Sa Likod ng Matataas na Pader

Posted by

Hindi kalayuan sa masikip na kalyeng aking kinalakihan sa Maynila ay isang kalsadang may mga naglalakihang compound na napapalibutan ng matataas na pader. Dahil sa taas ng mga bakod, ay mga tuktok ng puno at mga bubong ng bahay lamang ang iyong masisilayan sa loob ng pader.

Ang kalsadang aking tinutukoy ay ang Manga Avenue doon sa Sampaloc. Malapit din sa lugar na ito ang mga kalye ng Santol at Pinya. Nangangasim ka na ba? Siguro naglilihi ang nagbigay pangalan sa mga lugar na ito.

Madalas kaming dumadaan sa Manga Avenue noong araw. Hindi dahil sa loob ng mga nagtataasang pader kami naninirahan, kundi dito lamang tumatahak ang mga pumapasadang tricycle mula sa aming kapit-kanto patungo sa lugar ng Stop and Shop sa Sta. Mesa.

Nagpupunta kami sa Stop and Shop para maghulog ng sulat (Sta. Mesa Post Office), para mag-grocery (Fernando’s), o mamalengke (talipapa sa Sta. Mesa), o kaya’y bumili ng gamot (Mercury Drug, old Sta. Mesa branch). Wala na ngayon ang Fernando’s at Mercury Drug sa lugar na ito.

Sa Sta. Mesa rin kami tumutungo para sumasakay ng jeepney o bus (wala pang LRT2 noon) na bumabiyahe sa kahabaan ng Ramon Magsaysay, papuntang Quiapo o pa-Cubao. Nasa Stop and Shop din noon ang aking barbero. Malapit din sa lugar ng Sta. Mesa na ito ang mga establisimentong binabansagang “biglang-liko” at mga “patay-sindi,”  pero hindi ako gumagawi doon. Totoo, peks man, hindi ko pinasok ‘yun.

Mabalik ako sa Manga Avenue, maliban sa mga dumadaang traysikel ay masasabing matahimik ang kalyeng ito noong araw. Walang masyadong tao ang tumatambay doon. Mga walang imik na pader lamang ang tanging saksi sa mga nagdaraan dito.

Noong ako’y magsimulang sumama sa aking tatay na ma-jogging, ay tinutunton namin ang kalsadang ito kapag madaling araw. Madilim at pawang liblib ang kalyeng ito. Malalayo ang pagitan ng mga poste ng ilaw, at ang mga liwanag mula sa mga bahay ay nakukubli ng mayayabong na puno at matataas na pader.

Ano kaya ang itsura sa loob ng mga kutang pader na iyon? Tanong ito ng musmos kong isipan noon.

Sabi nila ay may mga swimming pool daw sa loob ng mga bakod. Sabi din nila ay may magandang basketball court daw sa loob ng mga compound, na hindi tulad ng payak na tabla at bakal na court sa aming kalye. Sabi nila humahalimuyak daw ang mga hardin sa loob ng mga compound na iyon. Sabi pa nila, magagandang mansiyon daw ang mga nakatirik sa likod ng matataas na pader.

Sinu-sino kaya ang mga naninirahan sa likod ng mga matataas na pader na iyon?

Sabi nila isa sa mga bahay doon ay naging tirahan ng dating presidente (Magsaysay), pero ipinagbili na ito sa isang prominenteng pamilya. Sabi pa nila ay mga mayayamang negosyante ang mga nakatira sa loob ng mga pader na iyon. Aaminin ko, pinangarap ko rin na manirahan, o kahit makapasok man lamang sa loob ng mga pader na iyon.

Laging nakapinid ang mga makapal na bakal na gate sa Manga Avenue. Ngunit paminsan-minsan ay natitiyempuhan kong masulyapan na bukas ang gate, habang pumapasok ang mga magagarang kotse. Nakabantay naman palagi ang mga gwardiang may nakasukbit na baril.

Ngunit isang araw, sa isang malawak na bakanteng lote na napapagitnaan ng mga compound, ay may naligaw na nagtayo ng barong-barong doon sa Manga Avenue. Hindi nagtagal ay sunod-sunod na yerong kubo ang nagsulputan na parang kabute doon sa bakanteng loteng iyon. Nang malaon na ay nagkaroon ng “subdivision” ng mga dampa na kahalera ng matataas na pader. Umapaw pa hanggang sa lansangan na mismo ang mga barong-barong.

Balita ko ay hindi na mapaalis ang mga pamilyang nagtayo ng mga barong-barong. Mula noon ay naging matao, aktibo, at makulay na ang Mangga Avenue.

Ano kaya ang naramdaman ng mga naninirahan sa loob ng mga matataas na pader? Ano kaya ang kanilang naging reaksiyon?

Ang akin lamang nasaksihan mula noon ay lalo pang pinataasan ang mga pader. Naglagay pa ng mga barb wire sa ibabaw nito. Lalo ring pinagtibay ang mga bakal na gate. At dinagdagan pa ang mga guwardiang bantay.

Hindi ko sasabihing masama ang pataasin pa ang mga pader, dahil ito nama’y kanilang pag-aari. At hindi ko rin sasabihing tama ang magtayo ng mga barong-barong sa lupang hindi pag-aari.

manga-5-5-11-2013-4-29-19-am
mga dampa sa labas ng matataas na pader sa Manga Avenue ngayon

Ngunit kaya kayang tabingan ng mga matataas na pader ang mga masaklap na katotohanan ng maralita sa labas nito? Kaya kayang patahimikin ng matatalas na barb wire ang mga hikbi at iyak ng mga mahihirap? Kaya kayang sapawan ang baho ng pag-hihikahos ng bango ng mga bulaklak sa hardin na nasa loob ng mga pader? Nagtatanong po lamang.

Ikaw? Ako? Anong mga pader din ba ang ating itinatayo upang ikubli sa ating paningin ang mga paghihirap ng iba?

Masakit mang aminin, kailangan din nating dumungaw mula sa ating pader.

******

Post script: Habang naghahanap ako ng mga larawan ng Manga Avenue, ay aking napagalaman na si Erap, na ngayo’y Mayor na ng Maynila, ay sa kalyeng ito na naninirahan. Magbago na kaya ang lugar na ito?

(*photo from here)

2 comments

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s