Pilipino ang wika na aking kinamulatan. Ito rin ang wika na malugod kong tinanggap. Sa pamamagitan ng pagsasalita ay aking napahiwatig ang aking pangangailangan.
Mama. Kain. Tubig. Tulog. Kumot.
Sa wika ring ito, ako’y natutong makipag-kapwa at ipahayag ang aking saloobin.
Laro tayo. Sali ako. Taguan tayo. Sige, ikaw taya. Ayoko na. Madaya ka.
Nang pumasok na sa eskwela, ako’y natuto ring bumaybay at bumasa sa Pilipino.
ABaKaDa. Ako ay may lobo. Lumipad sa langit. Si Juan ay may aso. Kumain ng lobo. Si Pepe ay may pusa. Hinabol ng aso. ABNKKBSNPLAko!
Sa pamamagitan ng wikang kinamulatan ay aking natuklasan na kaya kong mapagalaw at mapaikot ang aking munting mundo.
Mama, bayad ko ho. Isang Quiapo, galing Balik-Balik. Para na po sa tabi. Ale, pabili nga po ng isang hopia at isang malamig na Sarsi. Manong, gupit-binata po.
Maliban sa tahanan at sa paaralan ay natuto rin ng mga bagong salita na nagpakulay ng aking wika. Maging ito ay salitang kalye: Pards, dehins ako makakasama sa tipar mo, dehins ako payagan ng ermat ko.
O sa pakikinig sa radyo: Laki sa layaw, laki sa layaw jeproks. Bonga ka day, bonga ka day, sige lang, sige lang, itaas ang kilay!
Nakapulot din ng iba pang bokabularyo sa panonood ng TV: Pare, bagets na bagets ang porma mo. Nakakapraning kang tignan.
Ngunit nang makadaupang-palad ko ang panitikang Pilipino, ito ay aking naibigan. Ito ay gumising sa nananalaytay na dugong Balagtas sa aking katauhan. Sa katunayan, Bulakan ang pinagmulan ng aking lahi.
O pagsintang labis ang kapangyarihan,
Sampung mag-aama’y iyong nasasaklaw
Pag ikaw ang nasok sa puso ninuman
Hahamakin ang lahat masunod ka lamang.
Aking napagtanto na hindi lamang ang wika ay upang ipahayag ang ating hangarin, ito rin ay maaring gamitin bilang isang sining upang pumukaw sa mga natutulog na damdamin.
Datapwat mahirap maging dalisay sa isang wika. Maraming pagkakataon, ay pinagsasama-sama natin ang mga iba’t-ibang wika. Ito ay upang mas lalong maging effective sa pag-lalahad nang ating objectives. Kaya’t natuto rin akong magsalita ng Tag-lish.
Aminin man natin o hindi, ay may mga salita, lalo na sa siyensa na walang katumbas sa ating wika. Tulad ng: Ano ang kayariang henetika ng langaw ng prutas? Hindi ba’t mas madaling intindihin kung sabihin na lang na: Ano ang genetic make-up ng fruitfly?
OK lang naman sigurong haluan natin ng ibang salita ang ating lengguahe. Hindi naman siguro titikwas sa kaniyang libingan si Manuel Quezon, ang tinaguriang ama ng pambansang wika, kung makakarinig siya ng salitang Tag-lish.
Para sa akin ay tanggap naman nating lahat ito, dahil nagkakaintindihan pa rin naman tayo. Pero meron din namang iba, lalo na ng mga kolehiyala, na medyo mahirap ko pa ring tanggapin. Ito rin ang tinaguriang salitang Coño.
Let’s make tusok-tusok the fishballs. It’s so maputik the road, it make dumi my shoes. Why is it so mainit here? I make paypay the whole day, and I get so pagod!
Sa totoo lang, dumudugo pa rin ang tenga ko kapag nakakarinig nito.
Lumipas pa ang mga taon at matapos akong manirahan sa ibayong dagat nang matagal na panahon, hindi ko kinalimutan ang salitang aking kinagisnan. Hindi ko ito tinalikuran, at gamit gamit ko pa rin kahit ako ay nasa dayuhang bansa na.
Dahil Pilipino ang aking lahi. Ito ang aking pagkakakilanlan. Ito ang aking wikang kinamulatan. Ito ang wikang aking minamahal.

Hindi katagalan ay muling nagbalik at tumapak muli ako sa lupang tinubaan. Ako’y napatulala. Pilipino pa rin ba ang wikang aking narinig?
Matapos magkitakits ng mga kaibigan. Hindi ko ma gets ang salita ng iba. Parang nganga ang aking peg. Tunay na naguluhan akech. Sa bayan ng mga epal at jologs, kinarir na rin ba nilang palitan ang ating wika? Anyare?
Pero, tangapin ko man o hindi ang mga pagbabago sa salitang aking kinagisnan, aaminin ko, astig pa rin ang dating ng ating wika.
Mabuhay ang wikang Pilipino! Mabuhay ang mga nagsasalita nito! Mabuhay ang mga nagmamahal ng ating pambansang wika!
(*Ang kathang ito ay sinulat sa pagdiriwang ng buwan ng pambansang wika.)
Mabuhay ang mga nagmamahal sa Wikang Filipino! 🙂
Mabuhay! Salamat sa pagdaan.
Reblogged this on penpowersong.
Mabuhay ang wikang Tagalog