Idadaan Na Lang Sa Gitara

Posted by

Noong makalawang araw ay nakikinig ako ng mga tugtuging Pilipino sa Spotify nang sumalang ang kanta ng Parokya ni Edgar:

Hahayaan na lang silang
Magkandarapa na manligaw sa 'yo,
Idadaan na lang kita
Sa awitin kong ito,
Sabay ang tugtog ng gitara,
Idadaan na lang sa gitara.
Idadaan na lang sa gitara.

Biglang sumagi sa aking isipan ang mga alaala ng ako’y kabataan pa at ang aking mga kabarkada na mahilig mag-gitara.

Hindi ako natutong mag-gitara. Alam ko lang tipahin ang chord na C, D, at A. Pero kapag mahirap na, gaya ng Badd9 o C#sus, ay naku Bad talaga, o sus as in susmaryosep na!

Kahit hindi ako marunong mag-gitara, marami akong naging kaibigan na mga gitarista. Noong nasa high school kami, ilan sa mga kabarkada ko ay mahuhusay mag-gitara. Sabit na lang ako sa kanila kapag kantahan na. Mga paborito naming awitin ang mga kanta ng Eagles, America, at Bread. Sa mga Pilipinong grupo naman ay ang Asin at Apo Hiking Society. Hindi pa pinapanganak ang Eraserheads noong high school kami. Kahit mahirap tugtugin ay kayang-kaya ng mga kaibigan ko, tulad ng mga kanta ni Jim Croce – sabi nila sobrang hirap daw gitarahin ang mga kanta niya.

Dahil mahilig kaming kumanta, pinakanta pa ang aking barkada sa Junior-Senior Prom. Maayos naman ang aming awit at hindi kami binato ng kamatis at hindi rin nabilaukan ang mga kumakain.

Tayong mga Pilipino ay mahilig kumanta at mag-gitara. Bago pa nauso ang mga Karaoke, Minus 1 at Magic Mic ay nagkakantahan na tayong mga Pinoy, basta mayroong nag-gigitara. Ang mga inuman sa kanto ay nagiging sing-along kapag mayroon ng nag-gigitara.

Uso rin noon ang mga harana. Ulit, kanta ng Parokya ni Edgar:

Uso pa ba ang harana?
Marahil ikaw ay nagtataka,
Sino ba 'tong mukhang gago?
Nagkandarapa sa pagkanta,
At nasisintunado sa kaba.

Bakit nga ba nawala na ang harana. Ngayon, sa Facebook messenger at text na lang ang ligawan, hindi tulad noong araw na tunay na umaakyat ng ligaw ang isang lalaki at kasama pa ang kanyang tropa at sila’y aawit ng mga harana. Siyempre may kasamang gitarista.

Maraming mga Pilipino ang natututong mag-gitara kahit walang pormal na guitar lessons. Nanonood lang sa mga nag-gigitara ay nahahawa na rin sila sa hilig at husay.

May kapatid ang aking misis, na bago pa raw ito makapagsalita ng tuwid ay marunong na itong mag-gitara dahil sa pagmamasid lang. Hindi pa siya pumapasok sa Kindergarten ay magaling nang tumugtog ng gitara. Ang paborito niyang tugtugin noon ay “Pordidem Deyms,” kasi hindi niya pa raw mabigkas ‘yung “Forbidden Games” (classical guitar piece also known as Jeux Interdits or Romance).

Kahit na nang nasa medical school na ako, may kaibigan ulit akong magaling mag-gitara. Minsan nuong 4th year medical student na kami at duty kami sa hospital, ay nagkantahan pa rin kami. May napagaling ba kaming mga pasyente sa aming kanta? “Utol” ang tawag ko sa kaibigan kong ito, dahil parehas kami ng apelyido. Minsan sabi sa amin ng isang Medical Resident ay magtayo raw kami ng banda. Siguro dahil mukha rin kaming mga punkista dahil sa aming buhok na spikey.

Matagal na panahon na nga ang lumipas. Nasaan na kaya ang dating barkada? Tulad ng kanta ng APO, namimiss ko ang mga panahong iyon:

Madalas ang istambay sa capetirya. Isang barkada na kay' saya,
Laging may hawak-hawak na gitara, konting udyok lamang kakanta na.....

Saan na nga ba, saan na nga ba?
Saan na napunta ang panahon.
Saan na nga ba, saan na nga ba?
Saan na napunta ang panahon.

Noong ako’y lumipad na papuntang Amerika at napadpad dito sa Iowa, ay nagkita muli kami ng isa sa aking kaeskwela noong kolehiyo na napadpad rin dito sa Iowa. Ang dating kaeskwela kong ito ay magaling din mag-gitara. Kaya ng magkatipon-tipon kami, inilabas ang mga lumang song hits at “jingle” na halos gula-gulanit na. Kami’y nagkantahang muli na parang mga kabataan ng mga awiting aming kinagisnan, hanggang sa lumalim na ang gabi.

Sana hanggang sa aking pagtanda ay may mga kaibigan pa rin akong nag-gigitara. At kahit laglag na ang mga ipin at kapos na ang hangin sa baga ay patuloy pa rin kaming magkakantahan. Sabi nga ng kanta ng Asin:

Mayro'n lang akong hinihiling,
Sa aking pagpanaw, sana ay tag-ulan,
Gitara ko ay aking dadalhin,
Upang sa ulap na lang tayo magkantahan.

**********

Added Joke: Pinaiyak na Gitara

Jose: Ang tiyuhin ko ang galing mag-gitara. Pinaiiyak niya ‘yung gitara.

Juan: Uy magaling nga yung tiyuhin mo, pero mas magaling yung tiyuhin ko. Hindi lang gitara ang umiiyak, pati hinaharana niya ay napa-iyak din.

Pedro: Eh wala palang sinabi yung mga tiyuhin ninyo. Yung tiyuhin ko sa galing niyang magharana at mag-gitara, ‘yung hinaharana niya ay napaiyak at napasigaw pa.

Jose at Juan: O siya nga?

Pedro: Oo, napaiyak sa galit at sinigawan na siyang tumigil na!

(*image from the web)

4 comments

  1. Naalala ko nong batang paslit pa lang ako in the 70s… Tuwing umuuwi kami sa probinsya sa Quezon tuwing Summer para magbakasyon. Doon ko nakita kung paano mangharana and mga teenager na taga Quezon. Very nostalgic.. sana hindi nawala ang napakagandang kultura na ito.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s