihan ang pagtakbo ng buhay sangayon sa paliwanag ng siyensiya. Hindi niya naranasang maging tagumpay sa paghahanap-buhay. Kaawa-awang Berto.
Ngunit marami pang mga bagay ang hindi natutunan at hindi naintindihan ni Berto. Hindi niya natutunang magkimkim ng galit. Hindi nito natutunan na mag-tanim ng sama ng loob. Hindi niya natutunang magsinungaling. Hindi niya natutunan na manglait o mangutya ng kapwa niya tao. Hindi nito naranasang madungisan ang malinis at wagas niyang diwa. Hindi niya naranasan ang mabagabag sa mga problema ng buhay. Hindi niya naunawaang lubos ang mga pasakit at kabiguan na bahagi ng mundong kay lupit.
Matapos ang ilang panahon ay hindi ko na nakita si Berto. Nabalitaan ko na lang na ito raw ay nabundol ng isang rumaragasang sasakyan. Siya ay naospital, at doon siya’y nahimlay. Hindi nagtagal ay tuluyang na siyang namayapa. Si Bertong walang humpay sa paglalakad at hindi mapakali sa isang tabi, sa wakas ay nagpahinga na.
Kung akin lang makikitang muli si Berto, ay sasabihin ko sa kanya na mas maganda at dalisay ang daigdig na kinamulatan niya.
(*image from here)
Nakukuha ko ang puntos mo sa kabutihan ng pagiging malaya, kulang man o husto ang iyong kaisipan, subalit para sa akin mahalaga din ang may institusyon na mag aaruga para sa kanila. Sa aming bayan may isang batang babae na kulang sa ka-isipan, Nakilala siya sa pangalang Yolly. Nagpalaboy laboy din siya sa aming buong bayan, naging dalagita at nag dalaga. Minsan makikita mong namumula ang likod ng kanyang baro, balewala lang sa kanya ito at walang lisya ang kanyang pag iisip, Nag ka anak siya at hindi niya alam o ng kanyang pamilya kung sino ang ama ng kanyang anak. Nagka anak uli siya ng pangalawa at ganoon din ang kinahinatnan ng pangalawa niyang anak. Hindi niya maituro kung sino ang ama, at hindi niya alam kung papano mag aruga at mag palaki ng bata at ang gawaing iyon ay naging gawain ng kanyang tumatanda ng mga magulang, Sa wakas ay may na awa sa kanila at binigyan si Yolly ng libreng ligasyon. Marahil ay ma uunawaan mo kung bakit nais ko rin na may institusyon na mag aalaga para sa kanila. Hindi man sila malaya kahit papa ano ay nabibigyan sila ng proteksyon.
Totoo ang sinabi mo. Lalo na sa kaso ni Yolly. Hindi ako salungat sa mga institusyon at pasilidad na nag-aaruga sa mga katulad ni Berto at Yolly. Maaring buhay pa sana ngayon si Berto kung siya ay nasa institusyon. Ang opinyon na parang hawla o kulungan ang mga pasilidad na ito ay aking pananaw lamang. Maaring sa pananaw nila Berto at Yolly ang mga pasilidad na ito, na magbibigay sa kanilang pangangailangan at hilig, ay waring paraiso.