Leksiyong Pang-Grade Two

Posted by

Balik-eskwela na naman ang mga bata. Pero marami sa mga schools sa ngayon ay virtual class ang meeting dulot ng COVID-19 pandemic. At dahil po pasukan na naman, ay minarapat ko na muling sariwain ang mga leksiyong natutunan ko noong ako’y nasa mababang paaralan pa.

(Related previous posts Kwentong Kindergarten and Leksiyong Pang-Grade One.)

Photo by Skitterphoto on Pexels.com

Ako ay inilipat sa mas malaking paaralan nang ako’y mag-grade 2. Hindi tulad ng paaralan ko sa Kindergarten na nilalakad ko lang mula sa aming bahay, at ang eskwelahan ko ng Grade 1 na isang tricycle lang ang layo, ang bagong school na pinasukan ko noong grade 2 ay malaki ang inilayo nito: 2 sakay ng jeepney at 1 sakay ng tricycle. Lumipat ako doon dahil sa ito ay academy – elementary hanggang high school.

Bagong paaralan. Bagong lugar. Bagong uniporme. Bagong lunchbox. Bagong classroom. Bagong teacher. Bagong mga classmates. Bagong hamon.

Sa Grade 2, ako at iilan lang estudyante ang bagong lipat. Halos lahat ng mga classmates ko ay magkakakilala na dahil doon silang lahat nag-Grade 1. Buti pa sa Kindergarten o sa Grade 1, lahat kami ay bago. Sa Grade 2, ako lang ang bagong salta. Kumbaga ako’y “new kid in town.”

Hindi ko sasabihin na naging madali ang naging transisyon ko sa bagong paaralan. Pero alam kong kailangan itong mangyari. Kaya ang isa sa leksiyon na aking natutunan noong grade 2 ay ito:

Huwag matakot sa pagbabago. Dahil sa pagbabago tayo ay natututo at lumalago.

Sapagkat ako nga’y bago at wala pang kakilala, pag-recess na ay nasa isang sulok lang ako. Mahiyain ako at hindi naman ako ipinanganak na parang pulitiko na maboka at magaling makipagkaibigan. Buti na lang at may dalawang mag-pinsan na bagong salta ring katulad ko. Kinaibigan nila ako, o siguro naawa sila sa akin dahil mukha akong basang sisiw.

Mula noon kapag lunch break na, kahit may bitbit akong baon dahil nga malayo ang bahay namin, ay sumasama ako sa mag-pinsan kong kaeskwela, at doon sa bahay nila ako kumakain ng tanghalian. Kung alam lang ng nanay ko na kung saan-saang kalye at eskinita ng Pasay ako sumusuot at naglalakad ay siguradong mag-aalala ito. Nariyan ang mga maton at siga sa daan na aming nasasalubong. Mayroon din mga lasing at adik. Sa awa ng Diyos, wala namang nangyari sa akin.

Naging kaibigan ko ang mag-pinsan na ito, at mga ilang buwan din akong kaladkarin sa bahay nila. Nakatulong din na naging “in” ang aking bagong kaibigan dahil magaling siya sa sipa at pinakamabilis siyang tumakbo, kaya naman kahit sabit lang ako ay isinasali na rin ako pag-naglalaro na. Hindi na ako basang sisiw.

Isa pang leksiyong aking natutunan noong ako’y Grade 2:

Ang mga taong may kaparehas mong hamon sa buhay ang makakaunawa at makakatulong sa iyo. Ang mahirap na sitwasyon ang makakapagbuklod sa inyo.

Mga ilang taon ko rin naging kaibigan ang mag-pinsan na ito. Ngunit isang araw, lumipat na sila ng paaralan. Tunay na ikinalungkot ko iyon. Hindi man lang ako nakapagpaalam sa kanila. Salamat na lang at marami na akong mga kaibigan pa nang sila’y nawala.

Dahil ako ay baguhan nga, may isang bata rin ang nag-bully sa akin noong ako’y nasa Grade 2. Sabi niya isusumbong daw niya ako sa aming teacher kesyo hindi healthy ang aking baon at hindi raw ito ‘kosher.’ Isusumbong niya ako dahil may kulang daw sa aking uniporme. Isusumbong daw niya ako dahil hindi ako naggupit ng kuko. Isusumbong daw niya ako dahil masyado akong guwapo. At iba’t-iba pang walang katotohanang akusasyon, maliban sa huling paratang.

Tinanong ko ang aking nanay, at sabi niya baka raw inggit lang ang aking kaklaseng ito. O marahil nagugutom lang ito, kaya’t i-share ko na lang daw ang baon ko. Kaya nang sumunod na isusumbong na naman daw niya ako sa teacher, ay binigyan ko na lang siya ng kalahati ng sandwich ko. Masaya naman niyang tinanggap ang inalok kong pagkain. Mula noon, hindi na niya ako ginambala. Gutom nga lang pala.

Kaya isa pa sa leksiyong aking natutunan:

Sikaping intindihin ang gumagawa ng hindi mabuti sa iyo. At kung kaya mong gawin ay gantihan na lang ito ng mabuti.

Marami akong naging paboritong laro noong ako’y Grade 2. Tulad ng agawan base (also known as prisoner’s base), habulan, sipa, at jolens. Hindi naman sa pagyayabang, ay naging mahusay ako at kinilalang hustler sa sipa at asintado sa jolens.

Isang araw, matiwasay kaming naglalaro ng jolens. Ngunit may isang kaeskwela na nang-gugulo habang kami ay naglalaro. Tinitira niya ang aking jolens kahit hindi naman siya kasali. Sinabihan namin na tumigil na siya, ngunit tengang kawali lang siya. Napuno ako, kaya’t dinampot ko ang jolen niya at ibinalibag ito sa pader. Nag-arboroto siya at sinugod niya ako. Hindi ko siya inurungan. Nauwi ito sa suntukan.

Salamat na lang at maraming nakakatandang bata ang umawat sa amin. Hindi naman kami naging duguan. Damdamin lang ang naging sugatan. Hindi ko akalaing makikipag-away ako. Hindi ko rin akalaing may dugong Pacquiao pala ako.

Siyempre napagalitan kami ng aming teacher na si Mrs. de Vera. Pati magulang ko ay pinagalitan ako. Pero mula noon, wala nang gumagago sa akin. Siguro napagtanto nilang pumapalag pala ako kahit na ako ay patpatin. Natuto rin naman akong makisama, umiwas, at lumayo na sa mga away at basag-ulo.

Ito pa ang leksiyon kong natutunan sa Grade 2:

Umiwas sa mga away. Ngunit sa buhay, darating ang sitwasyon na kailangan mong lumaban at ipagtanggol ang iyong sarili.

Siyempre marami pa akong natutunan sa loob ng classroom, tulad ng calculus, biochemistry, at geopolitics. Teka, teka….. hindi yata sa Grade 2 ko natutunan ang mga ‘yon. Ngunit may mahahalagang leksiyon mula sa labas ng classroom na ang naging guro ko ay karanasan.

Oo nga at hindi na ako magaling mag-sipa at wala na ang husay ko sa jolens, pero ang mga aral na napulot ko noong Grade 2 ay bitbit ko pa rin hanggang sa ngayon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s